Marian Rivera sweeps Party Pilipinas’ Most Liked Awards

Kuntento si Marian Rivera sa mga nangyayari sa buhay niya ngayon. Pahayag ng Kapuso Primetime Queen, "Masaya ako sa buhay ko ngayon—mapa-career man, mapa-lovelife, mapa-family. Ang saya, e. Ang saya-saya lang. Power of prayers talaga.”


Humakot ng awards si Marian Rivera at ang kasintahan nitong si Dingdong Dantes sa Most Liked Awards ng Party Pilipinas noong Linggo, November 18.

Si Marian ay nanalo bilang Most Liked Kapuso Artist, Most Liked Drama Actress, at Most Liked Performance.

Ang tambalan naman nina Dingdong at Marian—o mas kilala sa bansag na DongYan—ang nagwaging Most Liked Loveteam at Most Liked Kilig Moment.

Si Dingdong naman ang itinanghal na Most Liked Drama Actor.

Ang mga nanalo sa bawat kategorya ay base sa dami ng mga boto sa Facebook at text, kaya naman kinariri talaga ng mga fans nila ang pagboto.

DONGYANATICS. Pagkatapos ng Party Pilipinas ay nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Marian.

Ano ang pakiramdam na humakot sila ng awards ni Dingdong?

“Kaya nga nagpapasalamat ako sa mga fans na walang sawa sa pagboto. Talagang nag-aaksaya sila ng panahon para makaboto, alam mo yun?

“Nakakataba ng puso na yung mga taong nagmamahal sa amin ni Dingdong e talagang patuloy pa rin sa pagsuporta sa amin—mapa-loveteam man ‘yan, mapa-Dingdong, mapa-Marian.

“So, thank you sa lahat ng mga bumoto.”

Dagdag pa ng Kapuso actress, “Iba talaga ang mga DongYans! Sobra talaga sila sa pagmamahal sa amin.

“Salamat sa kanila. Salamat sa pagmamahal.

“At dahil sa walang-sawang suporta nila, lalo mong nararamdaman kung gaano ka talaga kaimportante sa kanila.”

Sayang nga lang daw at wala si Dingdong noong Linggo sa Party Pilipinas.

Paliwanag ni Marian, “Si Dong kasi ano, e… nagte-taping siya ng soap niya [Pahiram Ng Sandali].

“Alam naman natin na ieere na sila sa November 26. So, medyo gahol sila sa oras.

“Pero sabi niya sa akin, ‘Ikaw na lang ang mag-thank you para sa akin.’”

POWER OF PRAYERS. Tila mas lalong nagbu-bloom ngayon si Marian. Napaka-refreshing ng kanyang aura at talaga namang makikita sa mukha niya na masaya siya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Halos lahat na nga ay nasa kanya—magandang career, masayang lovelife, at kumportableng buhay.

May mahihiling pa ba siya kapag ganitong tila kumpleto na lahat ang mga pinapangarap at gusto niya sa buhay?

“E… gano’n talaga ang nagagawa ng prayers!” nangiting reaksiyon ni Marian.

“At saka kapag masaya ka, talagang wala nang kapantay iyon... oo.”

Samantala, marami pa rin ang nakaantabay kung kailan nga ba magpapakasal sina Marian at Dingdong.

“Paulit-ulit na lang ‘yong tanong na ‘yan!” natawang reaksiyon ni Marian nang usisain muli tungkol dito.

“Panoorin n’yo na lang sina Angeline at Marcel,” sunod niyang nasabi, na ang tinutukoy ay ang character nila ni Dennis Trillo bilang mag-asawa sa Temptation of Wife.


WEAKLING. Tungkol naman sa role ni Marian bilang Angeline sa Temptation of Wife, sinasabing kakaiba ito kumpara sa mga papel na nagampanan niya in the past.

Masyado kasing weak ang character niyang ito, na kayang tiisin lahat ng pang-aapi, panloloko at pagtataksil ng asawa, to the point na kayang magbulag-bulagan at magpakatanga.

Sabi naman ni Marian, “Oo nga, e. Ay, hintayin nila! Malapit nang maiba ang drama ko dahil maghihiganti na ako sa kanila!”

Ang tinutukoy ng aktres ay ang pagbabagong-anyo ng karakter niya upang paghigantian ang mga karakter naman nina Dennis Trillo (bilang Marcel) at Glaiza de Castro (bilang Heidi).

Tila exact opposite daw ang role niya sa Temptation of Wife kung ano si Marian sa totoong buhay.

Tingin ng marami ay palaban at matapang si Marian.

Pero paglilinaw ng aktres, “A… siguro hindi ko gagamitin yung palaban na term.

“Kasi siguro, mas pipiliin ko… alam ko kung nasaan ako, sa lugar ko.

“Ngayon, wala naman sigurong masama na mag-react lalo na kung tama ka.

“Pero huwag yung term na palaban.”

Sa mga kahinaan ng character ni Angeline, ano ang talagang hindi niya ma-imagine na mapasakanya in real life?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Buong Angeline—mahirap siya, e, mabigat yung character.

“Iyakin siya at matiisin talaga siya.

“Lalo na harap-harapan na siyang niloloko, okey pa rin. As long as love niya si Marcel.”

Pero siya ba, sa totoong buhay, pupuwedeng kayanin kung lokohin siya ng taong minamahal niya?

“Ay, hindi! Wala naman sigurong taong gustong lokohin ng partner niya, hindi ba?”

Pero may ibang handang magtiis at magpa-kamartir alang-alang sa pag-ibig, di ba?

“Sila ‘yon!” sabay halakhak ni Marian. “Sila ‘yon.

“At saka ano… masaya ako sa buhay ko ngayon—mapa-career man, mapa-lovelife, mapa-family.

“Ang saya, e. Ang saya-saya lang. Power of prayers talaga.”

WORKING WITH RICHARD. Bukod sa Temptation of Wife, nakatakda ring gumawa ng pelikula si Marian katambal ang co-host niya sa Extra Challenge na si Richard Gutierrrez.

Saad ng Kapuso Primetime Queen, “Sana makaabot ng Valentine’s Day next year yung showing nito.

“Pero hindi pa kami nagsisimula, dahil yung schedule ko sa Temptation, medyo naghahabol din kami, e.

“Pero sana, makapag-shoot na kami soon.

“Excited na kasi ako to do a movie again with Richard. Tentative title nito, My Lady Boss.

“Matagal din kaming hindi nagkatrabaho ni Richard. Hanggang heto, nagkasama kami sa pagbabalik ng Extra Challenge.

“So, nagkaroon ulit kami ng bonding.

“At ang maganda niyan, kasi may bonding kami sa Extra Challenge, tapos magmu-movie kami.

“Hindi na mahirap mag-adjust for us na magka-partner ulit kami sa pelikula.

“At saka magaang katrabaho kasi si Chard, e.”

Unang nagkatrabaho sina Marian at Richard sa pelikulang My Best Friend’s Girlfriend, na ipinalabas noong 2008.

Hindi rin biro ang ginagawa ni Marian bilang host ng Extra Challenge. Saan siya humuhugot ng energy para sa iba pa niyang commitments?

Sagot niya, “Naniniwala kasi ako na kapag gusto mo ang ginagawa mo at nag-e-enjoy ka, walang pagud-pagod.

“Kahit magalus-galusan ka pa diyan, okey lang ‘yan.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



CHRISTMAS BREAK. May initial plans na ba siya sa parating na Kapaskuhan?

Sabi ni Marian, “This Christmas, parang mag-o-overlap kami ng taping ng Temptation. Tapos may Extra Challenge pa ako.

“Parang ang bakasyon ko lang yata, December 23, 24, 25.

“Sa 26, back to work na ako. Kahit sa December 30, may taping pa rin ako.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN