Nova Villa not thinking about retirement yet: “Babalik at babalik pa rin ako sa pag-arte at walang makakapigil sa akin—unless ako na ang sumuko.”

Mapagbigay at understanding daw ang mga kasamahan ni Nova Villa sa mga shows niya sa GMA-7. Patunay niya, “Magaan para sa akin tsaka may cut-off time naman ako. Very understanding naman ang production staff lalo na sa aming mga senior citizens!”


Nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang veteran actress na si Nova Villa sa set ng Aso Ni San Roque sa Quezon City.

Nagulat si Nova nang ipaalala sa kanya na sa January 2013 ay dalawang taon na siyang lumalabas sa GMA-7.

Sabi niya, “Ang bilis talaga ng panahon. Kelan lang ako nag-start sa GMA-7.

“Medyo ninenerbiyos pa ako noon, kasi first time ako nag-ober da bakod from ABS-CBN 2.

“Pero wala akong naging pagsisisi dahil lahat naman ng ipinangako nila sa akin ay natupad.

“Kaya masayang-masaya ako at maraming blessings mula sa Panginoon ang dumarating sa atin.”



FIRST ROLE. Nag-guest role lang noong una si Tita Nova sa Krismaserye ng Kapuso network na Jillian: Namamasko Po, na pinagbidahan ng child star na si Jillian Ward.

January 2011 nang umere ang episode dito ni Tita Nova bilang si Lola Claus, na siyang nag-grant ng wish sa manikang si Jillian na maging tunay na bata.

Nasundan iyon ng first afternoon drama series ni Nova sa GMA-7 na Nita Negrita, kasama naman si Barbie Forteza.

Sumunod dito ang Futbolilits, My Beloved, at Tweets For My Sweet.

Ngayon, bukod sa nasa cast siya ng Aso Ni San Roque, kasama rin siya sa comedy series na Pepito Manaloto, Ang Tunay Na Kuwento.



NETWORK CONTRACT. Three years ang guaranteed contract na pinirmahan ni Nova para sa GMA-7 kaya ganado siyang magtrabaho kahit dala-dalawa ang shows niya ngayon.

Saad niya, “Okey sa akin iyon. Hindi naman nagkakaroon ng problema sa schedules ko.

“Itong Aso Ni San Roque, three times a week ang taping ko, at yung Pepito Manaloto naman, once a week lang.

“Magaan para sa akin tsaka may cut-off time naman ako.

“Very understanding naman ang production staff, lalo na sa aming mga senior citizens!” sabay tawa ni Nova.

“Sila pa ang nagpapaalala sa amin na cut-off time na namin, pack-up na kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya hindi ako masyadong napapagod not unless iyakan ang eksena."

Nitong mga nagdaang mga eksena ni Nova sa Aso Ni San Roque ay puro mabibigat dahil na-confine sa ospital ang character niyang si Ofelia.

“Nito lang namang mga huling kinunan sa akin, mabibigat. Kailangan umiyak ako.

“Yung mga eksena namin ni LJ Reyes, yun ang puro iyakan.

“Tapos mahahaba pa ang mga dialogues ko. Mabuti na lang at nakahiga ako.

“Kapag sinabi sa akin na ang eksena ko ay hihiga lang, talagang nakakatulog ako!” tawa niya ulit.

“Sinasamantala ko na nakahiga ako at masarap matulog. Ginigising na lang ako kapag cut na ang eksena!”



OPPOSITE ROLES. Sa Pepito Manaloto naman ay at home na at home si Nova dahil sa role niyang si Mimi, ang inggiterang kapitbahay nina Pepito (Michael V.) at Elsa (Manilyn Reynes).

Esplika niya, “Pambalanse naman ang Pepito Manaloto—kung drama tayo sa isa, comedy naman tayo dito.

“Na-miss ko kasi yung Tweets For My Sweet namin nina Marian [Rivera] at Dick [Roderick Paulate]. Kaya siguro inilagay nila ako sa show ni Bitoy [Michael V.].

“Nakakatuwa, kasi nga, si Mane [Manilyn], dati lumalabas lang ‘yan na anak ko sa mga pelikula sa Regal Films, di ba?

“Ngayon, magkaaway kaming magkapitbahay dahil nga lahat ng isuot niya or ilagay niya sa bahay nila, gusto ko rin.

“Ang saya namin sa taping talaga.

“First time ko kasi to really work with Bitoy at mahusay pala talaga siya.

"I am honored to be part of that comedy series. Kakaiba at Pinoy na Pinoy ang mga sitwasyon.”



NO RETIREMENT. Puwede nang mag-retire si Nova anytime, pero mas gusto raw niyang nagtatrabaho siya kesa wala siyang ginagawa.

Sabi niya, “Naku, malayo pa ang retirement ko. Marami pa akong gustong gawin at kaya pa nating magtrabaho.

“I’ve been in this business for almost fifty years na.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Minahal ko ang propesyon na ito kaya hindi ko ito basta-basta iiwan na lang.

“Kita n’yo naman sina Eddie [Garcia] at si Gloria [Romero], mas matagal sila sa akin sa showbiz, pero nandito pa rin sila.

“Dahil mahal nila ang pag-arte at bahagi na talaga ng buhay namin ang pagiging artista.

“Sabi nga ng anak ko before, tumigil na ako at mamalagi na lang ako sa Amerika.

“Ano ang gusto niyang gawin ko? Alagaan lang ang apo ko?

“Okey naman sa akin iyon, pero that’s the whole me. Part of my life ay nasa trabahong ito [showbiz].

“May bakasyon naman akong binibigay sa sarili ko.

“May one month akong bakasyon in between work para naman makasama ko ang mister ko or ang anak at apo ko sa U.S.

“Pero babalik at babalik pa rin ako sa pag-arte at walang makakapigil sa akin—unless ako na ang sumuko.”

Payo nga ni Nova sa mga baguhang artista ngayon, huwag balewalain ang mga magagandang pagkakataon na dumarating sa kanila.

Sabi niya, “Masuwerte ang mga artista ngayon kasi inaalagaan sila ng malalaking TV networks.

“Kami noon, basta may kumuha sa iyo, happy ka na…

"Tapos irerekomenda ka sa ibang producers. Kung nagustuhan ka, ikokontrata ka ng isang film outfit.

"Ganoon kami tumagal sa business na ito. That is how we survived…

"Yung pagiging professional, importante.

“May ibang mga artista kasi ngayon, maririnig mo na nagrereklamo sila.

"Huwag ganoon... walang nagsabi na madali ang anumang trabaho.

“Kaya ang magandang payo is—love your job and your job will love you back,” pahayag ni Nova.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN