Extra Challenge co-host Boobay reveals serious side behind the funny mask

Nakakatuwa at nakakahabag ang mga pinagdaanan ni Boobay at ang kanyang pamilya noong pumutok ang Mt. Pinatubo. Sa evacuation center, nagkuwento si Boobay ng karanasan nila: “Talagang mag-aabang kami ng sasakyan na daraan para lang makakain nang maayos. Kapag may ilaw, subo mga kapatid!”


Pang-teleserye ang kuwento ng buhay ng komedyante na si Norman Balbuena—o mas kilala bilang si Boobay.

Napapanood na masaya, nakikipagbiruan, at napaglalaruan si Boobay sa kanyang mga nilalabasang mga shows sa GMA-7 at GMA News TV: May Tamang Balita, AHA!, Poptalk, Day-Off, at Extra Challenge.

Ngunit sa likod pala nito, ang buhay ni Boobay ay isang malaking pagsubok at ilang beses nang iniyakan ito ng komedyante.

Pero hindi ito nagpahina sa kanya dahil sa hangarin niyang mabigyan ng magandang buhay ang kanyang pamilya.

Sabi ni Boobay sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), “Yun ang malaking challenge sa buhay ko.

“Dumaan talaga kami sa pinakamatinding dagok ng buhay.

“Ako naman kasi, masayahing tao talaga ako.

“Kahit na may problema, nakangiti pa rin ako—comedy pa rin para sa akin.

“Ano naman mangyayari kung iyakan ko ang nangyayari sa amin araw-araw?

“Tama na yung iyakan mo minsan at mag-move on na.

“Alam ko naman na hindi natutulog ang Diyos. Nandiyan Siya para bigyan kami ng magandang buhay balang-araw."



ELDEST SIBLING. Panganay sa apat na magkakapatid si Boobay.

Nasa grade school daw siya sa Zambales nang pumutok ang Mt. Pinatubo noong 1991.

Natabunan daw ng ashfall at rumaragasang lahar ang kanilang bahay kaya tumira sila sa isang evacuation site na malapit sa tabi ng isang burol.

Kuwento ni Boobay, “Naging miserable talaga ang buhay namin.

“Sino ba naman ang matutuwa sa pagputok ng bulkan, di ba?

“Kaya lahat ng kabuhayan namin ay nawala lahat sa isang saglit.

“Dun ko na-realize na ang buhay ay hindi mo lang basta-basta ite-take for granted.

“Kasi, hindi mo alam na basta na lang ito mawawala sa iyo.

“Kaya ako, ayokong sayangin ang lahat ng mga dumarating na blessing sa buhay ko.

“Maliit man o malaki, biyaya lahat ‘yan. Pagkaingatan mo.

“Walang may gustong bumalik sa hindi magandang buhay, di ba?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



MORE HARDSHIPS. Nagawa pa ngang magbiro ni Boobay habang ikinukuwento ang naranasang hirap sila sa evacuation site, lalo na kapag gabi.

Lahad niya, “Mahirap kumain noon kasi ang dilim-dilim. Hindi mo alam kung ano ang maisusubo mo.

“Umaasa lang kami noon sa mga bigay na relief goods kaya kumakain kami sa tabi ng kalsada.

“Kapag may dumaan na kotse at malakas ang ilaw, doon lang namin makikita ang pagkain, sabay subo!

“Walang echos ‘yan, ha!

“Talagang mag-aabang kami ng sasakyan na daraan para lang makakain nang maayos.

“Kapag may ilaw, subo mga kapatid!” malakas na tawa pa niya.



RELIEF AT LAST. Dalawang taong tumira sa evacuation site ang pamilya ni Boobay bago sila nabigyan ng maayos na bahay ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Kahit naiba na ang takbo ng buhay ng pamilya ni Boobay, ipinagpatuloy pa rin niya ang kanyang mga pangarap na makapagtapos ng pag-aaral.

Dusa raw ang pumasok noon sa pinakamalapit na school dahil kailangan niyang maglakad ng dalawang kilometro papunta at pauwi para lang maka-attend siya ng high school.

“Sakripisyo talaga. Yun ang gusto kong mangyari sa buhay ko.

“Habang naglalakad ako, may mga binubuo na akong mga pangarap para sa pamilya ko.

“Hindi ito ang magiging buhay namin forever.

“Ipinangako ko sa sarili ko na babaguhin ko ang buhay namin,” diin pa niya.



ON TO COLLEGE. Dahil sa pagsusumikap at mga pangarap ni Boobay, narating niya ang kolehiyo at nakakuha siya ng scholarship sa St. Louis University (SLU) sa Baguio City sa kursong AB Communication.

Dahil miyembro siya ng Tanghalang SLU, nakilala si Boobay bilang isang performer sa naturang university.

Pagmamalaki niya, “Likas na sa akin ang maging performer. Lahat sasalihan ko—sayaw, kanta, mag-show.

“Yun ang nagpapasaya sa akin talaga—yung may mapasaya kang ibang tao.

“Kaya noong malaman ko na may pa-contest ang GMA-7 para sa Kili-TV Comedian Hunt, sumali ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hiniram ko ang video camera ng kaibigan ko at nagpakuha ako ng mga pagpapatawa ko.

“Subok lang naman iyon.

"Kung hindi pumasa, okey lang. Kung pumasa, e, di thank you, di ba?”

Sinuwerte si Boobay na makasama sa Top 15 finalists ng naturang contest.

Hindi man siya pinalad na manalo, pero kinuha siyang maging extra sa sitcom na Idol Ko Si Kap.

“Pinagaya nila ako sa character ni Rufa Mae Quinto at ni Ethel Booba.

“Mas kopya ko raw si Ethel. Sikat na sikat si Ethel Booba noon, di ba?

“Kaya inaral ko ang mga pananalita niya, paano siya kumilos, at paano siya magdamit.”

Malaking sakripisyo raw ang ginagawa ni Boobay bilang extra sa show dahil tuwing taping day ay bibiyahe pa siya mula Baguio para makarating sa studio ng GMA-7 sa Quezon City.

Sabi niya, “Nag-aaral pa kasi ako noon. Ayaw kong pabayaan.

“Tutal, once a week lang naman ang taping ng Idol Ko Si Kap, okay lang na bumiyahe ako.

“Sa bus na ako nakakatulog para fresh ako sa taping.

“Kahit extra lang ako noon, love ko ang pag-arte.

“Hindi naman ako magsakripisyo sa isang bagay kung hindi ko ito gusto."



SHOWBIZ CAREER. Nang maka-graduate si Boobay noong 2007 sa kanyang kurso, nag-submit siya ng application sa GMA-7 para magtrabaho bilang production assistant o P.A.

“Kahit na anong trabaho ay okay lang sa akin.

“Napili ko ang GMA-7 kasi marami na akong nakilala sa station na puwedeng matulungan ako.

“Natuwa naman ako nang irekomenda ako ni Direk Cesar Cosme para sa Takeshi’s Castle. Doon na nagsimula ang lahat.

“Dahil sa show na iyon ay nabigyan ako ng mga trabaho sa mga comedy bars.

“Tapos nagkasunud-sunod na ang paglabas ko sa mga shows ng Kapuso network,” nakangiting sabi ni Boobay.

Suki na si Boobay sa public affairs shows ng GMA-7 dahil wala siyang reklamo sa mga ipinapagawa sa kanya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wala akong karapatan magreklamo dahil trabaho ang mga ibinibigay sa akin.

“Nagpapasalamat ako na hindi tayo nababakante.

"Nakakaipon ako para sa araw-araw na gastusin namin ng pamilya ko.

“Lalo na ngayon ay may pagsubok na naman kaming pinagdaraanan.

"Pero alam kong masu-survive namin ulit ito tulad ng pag-survive namin sa mga nagdaang maraming taon,” pag-e-emote pa ni Boobay.

May sakit sa kidney ang ina ni Boobay at regular ang pagpapa-dialysis nito.

Kaya nga alaki ang pasasalamat niya at nabigyan siya ng big break sa pagbabalik ng Extra Challenge sa GMA-7.

Kasama niya ritosina Richard Gutierrez at Marian Rivera.

Sabi ni Boobay, “Sobra akong natuwa dahil alam kong marami ang gustong makasama sa show na ito.

“Pero salamat sa Panginoon at ako ang nabigyan ng pagkakataon.

“Pang-asar lang ako sa show talaga, pero ang noong isama nila ako sa pictorial with Richard and Marian, naiyak talaga ako.

“Imagine, isinama ako sa hari at reyna ng primetime television ng GMA-7?

“Saan ka pa?” sabay tawa ni Boobay.



MAINSTAY. Maganda ang naging ratings ng Extra Challenge tuwing Sabado at Linggo ng gabi sa GMA-7.

Marami ang natutuwa sa mga punchline at pang-okray ni Boobay sa mga celebrity contestants nila.

Pahayag ni Boobay, “Dream come true ito para sa akin.

“Noon ay pinapanood ko lang ang show na ito. Ngayon, kabahagi na ako…

"Parang ang bilis ng lahat.

“Malaking tulong ito para sa pamilya ko, lalo na sa mother ko na may sakit.

“Matutustusan ko ang mga pangangailangan niya tulad ng gamot at ang pagpapa-dialysis.

“Sobra ang pasasalamat ko sa Panginoon dahil sa mga blessings na ito.

“Hindi Niya kami pinabayaan sa lahat ng mga pagsubok na dumaan sa buhay namin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN