Nora Aunor reveals she had no idea where the cameras were while doing Thy Womb

“Mayroon ngang eksena doon na nadulas ako, akala ko hindi niya isasama ‘yon. Yun pala isinama niya. Nadulas ako, ’Ay!’ Yun ang natural na nangyari, nung paakyat ako galing ako sa bangka. Nadulas ako. So, yun ang scenario niya,” kuwento ni Nora Aunor sa interview sa kanya ni Boy Abunda sa live interview segment ng Bandila na "Ikaw Na!" nung Biyernes, Oktubre 26. Kasama nila sa larawan ang news anchor ng <


Ang Superstar na si Nora Aunor ang special guest ng tinaguriang “King of Talk” ng ABS-CBN na si Boy Abunda sa "Ikaw Na!" live interview portion ng Bandila, nung Biyernes, October 26.

Nai-record ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang kabuuan ng panayam at ibinabahagi namin ito para sa kaalaman at kaaliwan ng mga mambabasa.

Bilang panimula, nabanggit ni Kuya Boy ang kakaibang husay at talento na naitala ng nag-iisang aktres at Superstar na si Nora Aunor.

Kabilang na ipinakita ng programa sa opening ang film clips mula sa ilang klasikong pelikula ni Ate Guy, tulad ng Himala (1982) ng National Artist for Film na si Ishmael Bernal, Minsa’y Isang Gamu-Gamo (1976) ng premyadong direktor na si Lupita Kashiwahara, at The Flor Contemplacion Story (1995) ng multi-awarded filmmaker na si Joel Lamangan.

"Maraming salamat, Kuya Boy. Malaking karangalan sa akin ang maging panauhin dito ngayong gabi," bungad ni Nora Aunor sa pag-welcome ni Boy Abunda.

Masayang-masaya ang isa sa news anchors ng Bandila, sabi nga niya, "Maraming salamat sa iyong pagtitiwala, Ate Guy. Marami ang nagpu-post sa Twitter at Facebook, blooming daw si Nora Aunor!"

Nora complimented her make-up artist, Krist Bansuelo, "Talagang hindi nang-iiwan... talagang nakatutok sa ’yo..."

Gawa naman ng fashion designer na si Avel Bacudio ang itim na suit na suot niya.

NORA’S MOVIES. Maraming napag-usapan sina Boy Abunda at Ate Guy, sa kabuuan ng nabanggit na Bandila segment.

Expert si Kuya Boy sa pagbaha-bahagi ng ilang minutong panayam, para mapag-usapan ang pinakamahahalagang dapat pag-usapan tungkol sa kanyang interviewee.

Tulad ng pelikulang Thy Womb na bida si Nora Aunor, sa direksiyon ni Brillante "Dante" Mendoza.

Boy Abunda (BA): “Sa conversation namin ni Dante, sabi niya sa akin nung siya daw ay lumapit sa ‘yo para i-offer yung papel mo nga sa Thy Womb, sabi raw niya, ’Ito lang kami, wala akong pera, wala kaming masyadong maibabayad...’ At sinagot mo raw siya ng, ’Hindi natin pag-uusapan [ang bayad]...’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nora Aunor (NA): Totoo naman ‘yon [laughs]”...

BA: “Ate Guy, natuto kang mag-adjust dun sa pamamaraan. I mean, hindi ka ba nahirapan doon sa kanyang pamamaraan ng pagdidirek?”

NA: “Ah, nung umpisa...nung bago kami mag-umpisa ng shoot. Oo, kasi walang script talaga. At saka hindi mo alam kung nasaan yung camera talaga.”

BA: “Hindi mo alam kung nasaan ang camera?”

NA: “Oo, yun ang gusto niya talagang mangyari, makunan [ang eksena]... yun bang natural. Natural na nangyayari.

“Mayroon ngang eksena doon na nadulas ako, akala ko hindi niya isasama ‘yon. Yun pala isinama niya. Nadulas ako, ’Ay!’ Yun ang natural na nangyari, nung paakyat ako galing ako sa bangka. Nadulas ako. So, yun ang scenario niya.”

BA: “Anong eksena sa Thy Womb ang masasabi mong pinakamahirap?”

NA: “Siguro yung huli. Kasi masakit, e. Masakit yung huli dahil yung role ko dito, yung hindi ako magkaanak.

“Dahil sa pagmamahal ko sa asawa ko [Bembol Roco], yun bang, ako na ang naghanap ng babae para sa kanya. So, masakit para sa akin, pero masaya ako dahil nabigyan ko ng katuparan yung hangarin ng asawa ko na magkaanak.”

BA: “Ang magandang balita ay Thy Womb is now part of the Metro Manila Film Festival (MMFF 2012).”

NA: “Maraming salamat po...”

BA:"At hindi lang po ito. Hindi lang ang Thy Womb ang kasaling pelikula mo sa Metro Manila filmfest, dahil dalawa na ang pelikula mong kasali sa Metro Manila Film Festival.”

NA: "Kasali na rin po ang El Presidente..."

BA: “Na dito naman po, ang iyong papel ay...? Ano ito? Is this drama... ano ito?”

NA: “Asawa ni Emilio Aguinaldo... Dahil nung namatay yung unang asawa niya [Hilaria Del Rosario, gagampanan ni Cristine Reyes], ako ang pangalawang asawa...

“Yung role ko... nung matatanda na kami, bago siya mamatay, ako ang nag-alaga talaga sa kanya hanggang mamatay siya.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

[Gagampanan ni Nora, in a special participation, ang papel ni Maria Agoncillo, Gen. Aguinaldo’s second wife. Ang papel ni Hen. Aguinaldo, o ang El Presidente, ay gagampanan ni Laguna Gov. ER Ejercito, o Jorge Estregan, Jr.]

BA: “Ang magiging problema nito, saang float ka, ’ika nga, sasakay? Uunahan na lang namin...”

[Kapwa napatawa sina Boy at Ate Guy sa puntong ito]

NA: “Ang sabi ni Kuya Jobert [Sucaldito, publicist of Gov. ER]…ng anak kong si Jobert, na-explain niya kay Gov, siyempre, yung Thy Womb, ako ‘yon.

“Dito [sa El Presidente]... maski na mahalaga rin yung papel ko, marami kami. So, naintindihan naman po.”

BA: “Ate Guy, ang napakagandang balita pa rin, ngayong araw lang, natapos na ang pag-restore ng pelikulang Himala.

“Bahagi po ito ng restoration project ng ABS-CBN. At ang unang classic film na ni-restore ng ABS-CBN ay ang pelikulang Himala, in full high-definition!

“Sabi ko nga, napanood ko ang ilang bahagi ng [na-restore na] pelikula... aba’y napakaganda! Napakaganda talaga, Ate Guy!”

[Noong September, 2012 ay ipinalabas na rin ang restored/HD version ng Himala, sa Venezia Classici/Restored classics section ng 69th Venice International Filmfest, kung saan nag-compete din ang Thy Womb. Nagtamo ng Bisato d’Oro Italian Independent Critics’ Prize si Nora Aunor, at La Navicella Cinema Prize at P. Taddei Nazareno Honorable Mention, si Brillante Mendoza at ang Thy Womb. respectively.]

BA: “May tanong lang ako, na parati kong itinatanong sa ‘yo. While I was watching the film, may eksena doon [sa Himala], na nagsabi ang lahat ng mga taong nakita ni Elsa [Nora’s character], ang birhen [Blessed Virgin Mary].

“Pero bilang Elsa, alam mo na hindi mo talaga nakita. Pero habang pinapanood kita sa pelikula, pati si Elsa ay parang naniniwalang nakita niya ang birhen.

“Paano n’yo ginawa ‘yon? Paano n’yo ginawa ni Direk Ishma [Ishmael Bernal]? Ikaw, Ate Guy, how did you do that scene?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

NA: “[Laughs] Hindi ko rin alam, Kuya Boy! Hindi ko alam... Basta, yung pinakahuling eksena doon, ang sabi lang sa akin ni Bernie [Bernal], ’O, Ate Guy, halika dito. Ito yung kukunan natin bukas. Ito yung big scene.’ Ito yung maraming…3,000 extras. Ito yung, ‘Walang Himala!’

“Ito, hindi dapat mag-take two dito, kasi ang camera dito, walo yata, yung sabay-sabay, tuhog... Kaya hindi puwede talagang magkamali. Dahil, Diyos ko, gastos ang mangyayari.”

BA: “Dagdag ko lang, Ate Guy, at saka yung mga taong involved doon, totoo, mga galing sa iba’t ibang bayan, may mga kapansanan?

NA: “Mga estudyante… Mga tatlong libo…kaya nga walang pasok, e.”

BA: “Although sinabi ni Direk Ishmael Bernal, ito ang kukunan natin bukas?”

NA: “’Ito, kukunan natin bukas, tutuhugin natin ito, at hindi ko sasabihin sa ‘yo kung anong gagawin mo... Basta’t bahala ka na kung anong gagawin mo diyan, kung ano yung nararamdaman mo, yun ang ipakita mo...’

“Hindi puwedeng mag-take two... Ang daming babayaran, kawawa yung producer namin...”

[Ang Himala ay prinodyus sa ilalim ng govenmnent-owned Experimental Cinema of the Philippines (ECP), na ang pinuno noon ay ang gubernadora ngayon ng Ilocos Norte province na si Governor Imee Marcos.]

BA: “So, ito yung aming napanood na ’Walang Himala!’ At ito’y mapapanood natin, mga kaibigan, ngayong December...”

NA: “December 2 and 4.”

[Gala Premiere nights ang mga nabanggit na dates ni Nora. Sa December 5 ang opening ng Himala, sa ilang piling sinehan nationwide. May kaugnay ring Himala coffee table book launch na pinatnugutan ng screenwriter ng pelikul, na si Ricky Lee].

BA: “That’s right. Ang Himala. Ang pinakaunang pelikulang ni-restore ng ABS-CBN.”

JOHN RENDEZ. Sa puntong ito ay bahagyang lumihis sa topic si Boy Abunda nang banggitin niya ang tungkol sa kaibigang rapper-composer ni Ate Guy na si John Rendez.

Inusisa niya ang tungkol sa bagong release nitong album, ang Metaldog/There Can Only Be One, at hiningan din ng pahayag si Ate Guy tungkol sa pronouncements ni Rendez hinggil sa mahahalagang personal na bagay sa buhay nito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BA: “Ikaw ang tumatayong representante ni John Rendez...”

NA: “Ako ang manager niya! Ako yung manager niya... manager naman ako! Nasa market na ngayon ang album at talagang siya ang nag-compose lahat ng nasa album na ‘yon. Talagang taon ang hinintay namin para magkaroon ng katuparan yung gusto naming mangyari, lalo na siya.”

BA: “Ako naman, bilang tagahanga, natutuwa ako sa kanyang mga pronouncements, bilang pagpapahalaga sa ‘yo, at bilang kaibigan, na sabi nga niya, una, ’Sa lahat ng aking pinagdaanan, akyat-baba, hindi ako iniwan ng aking kaibigan...’

“At pangalawa, patawad po, pero may kinalaman sa kanyang asawa na noo’y hindi na nito iginagalang ang Superstar.

“Sabi raw ni John, ’Superstar ‘yon...kaya nagdesisyon ako na tapos na...’”

NA: “Opo, talagang iniwan niya yung asawa niya...kaya ako naman, nung mabalitaan ko yun, parang siyempre, nakakataba ng puso, dahil totoo yun.

“Ang hirap humanap talaga ng isang kaibigan na totoo...pati yung pamilya niya, kung talagang may ginawang mali, talagang mali...”

ATE GUY... ’IKAW NA!’ "Ate Guy, stay beautiful!" malugod na pahayag pa ni Boy Abunda sa pagtatapos ng interview.

Maraming salamat, Guy. At ito’y isa sa pinaka-memorable birthday celebrations ko, dahil naging bisita ka,” sabi ni Boy na magdiriwang talaga ng kanyang kaarawan sa Lunes, Oktubre 29.

BA: “Ate Guy, huling katanungan: nasaan ang himala ngayon sa buhay mo?”

NA: “Alam mo, Kuya Boy, ang himala, nandito lang ‘yan, e...sa puso.

“Sabi ko nga, ang himala ay nasa puso ng tao, nasa puso nating lahat. Yun ‘yon!

BA: “Tama ‘yon, Ate Guy. Maraming salamat. Ang nag-iisang Superstar... ikaw na!

NA: “Ay, Kuya Boy... ikaw na!”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN