Atty. Ferdinand Topacio files P5.7-M civil case against Bea Binene and her mother

Pormal nang naghain ng demanda ang abugadong si Atty. Ferdinand Topacio (kanan) laban sa teen actress na si Bea Binene (kaliwa), sa ina nitong si Carina Binene, at tatlong iba pa. Ayon sa affidavit na isinumite ni Atty. Topacio sa Regional Trial Court ng Tanauan, Batangas, sinira diumano ng mga akusado ang kanyang pangalan.


Pinanindigan ni Atty. Ferdinand Topacio ang kanyang banta na kapag hindi nagbigay ng public apology ang mag-inang Carina at Bea Binene ay kakasuhan niya ito.

Pormal na ngang inihain ng abugado ang kanyang demanda laban sa young actress, sa ina nito, at tatlong iba pa sa Regional Trial Court ng Tanauan, Batangas, noong Huwebes, October 25.

Nagkakahalaga ng P5.7 million ang danyos-perwisyo na hinihingi ni Atty. Topacio.

Bukod kay Bea (Beanca Marie Binene) at sa ina nitong si Carina Binene, pinangalanan din bilang “defendants” sa demanda sina Simon Ferrer, assistant vice president ng GMA Artist Center; Lynn Delfin, vice president ng Legal Department of GMA Network; at Flordeliza Vargas, legal counsel ng GMA Network.

Nakakuha ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng kopya ng 33-page complaint affidavit (Civil Case No. 12-10-099A) na isinumite ni Atty. Topacio.

Nakasaad sa affidavit ni Atty. Topacio na ang layunin ng kanyang P5.7-million civil suit ay malinis ang kanyang reputasyon na diumano’y sinira ng defendants upang iligtas ang kanilang mga sarili.

Matagal daw inalagaan at ipinundar ni Atty. Topacio ang kanyang magandang reputasyon, pero mabilis daw itong nasira dahil sa mga isyu na kinasangkutan. Posible rin daw na matagalan bago ito malinis.

Kaya dapat lang daw magbayad ang mga akusado dahil dito.

Sa Tanauan, Batangas pinili ni Atty. Topacio na magsampa ng kaso dahil sa Barangay Sta. Ana, Sto. Tomas, Batangas siya nakatira mula pa noong 2003.

Sa panayam ng Interaksyon kay Atty. Topacio pagkatapos niyang magsampa ng demanda, inulit nito ang dahilan ng paghahain niya ng kaso laban sa mga akusado.

Aniya, “Sapagkat nabastos po tayo rito. Tayo na tumulong, tayo pa ang nalaglag.”

Pinanindigan din ni Atty. Topacio ang kanyang naunang pahayag na kinuha ng mga Binene ang kanyang serbisyo as legal counsel na itinanggi naman ng dalawa.

Dagdag pa ng abugado, “They should learn how to deal with people na hindi naman gano’n.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“They could have just talked to me and GMA management could just have talked to me to clarify things.

“At pagkasabing ganoon, nagpa-presscon sila and destroyed my good name and reputation.”

Pagkatapos maghain ng kanyang demanda, sinabi ni Atty. Topacio na open pa rin ang kanyang kampo para sa isang “amicable settlement” kung magbibigay ng public apology ang mga sangkot sa demanda.

“An apology from Ms. Bea Binene and Mrs. Carina Binene is enough for me.

“I’m not even closing the door. Kahit ngayon kausapin nila ako. Mag-usap kami.”

Pinabulaanan din ni Atty. Topacio ang balitang diumano ay may kakaibang relasyon siya sa 14-year-old actress.

Lahad niya, “May pagtingin ako sa kanya bilang anak because I don’t have a daughter.

“And gaya ng sinasabi ko, she was the daughter that I never had.

“I have never ever acted improperly towards her!”

Sa kasalukuyan ay hinihingi ng PEP ang panig ng mag-inang Binene, sa pamamagitan ng GMA Artist Center kung saan nakakontrata si Bea, tungkol sa kasong inihain ni Atty. Topacio.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN