Jose Manalo admits to almost going back to drugs after temporarily leaving Eat Bulaga!

Lubos ang pasasalamat ni Jose Manalo sa mga blessings na natatanggap niya sa kabila ng mga pagsubok na dumating sa kanyang buhay. Aniya, “Siguro kaya bini-bless ako dahil alam ng Diyos kung ano ang nasa isip ko, e. Wala akong iniisip na masama. Wala akong iniisip na manlamang sa kapwa.”


Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jose Manalo sa press launch ng bago niyang game show sa GMA-7, ang Celebrity Bluff.

Kasama rito ni Jose ang partner niyang si Wally Bayola at ang multi-awarded comedienne na si Eugene Domingo.

Ayon kay Jose, hindi ito ang unang pagsasama nila sa isang show ni Uge, ang palayaw ni Eugene.

Sabi niya, “Second time na ito. Yung una, sa Valiente. Nasa Valiente ‘yan.”

Ang Valiente ay ang afternoon series na iprinodyus ng TAPE Inc. na umere mula 1992 hanggang 1995.

“Ayan, si Uge, si Candy Pangilinan, tsaka si Andoy [Ranay, GMA-7 director].

“Kami ang magkakasama dati. Saka si Winnie [Cordero] na nasa News nagtatrabaho ngayon…

“Mga tiga-UP [University of the Philippines] ‘yan. Doon sila unang lumabas.”



EUGENE DOMINGO. Kumusta naman ang working relationship nila ni Uge?

“Okay, walang problema kay Uge. Para siyang ginawa mo lang na ano, e... Wally-Jose na babae.

"Magaan, magaang katrabaho.”

Nagulat ba siya sa pag-angat ng career sa showbiz ni Uge at ang pananagumpay nito ngayon bilang aktres at komedyante?

“Oo naman. Kasi seryoso ‘yan noon, e. Bagay, yung mga role namin seryoso, e,” pagbibiro niya.

Patuloy ni Jose, “Hindi namin inaasahan na komedyante palang talaga na may itinatagong galing… ’galing ni Uge!

“Kahit ako minsan, natutulala sa mga lumalabas sa bibig niya na hindi ko naisip, pero naisip niya.”

Noong pareho pa silang nasa Valiente, hindi ba nagku-comedy o ganun kadaldal si Uge?

“Hindi, e. Ang naalala ko lang, nakakasama namin ’yan pag nag-iinuman, gimikan… dati kami nina Candy. Kasama yung mga boss namin.

"Mahilig lang uminom ‘yan.

“Pero yung trabahong ganyan na parang luku-lukohan, hindi, e.

“Hindi ko nga nakikitang komedyante dati ‘yan… na ganyan na ngayon, e.”



LOVE INTEREST. Hindi ba siya nagkainteres na ligawan o pormahan ang isa man kina Candy o Uge?

Sagot ni Jose, “Wala, e. Noong time na yun, wala naman akong… ang liit-liit ng tingin ko sa sarili ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi self-rehabilitate ko lang noon, e. Recovery pa lang ako nung mga time na yun sa pagiging [drug] user.

“Ang mahal ko lang noon bago ang mapunta doon, drugs, e.

“Kaya wala akong interes sa panliligaw, e..

“Saka hindi naman kadalas noon [magsama] dahil iba ang schedule nila noon. Thursday sila, Friday naman kami.

“Minsan nagkakasabay lang, nagkikita-kita kami. Pero hindi yung talagang magkaka-eksena kami.”



LIFE STORY. Marami nang pinagdaanan sa buhay si Jose na akala mo ay hindi niya mararating ang tagumpay na tinatamasa niya ngayon.

Bakit sa tuwing madadapa at haharap siya sa matinding dagok ng buhay niya, tila palagi naman siyang hinihila paitaas ng Diyos?

“Siguro… dahil totoo lang ako,” seryoso niyang tugon.

“Hindi ko rin alam kung bakit, pero nagtatrabaho lang ako nang maayos.

“Noong unang nawala ako sa Bulaga, medyo muntik na akong bumalik sa drugs. Nasa isip ko na yun.

"Sabi ko, ‘Wala na ‘to.’

“Hindi sa Valiente,” paglilinaw niya.

“Kasi noong nawala ako sa Valiente, nagtrabaho naman ako sa Bulaga! as P.A. [production assistant].

“So, okey pa rin sa akin kasi may trabaho pa rin ako.

“Pero noong unang pagkawala ko sa Eat Bulaga! noon, sa case ng ex-wife ko noong 2008…

“Noong nawala ako sa Eat Bulaga!, nagpahinga muna ako, e.

“Dahil nga doon sa kaso ng misis ko.”

May kasong estafa ang misis ni Jose na si Anna Lyn Manalo.

Bakit ginusto niyang bumalik sa drugs noong mga panahong yun?

Sagot niya, “Kasi maramdamin ako, e. Masyado akong ano, e.

“Pero buti na lang noong nagbago ako, ang una kong nilapitan, Diyos.

“Inisip ko pa rin na pagsubok itong ibinigay Niya sa akin—kumapit pa rin ako sa Kanya.”

So, matapos niyang ma-realize ito, hindi na ba siya nag-iisip ng negatibo?

“Ay, hindi na. Ako ngayon, parang paggising ko sa umaga, ‘yan ang sinasabi ko: ’Bahala Ka na kung ano ang mangyayari sa akin… kung anong paa ang una kong ihahakbang… kung kaliwa ba o kanan? Ikaw na ang magpatakbo sa akin…’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Siya na ang nagpapatakbo ng lahat sa akin. Kung ano ang gusto Niyang gawin sa akin, tatanggapin kong lahat.

“Yung mga blessing, hindi ako nakakalimot magpasalamat, tulungan yung mga taong kailangan kong tulungan…

“At pag may lumapit sa akin na matagal kong kaibigan, matagal kong kakilala, na alam kong wala namang ginawa sa akin o may ginawa sa akin, tutulungan ko.”



RECOVERY. Naka-recover na ba siya sa personal at financial issues niya?

“Yung sitwasyon, okay na, e. Hindi ko na siya masyadong iniisip,” sabi ni Jose.

Pero yung kaso, tuluy-tuloy pa ba?

“Yung kaso sa aming dalawa, wala na, e, di ba? Nanalo na ako sa kaso.

“Ang hinaharap ko na lang, yung ibang kaso na hindi ko alam na kasama pala ako…”

Tumanggi nang magbigay pa ng detalye si Jose sa sinasabi niyang kaso dahil nasa korte pa rin daw ito.

“Hinaharap ko namang lahat at alam kong matatapos naman itong lahat dahil hindi naman ganoon kabigat,” dagdag niya.



CASH BOND. Ang isa pang mabigat kay Jose ay ang pagbalikat ng Eat Bulaga! sa kanyang problema dahil sa isang kaso ng misis niya na dawit siya.

Saad niya, “Kaya nga sa tuwing aalis ako, nagba-bond ang Eat Bulaga!.

“May cash bond na ibinibigay ang Bulaga sa korte para makaalis [abroad] lang ako.”

Umiwas na lang si Jose na magpaliwanag pa tungkol sa cash bond at sa pinaplano niya kaugnay sa tinutukoy na kaso, para hindi ito makaapekto sa court proceedings.

“Kasi nahihiya na rin ako sa Eat Bulaga!. Every time na aalis, kailangang mag-bond…

“Malaki yung amount na bina-bond. Na kahit nababawi, nahihiya pa rin ako.

"Kasi istorbo, e,” paliwanag niya.



CHILD SUPPORT. Tungkol naman sa kanyang mga anak, kahit wala na sa poder niya ang mga ito ay hindi raw niya nakakalimutan ang obligasyon niya.

“Yung pag-aaral ng mga bata, ako pa rin naman ’yan kahit wala sa akin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Hindi ko itinigil yung sustento ng mga bata.

“Regarding sa… kung anuman yung mga iba pang kailangan, sa kanya na,” pagtukoy ni Jose sa kanyang misis.

“Kasi, may mga business naman na naiwan, hindi na ako pumapel.

“Inano ko na sa lawyer, sa korte, na kanya na lahat yun—yung resort, yung dalawang school, at kung anu-ano pa.”

Nakikita na ba niya ang kanyang mga anak?

“Hindi pa. Ako, tanggap ko naman yun, e.

“Siguro hindi pa rin time na magharap kaming dalawa para pag-usapan.

“Kung ano yung plano niya doon, para doon, okey lang naman ako.

“Ang iniintindi ko lang naman, e, yung bunso ko.

"Yung dalawa, nakakaintindi naman… yung dalawang anak kong lalaki.”

Paano sila nagkakausap ng mga anak niya?

“Wala kaming komunikasyon,” pag-amin niya.

“Hinihintay ko lang yung pagkakataon na nakakaintindi na yung bunso ko.

“Alam kong magkikita pa naman kami at maipapaliwanag ko sa kanya nang maayos.”

Ayon kay Jose, ang Eat Bulaga na lang ang nagsisilbing tulay para maipaabot ang obligasyon niya sa mga anak.

Hindi ba ito mabigat sa kanya na hindi niya nakikita ang mga anak?

“Mabigat… mabigat siyempre.

“Ipinagdadasal ko na lang na… alam naman ng Diyos kung ano ang plano ko sa buhay… alam ng Diyos kung ano ang iniisip ko.

“Siguro kaya bini-bless ako dahil alam ng Diyos kung ano ang nasa isip ko, e.

“Wala akong iniisip na masama. Wala akong iniisip na manlamang sa kapwa.

“Basta, kung ano ang mangyayari.

"Darating din ang panahon na magkikita-kita kami ng mga anak ko,” himig niyang nag-aasam.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN