Wally Bayola admits to being tempted by other women: "Dumarating ‘yan sa buhay ng ano... pero ang asawa ko, nagpapasalamat ako na naiintindihan niya."

Bagamat malakas na ang hatak ng tandem nina Wally Bayola (nasa larawan) at Jose Manalo sa publiko, hindi pa naiisip ni Wally na gumawa ng isang pelikula kunsaan kasama na nilang bida si Vic Sotto. Paliwanag niya, “Ay hindi po, marami pa po kaming kakaining bigas kung ikukumpara kay Bossing. Kumbaga, halimbawa, pasalamat din tayo, pagdating ng panahon, parang magiging Bossing din tayo—magkaroon ng sariling production na makakatulong tayo.”


Ang comic duo nina Wally Bayola at Jose Manalo ang bida sa pelikulang D’ Kilabots Pogi Brothers...Weh!?.

Si Pokwang ang love interest ni Wally sa pelikula, habang si Jose naman ay si Solenn Heussaff.

Sa press conference ng D’ Kilabots Pogi Brothers... Weh!? noong Martes, November 13, naitanong kay Wally kung paano napapayag si Pokwang na maging leading lady niya rito.

“Noong sinabi po na ako ang magiging ka-partner niya, e, umoo naman po agad si Pokwang.

“Hindi ko alam kung bakit hindi siya nagdalawang-isip!” biro niya.

Dagdag ni Wally, “Pero malaking pasasalamat po namin na si Pokwang ay pumayag dahil alam naman nating si Pokwang ay isang magaling na komedyante.”

Base sa trailer ng pelikula, may ipinakitang tila love scene nila ni Pokwang. Kumusta naman ang eksena nilang iyon?

“Kissing scene, love scene... Alam mo yung, parang, harutan na comedy pa rin po. Parang lambingan.”

Hindi ba nagseselos ang misis niya?

Aniya, “Hindi naman… artist naman siya.

"Dati namang nasa teatro ang asawa ko, so alam niya yung mga ganoon.”



PLAYBOY. Pero sa kanilang dalawa ng partner niyang si Jose, sino ang totoong mas kilabot sa babae at sa iba pang bagay?

“Siguro po ako na ang pinaka-kilabot dito, chickboy—puwede sa chick at puwede sa boy!” natatawang biro niya.

Sino namang babaeng artista ang may hatid na kilabot sa kanya kapag nakikita niya?

“Sa totoo, wala naman kasi akong ano sa mga artista... siguro sa GMA, yung bago ngayon, si Sarah Lahbati.”

Anong meron kay Sarah?

"Malaking babae, sexy."



HONEST. Bumilib naman kami kay Wally sa pagiging totoo nito sa pag-amin na may mga insidente minsan na nate-tempt siya sa ibang babae.

Pero bilang lalaki, naiintindihan din naman daw ng asawa niya ang bagay na ito.

Ayon kay Wally, “Noong hindi pa naman po ako nag-aartista, sabihin natin na galing ako sa banda. Gabi-gabing gig.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

"Meron din naman po, pero depende rin naman po kung papatulan ninyo o hindi.”

May pinatulan na ba siya?

“Opo, nangyayari po,” pag-amin ni Wally.

Okay lang ito sa misis niya?

“Ang asawa ko po, siyempre, bukas din naman ang isipan niya na sa lalaki, natural ‘yan.

“Dumarating ‘yan sa buhay ng ano... pero ang asawa ko, nagpapasalamat ako na naiintindihan niya.

“Kasi, alam din naman niya kung saan ako umuuwi.”

One-night stand?

“Ay, wala naman po! Matagal na matagal na... bata pa ’ko.

“Kasi siguro, noong nasa banda pa ’ko.

“Kasi noon, bumibiyahe kami ng La Union, mga two months.”

Noong nag-artista na siya, wala na?

“Hindi naman… depende nga po sa iyo kung gusto mong patulan."



THE BIG PROJECT. Ngayong bida sila muli ni Jose sa isang pelikula, may kabang nararamdaman ba si Wally?

Sagot niya, “Kahit anong project ang ibinibigay sa amin, nandoon na agad ang kaba.

“Kung ano ang kailangan mong gawin para maiba yung, kumbaga…

"Iisipin mo, ’Okay kaya itong gagawin ko? Magugustuhan kaya ito ng manonood, kakagatin kaya ito?’

“Pero the opposite of it, para mawala ang kaba namin.

“Siyempre, malaki po ang tiwala namin, lalo na sa mga producers dito—M-Zet, APT Production.

“Malaki rin ang tiwala namin sa director ng pelikulang ito, si Direk Soxie Topacio.

“Malaki po ang tiwala namin at hindi kami pababayaan ng mga producers po.”



COMEDY TANDEM. Itinuturing na comedy tandem sina Wally at Jose na kapag nakita ang isa, parang automatic na itatanong agad kung nasaan yung isa.

Allowed ba silang tumanggap ng project na solo lang?

Sagot ni Wally, “Opo, siya po, puwede naman po siyang mag-solo na mag-isa… commercial, gumagawa rin po siya.”

Kung malaking project na solo lang sila?

“Siguro po, hindi po. Kasi, nasanay na ang tao na magkasama kaming dalawa.

“Kahit sa gabi-gabi, sa normal show sa gig, sa Klownz, sa Zirkoh, hinahanap si Jose.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kapag si Jose lang din ang nagsu-show, hinahanap si Wally.

“So, nasanay po ang tao na Wally-Jose po.

“At saka, siyempre po, may manager kami, sila po ang magde-decide kung ito ba, marami ang maghahanap ng tandem o okay lang ba?

“Like si Jose, okay lang na siya ang may commercial. Okay lang po yun.”

Pareho rin ba sila ng talent fee?

“Yung talent fee naman po, hindi naman namin pinag-uusapan.

“Pero okay lang din po na si Jose ang mas malaki, kasi mas nauna naman po siya.

“Pero, siyempre, ang nagde-decide lang naman po talaga, ang manager.”



HELP OUT. Noong dumating ang mga unos sa buhay ni Jose, paano niya sinuportahan ang kaibigan?

Sabi ni Wally, “Yung suporta na alam niyang ipinagdarasal ko na maayos.

“Kasi, siyempre, hindi lang din naman para sa kanya yun. Kumbaga, para rin sa Wally and Jose na tandem.

“At the same time, nirerespeto ko kapag may mga ganoong klaseng isyu, kapag hindi ko alam, hindi po talaga ako nangingialam.

“Siyempre, mahirap magdagdag kung hindi ko naman talaga alam.

“Kumbaga, sine-set aside, nirerespeto ko yung privacy. Respetuhan lang po talaga.”

THEY WEAR EARPHONES. Sinagot din ni Wally ang ibinabatong isyu sa kanila na diumano’y suplado raw sila ni Jose sa personal.

“Alam ninyo, sinagot na rin po namin ‘yan.

"Kasi sa ’Juan For All’ [Eat Bulaga! segment] po kasi, meron kaming gamit na earphone.

“So, may mga tao na, ‘Wally, Wally!’ hindi namin naririnig. Lalo na hindi namin puwedeng tanggalin [ang earphone].

“Kasi, yung sigaw ng tao, hindi naman namin naririnig yung sa studio.

“Kaya minsan, nagsasalita si Bossing [Vic Sotto], ‘Wally, Wally, hindi namin marinig.’

“Kaya minsan, sa barangay, bini-brief din namin na sabihin [sa tao], kalabitin na lang [kami] kesa tawagin kapag magpapa-picture.

“Para lang din kapag naka-headset, earphone.”

THE PRODUCER. Ayaw tanggapin ni Wally ang sinasabi ng iba na puwede na silang magbida ni Jose sa pelikula kasama si Vic Sotto.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Tila nahihiyang sagot ni Wally, “Ay, hindi po, marami pa po kaming kakaining bigas kung ikukumpara kay Bossing.

“Kumbaga, halimbawa, pasalamat din tayo, pagdating ng panahon, parang magiging Bossing din tayo—magkaroon ng sariling production na makakatulong tayo.”

Isa rin daw sa gustong mangyari ni Wally ay ang makapag-produce.

Aniya, “Nakikita ko rin po kasi ang hirap ng ilang crew, ilang talents.

“Lalo na po noong nawala na si FPJ, si Tito Dolphy… Alam mo, yung mga talents na umaasa sa kanila."

Sina Fernando Poe Jr. at Dolphy ay mga malalaking artistang nagkaroon ng sariling production outfits. Ang konsentrasyon ni FPJ ay action at si Dolphy ay comedy, ngunit parehong naging puntahan ng mga maliliit na tao sa industriya ang kanilang outfits.

“May sarili silang production, si Tito Dolphy, lahat tinutulungan niya kahit walang pelikula.

“Ang natitira na lang, si Bossing na may M-Zet, si Senator Bong Revilla... sino pa ba?

“Kung tutuusin, marami pang mga talents, kasamahan namin sa pelikula, mga stuntman… alam mo, yung wala silang maasahan.

"Sa TV, bihira silang makapasok.

"So, kung susuwertehin, sana makatulong din tayo.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN