Matt Evans willing to settle with live-in partner Johnelline Hickins: “Pero pagkatapos siguro ng pag-aayos, pag-uusap, mas pipiliin ko na lang na lumayo kami sa isa’t isa."

Muling inilahad ng young actor na si Matt Evans ang naganap sa pagitan nila ng kanyang live-in partner na si Johnelline Hickins nooong gabi ng October 21, bisperas ang kaarawan ni Matt.


Marami ang nagulat nang lumabas ang balitang nakulong ang young actor na si Matt Evans dahil sa diumano’y pambubugbog nito sa ka-live-in partner niyang si Johnelline Hickins noong gabi ng October 21.

Nakalabas si Matt at nakapagpiyansa noong mismong kaarawan niya, October 22.

Isang araw pagkatapos niyang makalabas ng piitan, October 22, ay humarap si Matt sa isang press conference upang linawin ang mga paratang laban sa kanya.

(CLICK HERE to read related story.)

Noong Huwebes, October 25, ay ginanap naman ang presscon para sa kinabibilangang bagong afternoon soap ni Matt ng ABS-CBN, ang Paraiso, pero hindi siya dumalo.

Kahapon, October 28, sa exclusive taped interview sa kanya ni Boy Abunda sa The Buzz ay muling nagsalita si Matt.

Ayon kay Boy, sari-saring bersiyon na ang naglabasan simula nang lumabas ang balitang nakulong si Matt.

Nandiyang may nagsasabing si Matt Evans daw pala ay bayolente. Si Matt Evans ay nambububogbog o naninipa ng mukha.

Sa mga iba’t ibang opinyon, bersiyon na naglalabasan, ano ang nararamdaman ni Matt? Galit ba siya?

Sagot niya, “Nagalit ako, Tito Boy… kasi ang daming mga idinagdag na mga kuwento.

“At saka, ang daming kulang sa kuwento na hindi nila sinabi.”

Nambubugbog nga ba siya ng babae?

“Tito Boy, kahit ho sinong tao, hindi ho kayang manakit agad-agad.

“Una ho sa lahat, hindi ho ako bayolenteng tao para manakit ho.”

Mainitin ba ang ulo niya?

“Mainit ho ang ulo ko, siyempre, hindi natin maiwasan kapag pagod, kapag puyat.”

Nanadyak nga ba si Matt ng kapwa noong gabing yun?

“Hindi ho,” tahasang sabi ni Matt.

MATT’S VERSION. Sa dami ng bersiyon na naglabasan, maaari bang sabihin ni Matt kung ano ang talagang nangyari noong gabi ng October 21, bisperas ng kanyang ika-24 na kaarawan?

Kuwento ng young actor, “Uminom ho kami noong gabing yun.

“Galing ho ako ng Showtime. Tapos, dinaanan ko po ang mga kaibigan ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“First time po nilang bumisita sa bahay. At nandoon pa po si Johnelline noon.”

Mga anong oras ito?

“Mga hapon pa po, mga 4:30.

“Uminom kami saglit at siyempre, ako po ang host ng kasiyahan, noong nangyari.

“E, siyempre, hindi ho ako puwedeng masyadong uminom dahil una ho sa lahat, may iniintindi rin akong bata.

“Medyo nagluluto din po kami nun."

Ang tinutukoy na "bata" ni Matt ay ang anak nila ni Johnelline.

Patuloy ni Matt, “Si Johnelline, umalis po siya noong nandoon ang mga kaibigan ko.

“Ang sabi niya, maggu-grocery sila ng kapatid niya.”

Sinong kapatid?

“Si Yani ho,” sagot ng young actor.

Si Yani ay si Juan Alberto Carlotta.

Anong oras umalis at bumalik si Johnelline?

“Umalis ho siya around 5:30 in the afternoon, tapos dumating po siya, 7 p.m.

“Umalis ho ang mga kaibigan ko, hindi na sila nag-abot sa bahay.

“Tapos, dumating ho siya, tinanong niya ‘ko, ‘Nasaan na ang mga kaibigan mo? Bakit mo pinauwi?’

“Sabi ko, ‘Bakit ko naman papauwiin? Tapos na kaming uminom.’

“Medyo may mga pag-uusap kami at may pag-i-insist siya na, ‘Pinauwi mo, e.

“Sabi ko, ‘Hindi ko nga pinauwi.’

“Tapos, medyo nagkausap-usap kami.

“May mga pag-i-insist siya na, ‘Pinauwi mo.’ ‘Hindi ko nga pinauwi.’

“Tapos medyo hindi na ho maganda ang mga tono ng pag-uusap namin.

“Naisip ko na, sabi ko, alam ko na kung saan papunta ‘to, kaya nagpupumilit ho akong lumabas.

“Nasa second floor kami nun. Nagpipilit akong bumaba, e, pinipigilan naman niya ako.

“Noong nasa may hagdan na kami banda, medyo nag-struggle siya. Nahulog siya.

“Sinundan ko siya, at yung kapatid niya, nasa baba ho.

“Pagdulas niya ng ganun, pumunta yung kapatid niya.

“Nakita niya siguro na yung kapatid niya, gumulong ho.

“Hindi ho nag-roll, pero tumama dun sa hagdan.

“So, sinuntok niya [Yani] ako sa may hita, kumuha ng kutsilyo.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Then lumayo na ako. Umakyat ako sa taas.”

Ang lumabas na balita, siya raw ang kumuha ng kutsilyo?

“Wala naman hong kutsilyo sa taas, Tito Boy,” sagot ni Matt.

Nagtanong ba si Yani kung bakit nahulog si Johnelline?

“Hindi ho, sinasabi niyang, ‘Itinulak mo ang kapatid ko.’”

Si Johnelline naman daw ay walang sinabing hindi siya itinulak kundi nadulas lamang.

Then what happened?

“Tumawag na ho sila ng barangay then tinurnover na ho ako sa pulis.”

Nakainom o lasing siya?

“Nakainom ho.”

Alam niya ang nangyayari?

“Alam ko ho. Unang-una, Tito Boy, hindi ho ako makakapag-asikaso ng anak ko at hindi ho ako makakapagluto kung lasing ako.”



THREE VISITS. Tatlong beses daw siyang dinalaw ni Johnelline sa kulungan. Ano ang mga pinag-usapan nila?

“Una ho, sinasabi niya sa akin na yung sa bata, bakit daw ganun.

“May nagsasabi raw na gusto ko raw ipakidnap ang bata.

“Bakit naman ho ganun? Hindi ko naman puwedeng ipakidnap.

“Sabi niya, sa mga kaibigan ko raw.

“Wala akong pinaplanong ganun, Tito Boy.”

Dugtong pa ni Matt, “Ang pangalawa po, tinatanong niya po, bakit daw sinasabi na wala raw akong ginagawa?

“Bakit daw inililihis ko ang kuwento?

“Bakit daw idinidipensa ko na hindi ko raw siya sinuntok, hindi ko raw siya sinipa?

“Hindi naman ho talaga,” diin ng Star Magic talent.

Yung pangatlo?

“Yung pangatlo, na-inquest na ako noon… sabi niya, bakit daw hindi ako nakikipag-ayos?

“Sabi ko sa kanya, nakikipag-ayos ako. Nagmakaawa pa ako sa kanya.

“Ilang beses ko siyang kinausap, pero hindi pa rin niya inatras ang kaso.

“So, na-inquest na ako, kinausap niya ulit ako. Hindi naman niya inatras.

“So, sabi ko, idedepensa ko na ang sarili ko.”

Paano siya nakiusap?

“Sinabi ko na tigilan na namin. Wala naman itong pupuntahan kung hindi demandahan.”

THE CAUSE. Ayon kay Boy, maging siya ay hindi maintindihan kung ano ang totoong isyu at pinag-umpisahan ng kanilang away.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag naman ni Matt, “Kasi, Tito Boy, ang balak yata nila ng kuya niya, i-surprise ang birthday ko.

“Siguro strategy, gusto nila akong galitin muna o inisin.

“Tapos, may malalaman akong bigla na may surprise pala sila na napunta sa hindi maganda.”

Kinumpirma sa kanya ito ni Johnelline?

“Yun po ang naisip ko. Kasi sabi niya, may plano raw sila at ina-arrange nila ng kuya niya.

“So, iniisip ko na baka nga ganun ang ginagawa nila.

"Nakikipagtalo siya. Kunwari walang plano.

“Kasi, sinasabi niya these past few days na wala siyang plano sa birthday ko.”

Dugtong pa niya, “May gift daw siya na nasa baba.

“Kaya siguro rin, noong pinipilit ko na bumaba, kaya niya rin siguro ako pinipigilan.”

THE WOMAN I LOVED. Tatlong beses siyang dinalaw ni Johnelline. Kung babalikan ni Matt, natanong ba niya sa sarili kung “ito ba ang babaeng minahal ko?”

Sagot niya, “Sa totoo lang, galit ako no’n. Galit ako.

“Pero nagmamakaawa ako kasi walang kakuwenta-kuwenta ang pinagmulan.

“Sobrang hirap, kasi nangingibabaw po yung galit mo, pero nandoon pa rin ang pagmamahal mo.”

Ano ang pakiramdam na nandoon siya sa likod ng mga rehas at nakikipag-usap sa babaeng pinakamamahal niya?

“Ang hirap makipag-usap, Tito Boy, kasi kahit isang beses sa buhay ko, hindi ko ho inisip na makakapasok ako sa ganun.”

Nahihiya siya?

“Hiyang-hiya ako, Tito Boy. Iba yung tingin sa ‘yo ng lahat ng tao.”

At umaasa siyang maiintindihan ni Johnelline?

“Sinasabi niyang ayaw niyang nakikita na ganoon ang nangyayari sa akin.

“Pero sinabi niya rin na hindi niya raw ginusto yun, pero yun daw ang dapat.

“At saka, habang kausap ko siya, mahal ko yung taong yun, pero iniisip ko, siya ang dahilan kung bakit ako nandito.”

Madalas ba silang mag-away?

“Hindi ko ho sinasabing perpekto ang relasyon namin. Pero, madalas ho kaming mag-away,” pag-amin ni Matt.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa tagal ng pagkakakilala at pagsasama nila, pinagbuhatan ba niya ng kamay si Johnelline?

Umiling si Matt at sinabing “hindi.”

Kumusta ang relasyon niya kay Yani?

“Mabuti naman po.”

Sa kanilang ina?

“Mabuti naman po.”

Ang ina nina Johnelline at Yani ay ang dating sexy star na si Coca Nicolas.



POSSIBLE SETTLEMENT. Lumalabas na ang kuwento ngayon ay nangyari lang noong gabi ng October 21. Mapag-uusapan pa ba ito?

Ayon kay Matt, “Sa tingin ko, Tito Boy, mapapag-usapan pa.

“Pero pagkatapos siguro ng pag-aayos, pag-uusap, mas pipiliin ko na lang na lumayo kami sa isa’t isa, Tito Boy.”

Ayaw mo na?

“Ayoko na, Tito Boy.”

Hindi mo na babalikan?

“Hindi na, sigurado ho ako.

"Dahil masasabi ko na sobra-sobra ho yung ipinaranas niya sa akin para bumalik pa ako.”

Kahit para sa kanilang anak?

“Kung para ho sa bata, nandito ho ako palagi. Kung para ho sa amin, hindi na.”

Sa lahat, ano ang naging reaksiyon ng pamilya niya?

“Sobra ho silang nasaktan.”

May mensahe ba siya para kay Johnelline?

“Johnelline, alam mo kung gaano kita minahal.

“I’m sorry kasi kinakailangang umabot tayo sa ganito—demandahan.

“Alam mong hindi kita sinipa. Hindi kita kayang saktan.”

Magpa-file ba siya ng kaso laban kina Johnelline at Yani?

“Siguro, Tito Boy, dedepensahan ko ang sarili ko.”

Kay Yani, may nais ba siyang sabihin?

“Lalaban na lang ho ako, sa maayos na paraan.”

Ano ang masasabi niyang pinaka-importanteng leksiyon na natutunan niya sa pangyayaring ito?

“Na kahit na anong mangyari, Tito Boy, pamilya at pamilya mo pa rin ang dadamay sa ‘yo. Na hindi masamang makinig sa magulang.”

Sinubukan daw ng The Buzz na kunan ng pahayag ang kampo ni Johnelline, pero hindi raw pumayag ang mga ito.

Ayon naman daw sa reliable source ng The Buzz, sa kabila diumano ng mga reklamo ni Johnelline kay Matt, hanggang ngayon ay patuloy pa rin daw ang paghahangad nito na makipag-ugnayan sa aktor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sinusundan diumano ni Johnelline ang ina ni Matt upang hanapin at makausap muli ang aktor na ngayon ay namamalagi sa tagong lugar.

Pero huminto na raw si Matt sa pagsagot sa mga tawag at texts ni Johnelline.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN