Indie film actor Alchris Galura admires mainstream actor John Lloyd Cruz

Bilang indie actor, aminado si Alchris Galura na may mga pagkakataon na hindi sapat ang ibinabayad sa kanya sa mga proyektong ginagawa niya. Pero ani Alchris, “Mayroon pong ganoong mga instance, na kapag binilang mo ang ginastos mo, malaki pa ‘yon sa ibinayad sa iyo sa isang pelikula. Pero okay lang ‘yon, kahit nga libre kung gusto mo talaga yung project.”


Isa si Alchris Galura sa mga young actors ng bansa na aktibong-aktibo sa indie films.

Pitong taon na mula nang sumabak siya sa buhay-artista at masasabing hindi siya nagkamali sa piniling propesyon.

Sa panahong pinasok niya ang sining ng pag-arte, nakagawa na si Alchris ng maraming pelikula, nakatanggap ng acting nominations, at nanalo na ng awards.

Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Alchris sa mini-press preview ng indie film na Madaling Araw, Mahabang Gabi noong Huwebes, October 25, sa Imperial Palace Suites, Quezon City.

Sa aming usapan ay lutang na lutang ang pagiging dedicated niya at pagmamahal sa trabaho bilang aktor.

Saad niya, “Hindi lang po trabaho itong pag-aartista para sa akin. Parang buhay ko na kasi ito, e.

"Mamamatay na siguro ako bilang artista.”

Hindi mai-describe ni Alchris ang kanyang buhay sa showbiz, pero ayon sa kanya, wala siyang ibang maisip na gawin maliban sa pagiging artista.

NO TO NUDITY. Hindi rin tulad ng ibang indie actors si Alchris dahil conservative siya at hindi naniniwalang kailangang maghubad para lang magkaroon ng award.

“Hindi ko naman kailangang magpakita ng katawan para makakuha ng award,” nakangiting sabi niya.

Naniniwala ba siya sa sinasabi ng iba na okay lang maghubad sa pelikula ang mga lalaki dahil wala namang mawawala, lalo’t usong-uso ito sa mga indie films?

“Hindi rin po, may mawawala pa rin sa lalaki, iba nga lang iyong sa lalaki,” sagot niya.

Nagsusulat na rin ba siya ng script?

“Mag-aaral pa lang, mag-aaral pa lang…”

Eventually ba ay papasukin niya rin ang pagiging director?

“Pagdating sa pagiging director, parang hindi.

“Siguro puwede akong maging artista lang, pero maging director, parang hindi ko yata…” bitin na tugon pa ng young actor.

Sinabi rin ng nakababatang kapatid ni Glaiza de Castro ang kanyang dream role.

“Iyong parang maging isang psycho or serial killer... nakalabas na po ako ng bading, e.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, siguro iyon ang bago, iyong maging killer, siguro exciting iyon.”

Sa tingin niya kapag nagawa niya ito ay magkaka-award siya ulit?

Nanalo siya ng dalawang best actor awards para sa kanyang pagganap sa indie film na Batad Sa Daang Palay noong 2007—sa Cinemalaya at Golden Screen Awards.

Sabi ni Alchris, “Kasi po, hindi ko talaga iniisip iyong magkaka-award ako sa isang project or what. Basta ang gusto ko lang ay magtrabaho lang nang magtrabaho.”

Ano ang tingin niya sa indie films na umiikot sa iba’t ibang panig ng mundo, sa mga international filmfest?

“Masaya ako, dahil naipagmamalaki rin natin ang mga pelikulang Filipino, na maganda at may quality.

“At the same time, nakaka-proud din iyon, dahil siyempre ay maise-share natin ang kulutura ng Pilipinas, kung ano iyong takbo ng lupang sinilangan natin.”



JOHN LLOYD CRUZ. Kasama rin si Alchris sa cast ng upcoming Star Cinema movie na It Takes A Man and a Woman, na pinagbibidahan nina John Lloyd Cruz at Sarah Geronimo.

Sinabi ni Alchris na bilib na bilib siya kay Lloydie bilang aktor.

“Isa si John Lloyd talaga sa gusto kong makasama sa pelikula dahil hindi ko pa siya nakakasama, e.

“Magaling talaga si John Lloyd… bata pa lang ako isa na talaga siya sa tinitingala kong artista.

“Dream ko talaga na makasama ko siya sa pelikula. So, masaya ako nakasama ko siya ngayon.”

Sa palagay ba ni Alchris ay lalamunin ng mga taga-indie sa pagalingan sa pag-arte ang mga taga-mainstream?

“A… hindi rin naman natin masabi, kasi marami rin na nasa mainstream na magagaling ding artista.

“So, sa tingin ko ay parehas lang, depende rin sa artista kung paano nila binibigyan ng buhay yung karakter nila.

“Hindi talaga… sa palagay ko, hati e… mahirap sagutin ‘yan, e…

“Pero yung mga nasa mainstream na talagang bilib ako—sina Iza Calzado, si John Lloyd nga, si Sarah Geronimo…”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dahil kasama niya sa movie si Sarah?

Tumawa muna si Alchris bago sumagot. Aniya, “Hindi, hanep talaga kasi si Sarah, e, magaling siya at natural.

“Nandoon yung dedication niya sa trabaho, e.

“Tapos, magaling din sina Maylene Dizon, JM de Guzman, at marami pa.”

PENETRATING MAINSTREAM. Ngayong napapasabak na siya sa mainstream projects, hindi kaya mawili siya rito at iwan na ang indie?

“Hindi naman po, ang pelikula is pelikula pa rin naman—maging indie or mainstaream man iyan.

“At saka ang indie para sa akin ay hindi trabaho talaga, bisyo ang indie, e!” natatawang sabi niya.

Nabanggit din ni Alchris na dahil sa pagmamahal niya sa propesyong ito, madalas din mangyari na abonado pa siya sa ibinabayad sa kanya.

“Mayroon pong ganoong mga instance, na kapag binilang mo ang ginastos mo, malaki pa ‘yon sa ibinayad sa iyo sa isang pelikula.

“Pero okay lang ‘yon, kahit nga libre kung gusto mo talaga yung project,” saad niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN