Barbie Forteza refuses to compare former onscreen partner Joshua Dionisio with new leading man Derrick Monasterio

GMA-7 teen star Barbie Forteza said she and her previous loveteam partner Joshua Dionisio talked about the latter’s sabbatical from showbiz only once. The young actress is certain that Joshua will make a comeback. Barbie says, “Makakabalik naman siya. Puwede naman siyang makabalik uli kaya ayoko magba-bye kasi feeling ko, magkikita pa kami ulit.”


Excited ang Kapuso young actress na si Barbie Forteza para sa pagpapalabas ng bago niyang programa na Paroa: Ang Kuwento Ni Mariposa.

Sa ilalim ng direksiyon ni Mark Reyes, ang latest “telefantasya” series ng GMA-7 ay magsisimula na sa Nobyembre 5, Lunes.

Isang halakhak na lamang ang naisagot ng nagdadalagang si Barbie nang batiin siya sa kanyang pagbibida muli sa primetime slot ng Kapuso network.

Huling lumabas ang batang aktres sa unang yugto ng soap na Luna Blanca.

Sa Paroa, gagampanan ni Barbie ang karakter ni Mariposa, isang batang naaapi dahil sa kanyang pambihirang hitsura.

Mababanggit sa umpisa pa lamang ng istorya na hindi ordinaryong tao si Mariposa dahil siya ay ang prinsesa ng kaharian ng mga “paroa” o mga taong paru-paro.

Kabilang sa cast ng Paroa ang mga aktres na sina Agot Isidro, ang kukupkop at magpapalaki kay Mariposa; at Tanya Garcia, ang reyna ng mga paroa at ang tunay na ina ni Mariposa.

Kasama rin sa teleserye si Derrick Monasterio, ang gaganap na kaibigan at kapareha ni Barbie; at ang teen actors na sina Joyce Ching, Rita de Guzman, Bianca Umali, at Miguel Tanfelix.

Sa ikalawang pagtatambal nila ni Derrick, sinabi ni Barbie sa press launch ng Paroa kagabi, Oktubre 24, sa 17th floor ng GMA Network, na hindi pa rin niya inakalang makakapareha niya ang binatang naging leading man na rin niya sa Luna Blanca.

Bago si Derrick ay halos dalawang taon ding ka-loveteam ni Barbie ang Kapuso tween actor na si Joshua Dionisio.

Kamakailan lamang ay nagdesisyon si Joshua na lisanin muna ang pag-arte upang tapusin ang high school.

Nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Barbie kung hindi ba niya nakukumpara sina Derrick at Joshua, mabilis na sumagot ang teen star na: “Hindi! Kasi ang sama ko naman kung magko-compare ako, di ba?

“Basta pareho silang masarap kasama. Parehas naman silang sweet.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bagamat “pressured” siyang magsuot ng high heels ngayon dahil matangkad ang kanyang leading man, sinabi ni Barbie na “kapatid” ang tingin niya sa dalawa.

Wika niya, “Parehas silang makulit!

"Kaya lang, mas kapatid talaga yung kay Derrick! Si Joshua kasi minsan parang ako yung bunsong kapatid.

“Pero parehas, parehas silang nagbibigay ng payo sa akin. Ako din, ganun din ako sa kanila.”

Pagdating sa pag-arte ng dalawa, ang nasabi lamang ni Barbie ay: “Magkaiba naman yung technique nila ng pag-arte, e.

“So, hindi ko rin maiko-compare dahil hindi naman lahat ng tao pare-parehas. Siyempre lahat ’yan may pagkakaiba!”



JOSHUA DIONISIO. Ang huling programang pinagbidahan ng Barbie-Joshua tandem ay ang afternoon romance-drama na Ikaw Lang Ang Mamahalin (2011).

Sa panayam, nasabi ni Barbie na hindi na sila nakakapag-usap ng kanyang kaibigan kahit sa pamamagitan ng text messaging.

Paliwanag ni Barbie, “Wala na pong time, e. Kahit nga po sa Twitter, wala na akong time mag-Twitter.

"Pagdating ko sa set, wala na. Wala na akong time magpunta sa standby area.

“Baka po busy siya sa pag-aaral niya. Kasi nga naman fourth year [high school]. Ang dami nang kung anu-anong projects.”

Nakapagpaalam ba si Joshua nang pormal sa kapareha bago ito mag-leave muna sa showbiz?

Sagot ni Barbie, “Hindi. Wala. Kasi pag magkasama kami, walang ganun, e.

“Yung pag-uusap namin na yun, once lang. Hindi siya naging big deal sa amin kasi…

"Actually ako, personally, ayoko talagang mag-goodbye sa kanya.

“As in parang, ‘O sige, tapusin mo yung high school mo. Pero sana makabalik ka sa showbiz.’

"Kasi sayang, di ba? Sayang naman yung naipundar niya.”

Sabi pa ni Barbie, “Makakabalik naman siya. Puwede naman siyang makabalik uli kaya ayoko magba-bye kasi feeling ko, magkikita pa kami ulit.”



UGLY STAGE. Naikuwento ni Barbie sa panayam na isa sa mga hamon ng kanyang role bilang Mariposa ay ang prosthetic make-up na inilalagay sa gilid ng kanyang mukha.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil caterpillar o higad pa lamang si Mariposa sa simula ng istorya ay mayroon pa siyang hindi kanais-nais na marka sa kanyang mukha.

“Mahirap kasi makati! Sobrang kati po,” kuwento ni Barbie ukol sa make-up na buti na lamang ay madali lang tanggalin.

Hindi pa raw niya alam kung kailan “gaganda” ang kanyang karakter dahil nasa Week Three pa lamang ang kanilang script.

Naging malinaw sa press launch na ang kuwento ni Mariposa ay isang coming-of-age story. Mayroong pagdadaanang mga pagbabago ang bida na karaniwang nagaganap sa buhay ng mga teenager o young adults.

Tulad ni Mariposa ay naranasan din ni Barbie na magkaroon ng mababang pagtingin sa sarili at ang pagkawala ng kumpiyansa.

“Nung grade five ako? Parang feeling ko, lagi pag dumadaan ako sa hallway ng school namin, laging nakatingin sa akin lahat.

“Kasi ang dami kong bitbit na gamit, kasi ang dami kong bag kasi wala akong locker!

“Loser ako dati sa school namin.”

Inamin rin ng 15-year-old actress na kahit siya ay mayroong sariling insecurities.

“Masyadong malaki yung pisngi ko!

“Kasi kaya hindi ako makapag-pataba! Kasi nga ganitong kapayat ko, ang laki ng pisngi ko!”

Bagamat sa palagay niya ay matambok ang kanyang mga pisngi, hindi ito humahadlang sa pag-arte ng batang aktres.

“Kasi in fairness, bihira lang yung artistang talagang natural na... yung kahit ganito?

“Wala akong ipapabago kahit insecurity ko ito. Ako na ito, e! Lumabas na ako sa TV nang ganito, e.”

Nagbiro pa si Barbie na madadaan naman ito sa make-up!

FRIENDS IN SHOWBIZ. Ang isa pang tema sa Paroa: Ang Kuwento ni Mariposa ay ang “bullying” na tila napapadalas na inire-report sa international at local news sa kasalukuyan.

Sinabi ni Direk Mark sa press launch na ang kuwento ni Mariposa ay para sa mga biktima ng bullying.

Naranasan na ba ni Barbie na mang-bully or ma-bully?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pabirong wika ng aktres, “Binu-bully ko si Derrick! Pero hindi naman masama! As in asaran lang! Para lang mas masaya sa set.”

On a serious note, nabanggit ni Barbie na minsan na rin siyang na-bully sa dating pinapasukang paaralan.

“Kasi nga loser ako dati, e. Wala akong masyadong kaibigan.”

Biglang naging sentimental ang aktres ukol sa topic.

Nakangiting sinabi nito, “Kaya nakakatuwa kasi ngayon, sa showbiz pa ako—kung saan mahirap makahanap ng kaibigan—dito pa ako nagkaro’n!

“Si Joyce, si Derrick. ’Yan sila Rita, si Ren, ’yan yung naging kaibigan ko sa showbiz.

“’Yan yung nakakatuwa kasi kung sa’n pa mahirap makahanap, dun pa nagkaro’n!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN