Aljur Abrenica reveals "private talk" with Robin Padilla about his intentions for Kylie

Isiniwalat ni Aljur Abrenica na nagkausap na sila nang masinsinan ni Robin Padilla tungkol sa intensiyon ng young actor sa anak ng action star na si Kylie Padilla. Kuwento ni Aljur, “Naging maayos naman po yung pag-uusap namin. Bilang isang ama kasi, naiintindihan ko siya. At bilang isang… kung saan man po ako sa posisyon ko, nagkaintindihan naman po kami. Wala namang namuong galit o anuman, walang away, kundi maayos na usapan lang po.”


Natutuwa si Aljur Abrenica na nagkaroon ng pagkakataon na magkasama-sama ang buong pamilya nila nitong nakaraang Undas.

Masaya naman daw sila kahit nagkaroon ng isyung naghiwalay ang mga magulang niya.

“Wala namang problema sa parents ko. Ano lang iyon… misunderstanding lang. Magkasama pa rin sila.”

Ito ang sabi ni Aljur nang makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Party Pilipinas kahapon, Sunday, November 4.

Diin pa niya, “Hindi totoong naghiwalay sila… hindi talaga.

“Misunderstanding lang yung nangyari sa parents ko.

“Pero magkasama po sila ngayon... maayos po sila, magkasundo po sila.

“Dumadaan naman talaga sa lahat ng pamilya yung mga pagsubok, yung hindi pagkakaintindihan.

“At ikinatutuwa ko po ngayon, masayang-masaya po ako na maayos na po kami lahat.”



RECONCILIATION. Naging part ba silang mga anak sa agad na pag-aayos ng mga magulang nila sa naging misunderstanding ng mga ito?

Sagot ni Aljur, “Siyempre. Siyempre naman… pamilya, e.

“Pero sa buong nangyari, parang inirespeto namin yung desisyon nila, e. Kasi sila pa rin ang nakakatanda.

“Kung ano yung kaya naming ibigay bilang anak, naibigay naman namin… pero ayos na kami.

"Finally, nagkaayos na sila.

"Hindi naman ito ang unang beses na nangyari iyon sa pamilya namin. Maraming beses na rin… kahit noong mga bata pa kami.

“Wala ‘to. Wala yung totally e hiwalayan. Wala naman po talagang problema.

“Magkasama pa rin po sila hanggang ngayon,” paglilinaw ulit ni Aljur.



NEWS SOURCE. Bago mag-finals night ng Artista Academy, ang artista search ng TV5, sinabi ng kapatid ni Aljur na si Vin Abrenica na naghiwalay na raw ang parents nila.

Pinagalitan ba niya ang kapatid sa pagsasabi nito?

Tugon ni Aljur, “Uhm… siguro during that time, nasabi lang siguro ni Vin na nagkahiwalay, dahil nga noong time na iyon, may tampuhan, hindi sila nagsasama.

“Siguro dahil lang sa sitwasyon, nadala siya.

“Pero matagal na iyon, e. Matagal na yung sinabi niyang hiwalay.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ngayon, okey na okey na kaming lahat.”



GIRLFRIEND KYLIE. Parang sila ng rumored girlfriend niyang si Kylie Padilla, anak ni Robin Padilla, na mukhang okey na okey rin lately.

Balitang magsu-shooting na nga si Aljur para sa Kuratong Baleleng, ang bagong pelikulang bida at direktor si Robin Padilla.

Kasama rin sa cast si Kylie at ang iba pang miyembro ng pamilya Padilla.

Kuwento ni Aljur, “Bale yung sa Kuratong Baleleng, inalam pa po kasi ng GMA Artist Center yung character.

“Hinihingi po namin yung character sketch, pati yung script.

“And… nakapag-set na sila ng meeting, e.

“Iyon na lang po ang hinihintay namin—na matuloy yung meeting.”

Ano ang pakiramdam ni Aljur at magsu-shooting siya na si Robin nga ang bida at direktor?

“Siyempre magiging ano yun sa akin… charge to experience yun. Gusto ko yun.

"Gusto ko na balang-araw... siyempre isang karangalan po na maidirek ka ni Mr. Robin Padilla.

“At sa industriya natin, sa larangan ng action, talagang marami po siyang nalalaman.

“At marami po tayong matututunan po sa kanya kung sakaling mangyari po iyon.”

Nagkaroon na ba ulit ng pagkakataon na magkausap sila ni Robin nang masinsinan hinggil sa pakay o hangarin niya kay Kylie?

Aniya, “Oo, nagkausap po kami. Dahil aware naman po tayo sa mga nangyayari ngayon.

“Naging maayos naman po ang usapan namin.

“And kung ano naman po yung mga gusto naming sabihin sa isa’t isa, nasabi naman po namin lahat.”

Balitang ikinatuwa raw ni Kylie yung ganoong nangyari na nanindigan at nagpakalalaki si Aljur nang makipag-usap kay Robin.

“Sa akin kasi, I would like to make it personal.

“Kung hangga’t maaari po, hindi po ako magsasalita sa telebisyon.

“Malinis naman po talaga ang hangarin ko kay Kylie.

“Hindi po ako masyadong nag-aano sa telebisyon—sa personal po ako.

“Hangga’t maaari po, mas gusto ko sanang private na lang kung anuman yung tungkol kay Kylie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Naging maayos naman po yung pag-uusap namin [ni Robin].

“Bilang isang ama kasi, naiintindihan ko siya.

“At bilang isang… kung saan man po ako sa posisyon ko, nagkaintindihan naman po kami.

“Wala namang namuong galit o anuman, walang away, kundi maayos na usapan lang po.”



FUTURE SON-IN-LAW. Nakuha na ba niya ang blessing ni Robin kung yung hangarin niya kay Kylie ang pag-uusapan?

“Hindi, e,” bahagyang nangiting sagot ni Aljur.

“Hindi ko alam. Siya na lang ang tanungin ninyo.

“E, sa akin naman kasi, alam naman ng lahat.

“Although ganito kami, e… si Kylie lang naman, e.”

Sa pakiramdam niya, boto ba sa kanya si Robin?

“Hindi ko po alam.

“Ako naman po kasi, hangga’t maaari e sinusunod ko po yung gusto nila.

“Siyempre, bilang isang ama, rerespetuhin n’yo rin po siya at saka yung pamilya nila.

“At saka yung relihiyon nila, rerespetuhin mo iyon, e.

“Ang akin lang naman kasi, ang pinanggagalingan ko, ilang naman kasi kaya ko po nagagawa ito.

“E, para kay Kylie... para po sana anak niya [Robin].

“At kung masaya po si Kylie, masaya na rin po ako.”



DOING WELL. Mukha namang pareho silang masaya ni Kylie ngayon sa anumang namamagitan sa kanila?

“Masaya ako… masaya rin ako para sa kanya,” nakangiting sabi ni Aljur.

At masaya rin si Kylie para sa kanya?

“A… hindi ko alam, e.”

Pero so far, wala naman ngang problema sa kanilang dalawa?

“Maayos po kami ngayon. Nagkikita kami minsan, nagkakausap naman po kami.

“Pero hindi po namin talaga pinapabayaan yung trabaho namin.

“Mas priority po namin yung trabaho.”

Ganoon nga raw ang gusto ring mangyari ni Kylie—hindi kasali ang trabaho sa personal nilang dalawa ni Aljur.

“Oo, e. Kasi kung saan man ako, kasama rin si Kylie.

“Kasama din siya sa mga desisyon ko, kung nasaan man po ako ngayon.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ALKRIS FANS. Pero ang AlKris na mga loyal supporters ng loveteam nila ni Kris Bernal, balitang medyo naha-harass ng mga ito si Kylie.

Dahil ba gusto pa rin nila na sina Aljur at Kris ang magkatuluyan?

Paliwanag ni Aljur, “Kasi po, siyempre hindi ko rin po masisisi ang mga fans.

“E, humahanga lang naman po talaga sila sa amin ni Kris.

“And maliban sa paghanga, nakikita ko rin po na mas higit pa sa pagiging magka-loveteam namin ni Kris ang gusto nila.

“Na… iyon nga, mauwi sa totohanan.

“Pero sinasabihan ko na lang si Kylie na huwag na lang niyang pansinin… na hayaan na lang niya.

“Kasi mga fans ‘yan at may sari-sarili tayong opinyon. May sari-sarili tayong gusto.

"Respetuhin na lang natin.

“At saka sa mga fans… mga tao din lang kami. Si Kylie, may damdamin din.

"E, respetuhin na lang natin kung anuman po yung nagugustuhan namin.

“Pero kami po, kung ano po yung kagustuhan ninyo, isa lang naman po ang hangarin naming lahat, e—yung mapasaya po kayong lahat…

"Na kayo pong mga fans e mapagbigyan po ang kagustuhan ninyo.

“Bawat po isa sa atin, meron po tayong sinasabi na… personal na bagay o hindi naman sa sikreto.

“Kumbaga, mas gugustuhin nating maging personal ang ibang mga bagay tungkol sa atin…

"At meron din kami noon. May damdamin din po kami. At minsan, nasasaktan din po kami.”

Sa kanila raw ni Kris ay walang problema. Maayos ang samahan nila hindi lamang bilang magka-loveteam kundi bilang magkaibigan din.

Saad ni Aljur, “Oo, kami po ni Kris e hindi na po mapapantayan yung pinagsamahan namin… para po sa akin.

“Ang tagal na po naming magkasama at mahal po talaga namin ang isa’t isa.

“Hindi po kami mag-iiwanan kahit kailan.

“Hanggang sa tumanda na po kami e may marka na po si Kris sa puso ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Wala rin daw problema sa pagitan nina Kris at Kylie.

“Wala talaga... magkasundong-magkasundo po sila.”

Everything is falling into its proper places—ganito raw ang pakiramdam ni Aljur tungkol sa kasalukuyang takbo ng buhay niya.

“Masaya po ako ngayon sa nangyayari sa aming lahat at sa blessings po ni God.

“Pati sa magagandang opportunities na patuloy na ibinibigay ng GMA,” panghuling sabi ni Aljur.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN