Jolo Revilla on relationship with Jodi Sta. Maria: “Darating din ang tamang panahon para aminin ang lahat.”

Kahit paano ay mas naging bukas na si Jolo Revilla tungkol sa relasyon nila ni Jodi St. Maria. Paliwanag niya, dapat nga raw ay mas nauna siyang naging open tungkol sa kanilang relasyon kaysa kay Jodi.


Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Jolo Revilla sa press launch ng 2012 Metro Manila Film Festival (MMFF) sa Annabel’s restaurant sa Tomas Morato, Quezon City, kahapon, November 12.

Si Jolo ang naging representative ng pelikulang Si Agimat, Si Enteng At Ako—ang entry ng OctoArts Films, M-Zet Productions, Imus Productions, APT Entertainment, at GMA Films.

Ang pelikula ay pinagbibidahan nina Senator Bong Revilla, Judy Ann Santos, at Vic Sotto.

Kampante ba sila na ang pelikula nila ang magna-number one sa box-office among the eight MMFF official entries?

Tugon ni Jolo, “Siyempre, hindi naman.

“Alam naman nating lahat ng pelikula dito sa MMFF ay talagang pinaghirapan at talagang pinaghandaan.”

LAST PROJECT. Malamang na ang Si Agimat, Si Enteng at Si Ako na ang huling proyektong gagawin ni Jolo bago ang eleksiyon sa 2013.

Tatakbo bilang vice governor ng Cavite ang anak nina Senator Bong at Congresswoman Lani Mercado.

Ayon kay Jolo, “Actually, kinausap ko nga ako ni Papa kung gusto ko raw.

“Sabi niya, ‘Sumama ka rito, suportahan mo naman ako.’

“So ako, pumayag naman ako bilang suporta ko sa kanila ni Bossing [Vic Sotto].

“At saka, siyempre, isang malaking bagay ‘to sa isang artista na mapasali sa ganitong klase ng pelikula.

“Siyempre, tatlong malalaking bituin ang nandito—si Papa, si Bossing, at pati si Ms. Juday.”

JOLO’S CANDIDACY. Samantala, nakahanda na raw si Jolo sa kanyang kandidatura.

Aniya, “Nag-file tayo noong October 5 upang kumandidato bilang bise gobernador ng lalawigan ng Cavite.”

Makakatunggali ni Jolo ang anak ni Senator Panfilo Lacson na si Ronald Jay Lacson.

Si Ronald ay kapatid ni Pampi Lacson, na dating asawa ng girlfriend ngayon ni Jolo na si Jodi Sta. Maria.

Sabi ng young actor-politician, “Ilang beses na kaming nagkaharap, maayos naman.

“Alam ko naman na hindi aabot sa personalan ‘to.

“Kumbaga, let’s talk about the issues within Cavite, di ba?”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sa mangyayaring pagtatapat ng mga Revilla at Lacson sa Cavite, posibleng maipit o madamay rito si Jodi dahil sa kaugnayan niya sa dalawang pamilya.

May plano ba si Jodi na mangampanya para kay Jolo?

Sabi ni Jolo, “Siguro, mas maganda kung siya ang sasagot niyan dahil sa akin, sana, sana, di ba?”

Hindi kaya magkaroon ng pagkailang si Jodi kapag campaign period na?

Saad ni Jolo, “Una, kaya nga palagi kong sinasabi, siguro mas maganda kung siya ang tanungin n’yo tungkol sa ganito.

“Ako, matutuwa ako na ipangampanya niya ako. Sino ba naman ang hindi matutuwa?”



OPEN RELATIONSHIP. Pagdating naman sa relasyon nila ni Jodi, kapansin-pansin na tila mas “open” na ngayon si Jolo na pag-usapan ang tungkol dito.

Pero paglilinaw ni Jolo, “Mas open na kami? Wala naman kaming ino-open up.

“Sinasabi lang namin ang nararamdaman namin. Wala kaming itinatanggi.

“Kumbaga, we’re just enjoying what we have.

“Hindi naman kami nagmamadali.

“Kumbaga, darating din naman ang tamang pagkakataon.”

Ano ang dahilan at kahit paano ay mas naging bukas na siya sa publiko tungkol sa kanilang relasyon?

“Siyempre, una, pumunta siya sa The Buzz, nag-guest siya do’n.

“Tinanong siya ni Kuya Boy [Abunda]. Pangit naman sigurong tingnan kung hindi ako mag-open up, di ba?”

Nagiging gentleman lang siya?

“Actually, dapat lang naman.

“Dapat nga, mas naging una akong nagsalita kesa sa kanya.

“Pero, yun… wala naman akong itinatago.”

Kumpara sa mga nakaraan niyang relasyon, marami ang nakakapansin na walang gaanong isyu ngayon at mas tahimik ang relasyon ni Jolo kay Jodi.

Paano nila nagagawa ni Jodi ito?

“Siyempre, sa akin, basta, sa palagay ko naman, mas maganda na sa amin na muna. Kaya hindi namin inu-open up.

“At saka, naging open-secret naman ito sa industriya,” pahayag niya.

Diretsahan naming tinanong si Jolo kung masaya siya ngayon.

“Oo naman,” sagot ng 24-year-old actor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Siguro naman, action speaks louder than words.

“Wala naman akong inaamin. Wala naman kaming inaamin.

“Darating din ang tamang panahon para aminin ang lahat.”

Kailan kaya yung tamang panahon?

“Ibalato n’yo na lang muna sa akin yun,” nakangiti niyang sagot.

YAYA MAYA. Kumusta naman ang pakikitungo ng pamilya niya kay Jodi?

“Okay naman. Sa totoo lang, nakita sila sa barangay, noong fiesta, pinatawag siya ng lolo ko.

“Kasama si Richard Yap, si Papa Chen,” pagtukoy ni Jolo sa leading man ni Jodi sa ABS-CBN morning soap na Be Careful With My Heart.

Nanonood pala si dating Senator Ramon Revilla Sr. ng show ni Jodi?

“Nanonood, nanonood… sabi nga niya, magaling na artista raw si Jodi.”

Natawa naman si Jolo sa tanong kung napagsilbihan na rin ba siya ni “Yaya Maya”—ang pangalan ng karakter ni Jodi sa soap.

“Ayos lang, ayos lang.”

Paano mag-alaga si Jodi?

“Mabuti siyang kaibigan!” ang natatawang sagot ni Jolo.

Masasabi niya kayang si Jodi na ang maipapakilala niyang “Second Lady” ng Cavite?

Nakangiting pahayag niya, “Masasabi kong darating ang tamang pagkakataon na masasagot natin ang tanong na ‘yan.”

Samantala, “Tito Jolo” raw ang tawag sa kanya ng anak ni Jodi kay Pampi na si Thirdy; at “Tita Jodi” naman ang tawag ng anak ni Jolo kay Grace Adriano na si Gab sa aktres.

“Pareho lang naman. Malapit din naman ako sa bata,” sabi ni Jolo.

Masasabi ba ni Jolo na mas inspirado siya ngayon dahil kay Jodi?

“Inspired akong magtrabaho dahil alam ko na malaki ang tiwala sa akin ng mamamayan ng Caviteño dahil sa pag-iikot ko sa Cavite,” paiwas na sagot ni Jolo.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN