Lorna Tolentino on working with Dingdong Dantes: “Walang kilig... ayaw ni Marian ng ganyan!”

May dahilan kung bakit walang balak pumasok sa pulitika si Lorna Tolentino. Paliwanag ng aktres, “Yung naramdaman ni Rudy [Fernandez, her late husband] na sakit nung time na tumakbo siya, hindi magandang ano sa akin. Yung memory na iniwan sa akin, hindi maganda kaya… Yung pain na yun, na pag tuwing babalikan ko, nararamdaman ko pa rin.”


Sa bagong primetime series ng GMA-7 na Pahiram Ng Sandali ay dalawa ang leading ladies ni Dingdong Dantes—ang young actress na si Max Collins at ang multi-awarded actress na si Lorna Tolentino.

Gumaganap bilang mag-ina sina Lorna at Max sa teleserye at magkakagusto sila pareho sa karakter ni Dingdong.

Dahil may love angle ang mga karakter na ginagampanan nila, tinanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lorna, 50, kung may “kilig” ba ang pakikipagtambal niya kay Dingdong, 32.

“Walang kilig... ayaw ni Marian ng ganyan! Professional ito, trabaho ito!” ang tumatawang sabi ng aktres patungkol sa kasintahan ng aktor na si Marian Rivera.

Hindi ba siya natatakot na baka “awayin” siya ng mga fans ni Marian?

Sagot ni Lorna, “Hindi naman. Professional, walang personalan, trabaho talaga.

“Ang isipin na lang nila, pag senior star ka, na ang unang-una niyan, yung pagmamahal mo sa craft.

“Yung papaano ka magiging truthful sa profession mo—dun sa trabaho, hindi sa personal.”

Wala raw ilangan na naganap sa pagitan nila ni Dingdong.

“Siyempre, yung mga ganyan, hindi mo naman mararamdaman pag andiyan na yung trabaho.

“Hindi naman ‘yan landian talaga, e.

“Kung landian ‘yan, mararamdaman mo. E, hindi naman jundian ito, di ba?” sabi ng biyudang aktres.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Lorna sa presscon ng Pahiram Ng Sandali, noong November 20, sa Cocoon Boutique Hotel sa Timog Avenue, Quezon City.



KISSING SCENE. Kaabang-abang ang kissing scene nina Lorna at Dingdong sa isang eksena ng Pahiram Ng Sandali. Obserbasyon ng ilan, very passionate at mukha raw itong totoo.

Pero sabi ng aktres, “Ang daming tao dun, ‘no!

"At, dyusko naman, ang kamera, lahat andiyan so talagang… lasing pa ako kunwari nun di ba, so wala, wala.”

Inamin ni Lorna na ninerbiyos siya habang kinukunan ang eksenang halikan nila ni Dingdong sa tabing-dagat.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ninerbiyos ako, pero I make use of my nervousness, ginagamit ko yun para maging mas mahusay.

“Kailangan meron akong konti nun, e, para maging mahusay yung performance mo.

“Maibubuwelta mo doon yung tensiyon mo.

“Mabubuwelta mo nang maayos at maganda.. parang workshop lang.”

Dati ba ay bawal siyang makipag-kissing scene?

“Hindi naman… there was a time, nung bata pa yung mga bata [her two sons], talagang hindi ko…

“Siyempre, tatanungin ka, ‘Ma, ba’t ganun?’ Di ba?

“So, ayoko. Nung time na yun, sinabi ko, ‘Huwag na.’

“Pero nung wala na si Rudy at malalaki na naman ang mga anak ko, oo naman.

“Parang limited na limited ka naman kung… di ba?

“Gusto ko naman ma-explore din yung habang kaya ko pa, ma-explore din yung ibang roles na pupuwede.”

Si Rudy Fernandez ang yumaong asawa ni Lorna.

Kumusta namang katrabaho si Dingdong?

“Tama yung sinabi ni Daboy [palayaw ni Rudy] sa akin, kasi nagkasama sila sa Atlantika at all praises siya kay Dong nung time na yun.

“And nung time… nung maysakit si Rudy, pumapasyal si Dingdong sa bahay.

“Kaya talagang may ano kami, may bonding kami na alam mo yung respeto na sa… hindi lang sa pagkatao, pati sa propesyon,” saad ni Lorna.



BACK TO KAPUSO. Paano nakumbinsi si LT na magbalik sa GMA-7?

“Si Nay Lolit [Solis, LT’s manager] ang nagdesisyon.

“Kasi sinabi nga niya, maganda yung offer ng GMA.

“And then, nagpaalam naman kami sa TV5 at umokey naman sila.

“Kasi nga, limited sila sa teleserye, e, which is understandable na mapagbigay naman sila.

“Alangan namang itali ka nila tapos wala naman silang mabibigay sa iyo. Pangit din, di ba, for them?

“So, pumayag naman sila.

“Ayun, kumbaga, pag stable na sila na…” na ang ibig tukuyin ni Lorna ay malaki ang posibilidad na magtrabaho siyang muli sa Kapatid network.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Natapos naman ni LT ang one-year exclusive contract niya sa TV5. Ngayong nasa Kapuso network ulit siya ay may ekslusibo siyang kontrata.

Nag-counter offer ba ang Singko?

Sagot ni Lorna, “Hindi nga sila maka-counter offer kaya pumayag sila right away.

“Na kahit hindi pa ako tapos ng Artista Academy at ng Third Eye, pumayag na sila dahil meron nang ano nitong Pahiram Ng Sandali… may briefing na, nag-storycon na.

“Habang nandodoon ako sa kanila, nakipag-usap ng mga deals dito.

“Pero bago kami talaga nagpaalam, sinabi lang nila na tapusin kasi parang extension na rin yun, e.

“Kasi September talaga yung ano ko sa kanila, pero umabot pa ng October.”

Sang-ayon ba si LT sa opinyon ng iba na hindi diumano na-maximize ang pagiging aktres niya sa TV5?

“Hindi naman. Nakagawa naman ako ng… maganda rin naman ang Glamorosa, maganda rin naman ang Third Eye, Artista Academy.

“Okay naman sa akin yung mga nagawa ko sa kanila.

“Happy naman ako, wala namang… hindi naman ako nabakante. Kumbaga, nagamit din naman nila.

“Kaya lang, naging limited nga lang. Kasi yung talagang dapat sana teleserye na sunud-sunod yung maibibigay nila, hindi nga naging ganun.”



MTRCB POST. Inalok pala si Lorna noon ni dating MTRCB Chairman Mary Grace Poe-Llamanzares ng puwesto sa naturang ahensiya ng gobyerno.

“Oo nga! Maraming-maraming salamat, that’s so sweet of her.

“Kasi kababata ko ‘yan, FPJ baby talaga ako.

“And siyempre, siguro naano din niya na nanggaling ako sa MTRCB [Movie and Television Review and Classification Board].

“Matagal na niya akong nire-request nung time pa lang na…

“Kasi naupo siya, Minsan Lang Kitang Iibigin ang ginagawa ko, so nagkikita kami sa mga parties.

"And sabi nga niya, mag-board [member] ako ulit,” kuwento ni LT.

Board member si LT ng MTRCB noong panahon ni Armida Siguion-Reyna.

Pero tinanggihan ni LT ang alok ni Grace.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Paliwanag niya, “Kasi nagtatrabaho ako.

“Kasi yung time mo, kailangan naman nakaka-concentrate ka rin kung saan man yung papasukin mo, di ba?

“So, happy ako, honored ako na napili niya ako.

“Pero nakakontrata ako sa GMA ng dalawang taon, 180 working days so, hindi ba, mahihirapan? Hindi ko kakayanin.

“Kung bibigyan o maatasan ka ng ganyang kalaking responsibilidad, kailangang meron kang isang iiwanan—which is hindi ko maiiwan naman ngayon dahil nga kaka-sign ko lang ng kontrata.”



NO TO POLITICS. Kahit nga raw nung may nag-offer na tumakbo siya sa pulitika ay tumanggi si LT, pero for a different reason.

“Meron na rin! Councilor sa QC, two years ago kay Tates, si Tates.”

Si Tates Gana ang live-in partner ni Quezon City Mayor Herbert Bautista.

Saad pa ng aktres, “Yung naramdaman ni Rudy na sakit nung time na tumakbo siya, hindi magandang ano sa akin.

“Yung memory na iniwan sa akin, hindi maganda kaya…

“Yung pain na yun, na pag tuwing babalikan ko, nararamdaman ko pa rin.”

Tumakbo si Rudy bilang mayor ng Quezon City noong 2001 elections ngunit natalo.

Kaya kahit kailan ay hindi siya papasok sa pulitika?

“Hindi… ayokong ano… siyempre ang hirap magsabi ng hindi, di ba?

“Pero sana huwag naman dumating yung panahon na yun.

“Ayoko, kasi ang hirap ng pulitika, mahirap.

“Yung frustration tsaka yung pain, yung hurt na naramdaman ni Rudy, na yung mga taong akala niya kasama niya at kakampi niya at kasangga niya nung time na yun, hindi naman pala.

“Pag buwelta ng ano, yung botohan na at sulatan na, nawala na! Hindi mo na malaman kung saan.

“So, naramdaman ko yung ano niya, yung sakit.”

Hanggang pagsuporta na lang daw si LT sa ibang kakandidato.

“Yeah, oo, siyempre. Lahat ng mga alam kong talagang nagsisilbi, na totoo sa gobyerno natin,” sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN