Biboy Ramirez on rumor he’s living in with Vaness del Moral: "Hindi talaga. Magkapitbahay kami, three houses away."

Hindi raw kailanman naging isyu kay Biboy (main photo) at sa girlfriend na si Vaness (bottom inset) ang trabaho nila. Biboy: “Ako, naggu-grow ako, naggu-grow siya...Ako, ang mundo ko, hindi siya lang. Siya, hindi lang ako." Si Jackie (top inset) ang girlfriend ni Biboy bago naging sila ni Vaness.


Itinanggi ni Biboy Ramirez na mas pinili niya ang offer ng Enchanted Garden ng TV5 kesa sa Angelina del Cielo ng GMA-7 dahil mas mataas ang talent fee ng “ecoserye” ng Kapatid network.

“False,” nakangiting sabi ni Biboy nang makausap ito ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa launch ng 2012 Metro Manila Film Festival noong November 12.

Kasama ang indie film na tinatampukan ni Biboy, ang In Nomine Matris, sa New Wave section ng taunang film festival.

Patuloy niya, “Actually, yung sa TV5, hindi siya offer. ’Tinawag lang sa akin kung puwede ako.

“Pero, eto nga, icebreaker dahil napakabait ni Lord. Pinakinggan Niya ang mga dasal ko.

“Galing lang ako sa taping ng Angelina del Cielo. Binigyan nila ako ng panibagong character.

“Nabalik pa rin, nagawan ng paraan.

“At saka, budget-wise, pareho. Walang problema sa budget.”

Ang role daw kasi ni Gerald Madrid sa Angelina del Cielo ay orihinal na para kay Biboy sana.

Kay Biboy rin nalaman ng PEP na may “reunion” sila rito ni Roxanne Barcelo, na naging karelasyon niya noong Click days nila.

Nakangiting sabi ni Biboy, “Parang may mangyayari, guguluhin ko ang loveteam nila ni Victor Basa.”

Okay na ba sila ni Roxanne?

“Oo naman, magkaibigan kami,” sagot niya.



THREE YEARS. Pagdating naman sa lovelife ni Biboy, mahigit tatlong taon na raw ang relasyon nila ng Kapuso character actress na si Vaness del Moral.

Ayon kay Biboy, ang relasyon niya kay Vaness ang pinakamatagal niyang naging relasyon.

Ano kaya ang meron kay Vaness para magtagal sila?

“Siguro, parehas kami na… di ba, noong bata ako, parang ang trabaho sa akin, second priority? Ang una sa akin, lovelife.

“Noong nag-mature ako, inuna ko na ang trabaho.

“Timing kasi, siya rin, priority niya ang trabaho.

“Nagkakaintindihan kami kasi, pagdating sa trabaho, walang guluhan, walang pakialaman.

“Pero naggu-grow ang relationship namin, kaya maganda.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Diretsahan naming tinanong si Biboy kung nagli-live-in ba talaga sila ni Vaness gaya ng nababalita.

Sagot niya, “Hindi talaga. Magkapitbahay kami, three houses away.

"Doon siya nagre-rent.

“Si Vaness kasi, na-Ondoy siya. So, tinulungan ko siyang makahanap dahil meron malapit sa amin.”

Wala pa ba siyang planong magpakasal?

“Wala pa, wala pa…. Kahit si Vaness, hindi pa rin. Ang bata pa no’n, twenty-four.”

Mga three to four years pa raw bago magpakasal si Binoy kung sakali.

Kaya ang tanong namin sa kanya: Sila pa rin kaya ni Vaness pagdating ng panahon na yun?

“Sana… siguro naman,” nakangiti niyang sabi.

“At saka, hindi naman kami nagkakaroon ng malaking away o tampuhan na katulad ng mga nakasangkutan ko dati.

“At saka, ilang years na rin ang in-invest namin sa isa’t isa. Ang haba na, so bakit hindi?”

Hindi nagiging problema ang trabaho nila sa isa’t isa? Gaya sa kaso ni Vaness, na nagiging daring minsan sa kanyang roles?

“Yun ang okay sa amin, kaya kami nagtagal.

“Ako, naggu-grow ako, naggu-grow siya. Naggu-grow kami parehas.

“Ako, ang mundo ko, hindi siya lang. Siya, hindi lang ako.

“Naggu-grow siya sa workplace niya, workplace ko.

“Nag-aartista siya. Ako, nag-aartista, executive producer ako sa AksyonTV, nagdi-direct na rin ako ng mga TV shows.”



JACKIE RICE. In general, masasabi raw ni Biboy na maayos ang naging relasyon niya sa mga naging kasintahan niya.

Pero aminado ang aktor na hindi pa sila nagkikita ng ex-girlfriend niyang si Jackie Rice simula nang mag-break sila.

Si Jackie ang naging girlfriend ni Biboy bago naging sila ni Vaness.

Masasabi ba niyang yung kay Jackie ang pinaka-bad breakup?

“Hindi naman, pinakaano lang siguro… lahat naman pare-pareho.

“Kasi, kapag breakup, masakit ‘yan. So, pare-parehas na masakit.

“Pero yung kay Jackie, yun kasi ang pinaka-recent, so yun siguro ang pinakamalala.

“Hindi pa lang kami nagkikita ni Jackie. Pero ako, okay na ‘ko. Sobrang okay na ko.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN