Mr. Pogi 2012 winner John Edric Ulang on making a career in showbiz: “Why not? Nandito na po, e.”

Bagamat sinabi ng Mr. Pogi 2012 winner na si John Edric Ulang na gagawin niya ang lahat para sumikat, nilinaw niya na hindi kasama rito ang pagpatol sa bading. Saad niya, “Siyempre, pag alam ko naman pong hindi tama, di ba, bakit ko po gagawin? Dun po ako sa tamang paraan para sumikat. Hindi yung dun sa mali. Ayoko naman pong anuhin yung sarili ko dahil lang sa [kasikatan].”


Ang Mr. Pogi 2012 ang unang contest na sinalihan ni John Edric Ulang sa buong buhay niya—at pinalad naman siyang manalo.

Sadyang mahiyain daw kasi noon si John Edric.

“Nung time po kasi na yun, parang hindi ko… kasi hindi po talaga ako sumasali sa mga contest.

“Actually, yun yung first time na sumali ako sa contest,” sabi ng 21-year-old Eat Bulaga! mainstay.

Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si John Edric sa birthday party ng TAPE Inc. executive na si Malou Choa-Fagar kagabi, November 6, sa penthouse ng Imperial Palace Suites sa Tomas Morato, Quezon City.

Tapos ng kursong Information Technology si John Edric sa ACLC Taytay, Rizal.

Ayon kay John Edric, talagang hilig na niya ang pagkanta. Pero hindi raw siya sumali sa anong amateur singing contests at kahit na sa school programs. Hindi rin daw siya nagkaroon ng banda.

“Pero mahilig po akong maggitara… nahilig po ako nung high school.”

JOINING SHOWBIZ. Pagka-graduate ni John Edric ay “nag-e-extra-extra” raw siya sa ilang palabas sa TV—gaya ng Bubble Gang at Together Forever—para kumita ng pera.

Pero pinangarap ba niya talagang mag-artista?

Sabi ni John Edric, “Naging basehan ko po kasi yung father ko.

“Gusto niya pong mag-artista nun kaya lang napigil. Hindi po natuloy.

“Ako na lang po nagtuloy. Siya na lang po yung ginawa kong inspirasyon.”

Gusto na ba niyang gawing career ang pag-aartista?

“Why not? Nandito na po, e.”

Pero mas gusto raw niyang mag-focus sa pagkanta.

“Gusto ko pong ma-improve pa po yung pagkanta ko, lalo na pag nasa stage.

“Kulang pa po ako sa confidence, e.

“Gusto ko pa pong i-build up pag nasa stage ako, kung ano yung character ko pag nasa stage na.”

Wala na siyang balak gamitin yung tinapos niya?

“Siguro po, ngayon po, samantalahin ko muna po yung pag-ano sa showbiz.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi naman po habambuhay nandito tayo [sa showbiz], di ba?

“E, yung talent dun sa pinag-aralan, magagamit mo panghabambuhay."

Sinu-sino ang mga hinahangaan niya sa pagkanta?

“David Cook… sa babae, si Regine [Velasquez].”

Si Regine ang isa sa mga naging judge sa Mr. Pogi finals kunsaan nanalo si John Edric. Kabilang din sa judges sina Aga Muhlach, Marian Rivera, Alfie Lorenzo, at Jericho Rosales.



MR. POGI. In-expect niya ba na siya ang mananalo sa Mr. Pogi?

“Hindi po,” sagot ni John Edric.

“Kasi sixteen po kami, siyempre may makakalaban tayo.

“Hindi ko po in-expect na ako yung mananalo.”

Ano sa palagay niya yung nakita ng mga judges at ng mga tao kaya siya ang nanalo?

“Siguro dahil din po sa talent ko sa pagkanta.

“Kasi nung time po nun, ang napansin ko po, sa talent po nilang lahat, ako lang po yung bumirit nun, e, sa pagkanta.

“Yung iba, simple lang—sayaw, dancing.”

Confident ba si John Edric noon na may laban siya?

“Opo, confident naman po, pero yun nga po, hindi ako nag-expect na mananalo.

“Sabi ko, basta gagawin ko yung best ko.

“Basta nung time na competition po, talagang lagi akong nagdadasal, nagpi-pray, ‘Kaya ko ‘to. Gagawin ko yung best ko.’

“Kasi competition, talagang lahat kalaban mo, e.

“Ginawa ko lang naman po yung best ko.”

Sino ang akala niyang mananalo noon?

“Ang ano ko po nun, si Rommel… Rommel Galido po. Saka si Akeem Aldover.

“Si Rommel po, nakakuha ng 20,000 likes [sa Facebook].

“E, ako, nakuha ko lang nun, six… nasa six thousand.

“Dun pa lang, parang, wow! Sabi ko, ‘Baka ito na yung manalo.’”

Pero hindi nakapuwesto sa Top 5 alinman kina Rommel at Akeem.

Lahat naman daw ng finalists ng Mr. Pogi 2012 ay kaibigan ni John Edric.

“Halos lahat, talagang kapit kami sa isa’t isa. Walang away, walang alitan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero alam ba niya sa sarili niya na pogi siya?

“Opo, pogi po ako!” kampanteng sagot ni John Edric.

Pahabol pa niya, “Kasi hindi naman po aabot sa ganun kung hindi ako pogi, di ba?”

Ano ba ang mga katangian ng isang guwapo o pogi?

“Kasama na rin po yung panloob na ugali. Kasi aanhin mo yung pogi kung pangit naman yung ugali?” tugon niya.

LIFE-CHANGING. Ano na ang mga pagbabago sa buhay ni John Edric pagkatapos niyang manalo bilang Mr. Pogi?

“Madami na pong nagbago… nakakatulong na po ako sa magulang ko.

“Ako na po yung nagbibigay ng income sa kanila, hindi gaya dati na ako yung humihingi. Umaasa lang po ako sa kanila.

“Tapos, nabibili ko na rin po yung mga gusto ko.”

Bukod sa premyo niyang P200,000 ay may talent fee raw siyang nakukuha kada labas niya sa Eat Bulaga!.

May two-year contract din daw si John Edric sa longest-running noontime show sa bansa.

Nakakatanggap na rin ba siya ng fan mails?

“Ang dami po, lalo na sa Facebook—mga fanatics,” nakangiting sabi ni John Edric.

Pinagkakaguluhan na rin ba siya kapag nagpupunta siya sa malls o sa labas?

“May nakakapansin po sa akin, may nagpapa-picture, pero hindi naman po totally over yung mga tao.”

MAGPAKAILANMAN. Bukod sa pagkanta ay malaki ang posibilidad na mapasabak din sa pag-arte si John Edric.

Sa katunayan, kinausap na raw siya para sa pagsasa-telebisyon ng buhay niya sa nagbabalik na drama anthology ng GMA-7 na Magpakailanman.

Anong bahagi ng buhay niya ang mapapanood kung saka-sakali sa Magpakailanman?

"Siguro po yung pagiging weirdo ko!” natatawang sabi ni John Edric.

“I mean, parang out of this world… Kasi nung bata po ako, talagang ang KJ [killjoy] ko po sa lahat, e.

“Kumbaga, pag may gimik, ganun, hindi ako sumasama.

“Late bloomer po ako, parang ganun."

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dagdag niya, “Tapos yung buhay namin na talagang kapos kami.

“Sobrang nakaranas ako ng ganung buhay… sobrang down na down, nagkautang-utang.

“Nung time na nagkautang-utang si Nanay, talagang kumakain kami ng talbos ng kamote—yun ang madalas naming ulam nung time na talagang wala kaming pera.

“Yung mother ko po, teacher po siya. Siya lang po yung inaasahan…

“Kasi yung tatay ko po, tricycle driver. Suma-sideline-sideline, ganun.

“Nagbenta po siya [his mom] ng lupa. Sinanla po niya yung tricycle namin para lang po makapatapos… yun.”

Siya raw ang panganay sa dalawang magkapatid na lalaki.

Sixteen years old na ang nakababatang kapatid niya na miyembro naman ng isang boy band sa Viva.

So, pareho na silang nasa showbiz ng kapatid niya?

“Parang ganun na po, sumusunod po siya. Sana palarin din po siya,” sabi ni John Edric.

Ano ang sinasabi ng parents niya ngayon?

“Sobrang proud po sila sa akin,” sambit niya.

“Actually, pag nandun po ako sa lugar namin, dun sa Binangonan [Rizal], talagang lagi silang nakangiti sa akin.

“Talagang lagi akong pinapansin, sobrang inaalagaan ako. Sobrang ine-entertain nila ako."

Sa ngayon daw ay nakabukod muna siya sa pamilya niya. Sa may Greenhills na siya nakatira ngayon, kasama ang kanyang lola at tita, para malapit sa studio ng Eat Bulaga! sa Broadway Centrum.

Kuwento ni John Edric, “Every Friday po sila pumupunta diyan para bonding namin, kasama po yung father ko, kapatid ko, saka yung mother ko.”

READY FOR SHOWBIZ. Ngayong pinasok na niya ang showbiz, handa na rin ba si John Edric na harapin ang mga intriga?

Sagot niya, “Madami na po akong nare-receive na negative and positive comments, e.”

Paano niya hinaharap ang mga negatibong komento?

“Marami pong nag-a-advice sa akin na huwag ko na lang pansinin yung ganyan.

“’Natural lang ‘yan kasi pumasok ka sa showbiz. Public figure ka na. May mga tao talaga na ayaw sa ‘yo, may mga tao na gusto sa ‘yo.’"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Gagawin niya ba lahat para sumikat?

“Opo, gagawin ko po lahat kasi nandito na ako, e. Sayang naman po yung pagkakataon ko kung…’”

May negatibong dating ang mga salitang “gagawin ang lahat” dahil baka may mag-isip na pati ang pagpatol sa bading ay gagawin ng isang aspiring actor or celebrity para sumikat.

Kasama ba yun sa “gagawin” niya kung saka-sakali?

"Hindi po," mabilis na sagot ni John Edric.

“Siyempre, pag alam ko naman pong hindi tama, di ba, bakit ko po gagawin?

“Dun po ako sa tamang paraan para sumikat. Hindi yung dun sa mali.

“Ayoko naman pong anuhin yung sarili ko dahil lang sa [kasikatan].”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN