PEP EXCLUSIVE: Alessandra de Rossi explains why she can’t do kissing scenes and why she doesn’t like playing lead in teleseryes

Kaya raw ni Alessandra de Rossi na mag-pose nang sexy para sa isang magazine shoot at mag-two piece para sa billboard ng iniendorsong clothing brand. Pero pagdating sa kissing scene, matatag ang paninindigan niyang huwag gawin ito.


Gusto nang magka-teleserye muli ni Alessandra de Rossi.

Pero tinanggihan nito ang role na Heidi sa Temptation Of Wife ng GMA-7 dahil hindi raw niya kayang makipag-kissing scene.

Napunta ang role kay Glaiza de Castro.

Sa Haram naman inilagay si Alex (palayaw ni Alessandra) ng GMA-7, pero na-shelve ito at pinalitan ng Pahiram Ng Sandali, kung saan kasama pa rin siya.

Ngunit nang mag-backout si Kylie Padilla, na leading lady sana ni Dingdong Dantes sa Pahiram Ng Sandali, naisip ba niyang made-delay na naman ang hinihintay na teleserye?

“Hindi ko naman inisip na hindi na naman matutuloy. Okey naman. Buti naman,” sagot ni Alex sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal).

Naganap ang interview sa aktres nung Martes, November 13, sa shoot ng plug para sa bagong teleseryeng kinabibilangan niya sa GMA-7.

Magsisimula na kasi ang Pahiram Ng Sandali sa November 26, kapalit ng Coffee Prince.

Papel ng other woman ng karakter ni Christopher de Leon ang gagampanan ni Alex.

Siya si Baby.

“Yes, Baby ang pangalan ko. Okey ba? Bagay na bagay ba sa personality ko?" pagbibiro ng artistang payat, morena, mabilis magsasagot, at hindi basta-basta nagpapatalo.

“Isa akong lounge singer at, malamang, nakilala si Christopher sa isang bar at ako ang magiging mistress niya,” saad pa ni Alex tungkol sa kanyang character.

Makakasabayan niya sa aktingan, hindi lang si Christopher, kundi ang napakahusay rin sa pagganap na si Lorna Tolentino.

Siya ang lalabas na gugulo sa relasyon ng characters nina Lorna at Christopher bilang mag-asawa.

Biro uli ni Alex, “Mga ka-level ko, mga beterano! Mga ka-age ko yun.”

At dahil kabit siya rito, tinanong ng PEP kung may kissing scene ba siya.

Mabilis na “meron” agad ang sagot ni Alex.

Paano? Hindi ba’t iyon ang rason kaya tinanggihan niya ang Temptation Of Wife?

“Gagawan natin ng paraan. Hindi ko pa nga alam kung ano ang gustong atake ni Direk Maryo [delos Reyes].

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Alam naman nila na hindi ako kumportable. Pero siyempre, kailangan nating gawan ng paraan.

“Ibibigay ko naman kung ano ang kaya ko.”

MISTRESS ROLE. Kabit din ang role sana ni Alex sa Temptation. Pero nang tanggihan niya ito, isang kabit din pala ang babagsakan niyang role sa Pahiram.

Bakit naman hindi na siya tumanggi rito?

“Wala na ‘kong pera, e!,” natatawang sagot ng half-Filipina, half-Italian actress.

“Kung alam ko lang e di tinanggap ko yun! Pero nakita ko ang plug, hindi ko kaya yun,” aniya tungkol sa Temptation Of Wife.

“Although napanood ko ang DVD, yung Korean, puro daya yun.

“In all fairness to them. Kaso dito, hindi raw, e.

“Kung yun lang pinapapanood nila sa akin, kaya ko ‘yan. Pero kung tototohanin, hindi ko kaya.”

Wala bang pagsisisi sa kanya na tinanggihan niya ang Temptation Of Wife?

“Wala,” sagot niya.

“Bibigyan din nila ‘ko ng problema. Bibigyan ko rin sila ng problema. So, papaano ang mangyayari?

“Mabuti na umpisa pa lang, sabihin mo na ang problema, kesa naman pagdating dun, made-delay.

“Parang, ’Hindi ko po kaya, Direk, sorry po.’”

Yung pagka-shelve ng Haram, nanghinayang ba siya?

“Oo,” mabilis niyang sagot.

“Actually, kaya madali sa akin na tanggihan ang Temptation of Wife, kasi nag-offer sila ng option. Na ‘Kung hindi mo kaya, puwede ka naming ilagay sa Haram.’

“So, sabi ko, ‘Sige, hindi ko talaga kaya [ang kissing scenes].’

“Hindi ko na ’pinaglaban, hindi na ako nakipag-usap. Meron naman nang kapalit na hindi ako mahihirapan.

“Kaso, hindi rin siya natuloy. Ang ending, mahihirapan din ako. Pinagdaanan ko pa lahat yun para lang ganun.

“That’s life,” natatawa tuloy niyang sabi.

Pero personally, naniniwala ba siyang dapat ngang ma-shelve ang Haram?

“Hindi,” sagot agad ni Alex.

“Ako kasi, itutuloy ko yun kahit na anong mangyari. Pero siyempre, naiintindihan ko yun. I don’t know up to what extent umabot yung pananakot ba o galit?"

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matatandaang nabalitang may sektor na nagalit sa tema ng Haram, na tungkol sa bawal na pag-ibig sa pagitan ng isang sundalong Kristiyano at isang dalagang Muslim.

“Ako rin, at the same time, kapag meron akong masasagasaan, hindi ko rin [itutuloy], di ba?

“Pero kung sure naman akong wala, let’s get it on!

“Pero naintindihan ko rin sila siyempre, hindi naman ako ang may hawak, di ba?

“Nanghihinayang lang ako kasi ang ganda ng concept, e,” patuloy ni Alex.

WHY SHE CAN’T DO KISSING SCENES. Nakapag-pose na si Alessandra sa isang men’s magazine.

Nagkaroon na rin siya ng billboard sa isang clothing brand na naka-two-piece lang siya.

Pero bakit pagdating sa kissing scene ay atras siya?

“Sabi ko nga, you can look. Kahit nga nude scene, basta mag-isa ‘ko. Anything sexual…

"Pero yung may kasamang ibang tao, hindi talaga puwede.”

Saan naman nanggagaling yung ganoong conviction niya?

“Sacred sa akin yun, e,” aniya. “Para sa dalawang tao lang yun, e.

“Isa pa, hindi rin naman ako ang tipo ng babae na makikita niyong ganyan. Kasi, hindi ko talaga siya ginagawa.

“Hindi rin siya normal sa akin na kapag hindi mo mahal, hindi mo boyfriend, iki-kiss mo, ganyan…

“Hindi ko siya kayang gawin sa personal life ko at lalong hindi ko siya kayang gawin para sa pera.

"Mas gusto ko pa siyang gawin sa personal life kung sakali.”

Bata pa lang siya, alam na ng ilang kasamahan sa showbiz na isa na yun sa prinsipyo niya.

Kaya sabi namin kay Alex, in fairness sa kanya, consistent siya sa bagay na yun.

Sabi naman niya, “Oo nga, pero hanggang ngayon, wala pa ring nakakaintindi.”

Mabuti’t hindi siya nagpadala sa pressure ng showbiz?

“Hindi ka naman mapi-pressure kapag alam mong tama ang pinaglalaban mo for yourself.

“Hindi ko sinasabi for other people, hindi ko dyina-judge ang ibang tao na kaya nilang gawin yun. Natutuwa nga ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sana nga, kaya ko rin gawin. Siguro, ang yaman ko na, di ba?

“Pero, hindi talaga, e. I guess, nauuna ang emotion ko.

"And I guess, yun ang gift ko kaya nga marunong akong umarte. Kasi, emotional akong tao.

“Alam ko ang dapat kong ibigay at ipakita. At the same time, yun din ang nagiging sagabal.

“Sa sobrang emotional ko, marami akong hindi kayang gawin. Marami akong hindi masikmura.

“Sorry, di ba?” sabi pa ni Alessandra.

Hindi naman daw ito ang unang pagkakataong makakatrabaho niya sina Christopher at Lorna.

Parehong nakatrabaho na niya ang mga ito sa Hanggang Kailan (2004) noon.

Naging “kaagawan” na rin daw niya si LT (inisyal ni Lorna) sa Now and Forever: Linlang (2006) naman.

Sa isang banda, tila “bonus” para sa kanya ang role bilang isang lounge singer.

Matatandaang kamakailan ay naglabas ng self-produced album si Alessandra, ang free-to-download album niyang Adrift.

(CLICK HERE to watch related video.)

“Nagulat na lang ako pagdating ko, yun nga raw ang role ko! ‘Tapos, humihingi sila sa akin ng mga original songs kung meron akong pang-lounge. Sabi ko, madali namang gumawa.”

END OF HER KAPUSO CONTRACT. Hanggang June na lang daw ang kontrata ni Alessandra sa Kapuso network.

Naka-isang taon na raw siya simula nang lumipat siya.

Kinamusta nga namin kung plano pa rin niyang mag-renew pagdating ng June o may plano siyang lumipat muli?

“I don’t know. Siyempre, kung wala naman silang offer. Kailangan kong magtrabaho, apat na taon pa ang bahay ko.

“We can never tell pagdating ng June. Basta ako, kahit saan meron, game ako.”

Masaya ba siya bilang Kapuso?

“Okey naman,” nakangiti niyang sagot.

A VERY GOOD ACTRESS. Isa siya sa magagaling na aktres ng kanyang henerasyon. Marami nga ang nanghihinayang na hindi na siya gumaganap na bida sa mga teleserye.

Wala ba siyang balak na magbida uli?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Wit! Wala na, ‘no! Ang tanda ko na, ‘no?

“Hindi, e… Actually, hindi naman. Gusto ko lang talaga ng may saysay na role. May laman lang,” paliwanag niya.

Sa ngayon, tanging sa mga indie film siya nakakapag-lead role, kunsaan talagang nakikilala ang galing niya sa pag-arte.

Kakatapos nga lang daw niya ng Mater Delarosa ng Cinema One.

At may isa pa siyang entry, ang Baybayin, kunsaan kasama niya ang kapatid na si Assunta de Rossi.

Ang indie movie niyang Busong ay nanalo naman ng grand prize sa National Geographic All Roads Film Festival.

Kaya biro namin sa kanya, pang-international talaga ang mga pelikula niya.

“Nagkataon lang siguro. Hindi lang naman ako ang nakakarating ng abroad. Mas marami pa ang nakakarating sa akin,” prangkang sagot ni Alex.

Nakatakda rin daw niyang gawin ang Death March ni Adolf Alix, kunsaan si Alex din ang musical scorer.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN