YouTube sensation Zendee Rose Tenerefe shares memorable experience meeting Ellen DeGeneres and Halle Berry

Ipinakita ni Zendee Rose Tenerefe sa entertainment press ang iPad karaoke na iniregalo sa kanya ng American TV host na si Ellen DeGeneres matapos siyang mag-guest sa show nito last week.


Hindi na lang sa Internet sikat si Zendee Rose Tenerefe, ang young singer na nakilala dahil sa isang viral video na nagpapakita ng magaling niyang pagkanta sa isang videoke sa mall.

Noong October 26 kasi ay nag-guest si Zendee sa The Ellen DeGeneres Show.

Lumipad pa talaga si Zendee at ang kanyang ina patungong Los Angeles para rito.

Tuwang-tuwang ikinuwento ng 21-year-old singer sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng press ang kanyang karanasan, sa isang pocket presscon kahapon, October 29, sa opisina ng Warner Music sa Pasig City.

Maganda ang mood ni Zendee habang nagkukuwento.

Aniya, sobra-sobrang kaba ang naramdaman niya habang itine-tape ang kanyang segment.

“Kinakabahan po ako. Times two!

"Iba po kasi yung feeling pag nakaharap mo na si Ellen, tapos kapag tinatanong ka niya, hindi mo siya naririnig.

"Nakatingin ka lang sa kanya, yung parang walang boses. Nakaka-starstruck po,” kuwento niya.

Mabuti na lamang daw at receptive ang audience sa kanya. Pumapalakpak daw ang mga ito sa bawat sagot niya.

“Tapos yung mga tao pa, parang nag-aantay rin ng sagot.

"Kaya parang, hindi ko alam yung gagawin ko.

“Pero masaya naman po, kasi nakikipag-interact naman po yung mga tao.

"Pag sumagot po ako, ’Wow!’ gumagano’n po sila.”

Nakatulong rin daw ang mga magagandang salita ni Ellen para sa kanya bago pa man magsimula ang interview.

“Yun nga po sabi niya, ‘Just be yourself. You’re amazing.’

"‘I’ve been watching your videos,’ sabi niya.

"Sabi niya, ‘I know you’ll make it big.’

"So, yun po, masaya po ako. Ilang beses din niya po ako niyakap,” pahayag ni Zendee.

SINGING FOR ELLEN. Ikinuwento rin ni Zendee ang pagkanta niya para sa show ni Ellen.

Napaiyak nga raw ang host sa pag-awit niya ng "And I Am Telling You I’m Not Going" ni Jennifer Holiday.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Natutuwa si Ellen. Kaya po nung kumanta na ako, sa dami ng questions, nakuwento ko na po lahat.

"Nung kumanta po ako, umiyak po sila lahat sa studio, pati si Ellen,” saad niya.

Pag-amin ng young singer, medyo nahirapan siya sa singing part ng show.

Hindi raw kasi siya nakapag-practice nang maayos dahil hindi siya maagang naabisuhan kung ano ang kakantahin niya.

October 25 ang taping ng segment, ngunit October 22 pa lang ay nasa Los Angeles na si Zendee.

“Yun nga po, dahil hindi ko po alam yung kakantahin ko, tatlong araw po yun, naggala lang po kami,” kuwento niya.

Pagdating nila sa taping ay dun lang sinabi sa kanya kung ano ang kakantahin niya.

At kahit ilang beses na niyang inawit ang “And I Am Telling You I’m Not Going” ay na-challenge pa rin siya sa hinihingi ng show.

“Nabigla pa nga po ako kasi nung binigyan po ako ng ano, dun daw po ako papasok sa birit agad.

"Ang hirap nun, ang lamig pa ng studio!” pahayag niya.

MEETING HALLE BERRY. Naikuwento rin ni Zendee ang pagkakilala niya sa Academy Award-winner for Best Actress na si Halle Berry.

Aniya, na-excite siya dahil tila si Halle pa ang gustong makipagkilala sa kanya.

Nasa studio si Halle dahi siya ang unang in-interview ni Ellen bago si Zendee.

Kuwento ng Pinay singer, “So, dun po sa backstage po, nag-aantay po ako ng turn ko, nandun ako sa salamin, nagpa-practice na po ako dun.

"Tapos bigla siyang, ’Zendee Rose?’

“Sabi ko, ’Hala, Halle Berry!’

"Sabi ko, hindi ako makapag-English! Sabi niya, ’Zendee Rose! Oh, my God, I finally met you in person.’

"Siya pa yung nagsabi sa akin ng ganun... ’Wow, you’re amazing.’”

Dagdag niya, hindi niya raw makakalimutan na niyakap siya ng isang Hollywood star.

“’Can I hug you, baby?’ siya pa nagsabi sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Six seconds yun, ha? Binilang ko.

"Grabe, ang ganda niya, sexy niya, liit niya... grabe, ang ganda ng katawan niya.

"Napayakap pa siya,” pahayag niya.

Nanghihinayang nga lang si Zendee dahil hindi siya nakakuha ng picture kasama si Halle, dahil bawal ang camera sa backstage.

NEXT PLANS. Matapos ang guesting niya sa The Ellen DeGeneres Show ay marami nang nakaplano para kay Zendee.

Pumirma na kasi siya ng recording contract sa Warner Music.

Kuwento ni Zendee, clueless siya noong una kung ano ang Warner.

Sa Facebook daw siya nito unang kinontak, at ilang araw niya rin itong hindi pinansin.

Pahayag niya, “Kahit po yung Warner, hindi ko po alam na recording company po ’yan.

"Kasi three days ko po sila nakita, pero hindi ko po pinapansin, baka may much better, much better. Hintayin na lang natin.

"Tapos hindi ko po alam, yung Warner pala, international company!”

Sinagot niya lang ang email ng Warner nang mag-guest siya sa Kapuso Mo, Jessica Soho ng GMA-7.

“Tapos nung may Jessica Soho po, tinanong ko, ’Ano po yung Warner?’”

Aniya, ang mga producers pa ng Kapuso show ang nagsabing sagutin niya ang Warner.

Aminado si Zendee na marami pa siyang kailangang matutunan sa showbiz. Kaya naman hindi pa siya masyadong nagpaplano ng kung ano ang mga susunod niyang gawin.

“Sa ngayon po ay nagpo-focus ako sa album ko, para mailabas po bago matapos ang taon,” pahayag niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN