PEP EXCLUSIVE: Artista Academy winners Vin Abrenica and Sophie Albert to star in a teleserye with Superstar Nora Aunor

Isang teleserye na pagbibidahan nila ang unang malaking proyekto nina Vin Abrenica at Sophie Albert pagkatapos nilang manalo sa Artista Academy. Ang titulo nito ay Never Say Goodbye kunsaan makakasama nila ang Superstar na si Nora Aunor.


Eksklusibong nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang Artista Academy Best Actor at Best Actress na sina Vin Abrenica at Sophie Albert, sa UCC café-restaurant sa Podium Mall sa Ortigas, kahapon, Nobyembre 20.

Masayang ibinalita nina Vin at Sophie na magkakaroon na sila ng teleserye sa TV5 na pagbibidahan nila.

Una nga nila itong ipinaalam sa PEP.

Rebelasyon ni Sophie, “Yes, magkakaroon na kami ng teleserye, kaming dalawa ni Vin. It’s called Never Say Goodbye.”

Excited na dagdag ni Vin, “Makakasama po namin dito si Ms. Nora Aunor. Kaya nagpapasalamat po kami sa TV5 sa pagbibigay sa amin ng proyektong ito.”

Hindi pa raw sila nagkakaroon ng story conference dahil kamakailan lang daw nila ito nalaman.

Kaya hindi pa rin sila makapagkuwento tungkol sa kanilang magiging roles gayundin sa iba pang detalye.

Ang sigurado nga lang daw nilang makakasama ay ang Superstar at ididirek daw ito ni Mac Alejandre.

Basta masaya raw sila ngayon dahil unti-unti nang natutupad ang mga pangarap nila.

WORKING WITH THE SUPERSTAR. Ano ang nararamdaman nila na isang Superstar ang kaagad nilang makakasama sa teleserye sa first big project nila?

Sabi ni Sophie, “Parang hindi pa rin ako makapaniwala.

“Kasi lagi kong sinasabi na kung may gusto akong makatrabaho, sinasabi ko lagi si Ate Guy.

“Tapos ngayon, mangyayari na iyon, so parang I won’t believe it until I’m there in front of her siguro.”

Si Vin naman ay nakasama nang umarte ang Superstar sa isang acting challenge nila sa Artista Academy.

Aniya, “Ako, excited ako kasi nakasama ko na si Ate Guy dati.

“Nadala talaga ako doon sa eksena na yun na si Ms. Nora ang nakasama ko.

“So, ngayon, mas madadala ako kasi buong project na ito, isang teleserye na talaga.

“Sobrang excited ako lalo na nabalitaan ko magte-taping kami sa Benguet at saka sa Baguio.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



FOREVER BARKADA. Bukod sa Never Say Goodbye, nakalinya rin nilang gawin ang youth-oriented show na FB (Forever Barkada) kung saan makakasama nila ang lahat ng co-finalists nila sa Artista Academy.

By next year na raw nila ito sisimulan.

Pahayag ni Sophie, “Kaya nga po maganda ang pasok ng 2013, hindi lang para sa amin ni Vin, kundi pati sa mga co-finalists namin sa AA.

“Kasi nga, hindi lang kami ni Vin ang magkakaroon ng show, hindi lang yung Final 6, kundi lahat ng Top 14 students.”

Puwede na ba nilang sabihin na magkakabarkada na talaga silang lahat ngayon at wala nang kumpetisyon?

Sagot ni Vin, “Opo naman, magkakaibigan naman po talaga kami kahit noong nasa AA pa po kami.

“Kung meron mang kumpetisyon, doon lang po sa AA yun.

“Pero pagkatapos ng Grand Awards Night, magkakaibigan pa rin po kami.”

Sa tingin nga raw nila ay mas lalo silang magiging close sa isa’t isa kapag nagsimula na silang mag-taping para sa FB.



LIFE CHANGES. Inusisa rin ng PEP sina Vin at Sophie kung ano na ang mga pagbabago sa kanilang buhay matapos nilang manalo sa Artista Academy.

Pagbabahagi ni Sophie, “Okay naman po. Parang nakakagulat lang yung mga pagbabago kasi araw-araw may ginagawa na kami.

“Napapanood kami sa Game ‘N Go, Lokomoko, tapos recently nag-tape din kami for Pidol’s Wonderland.

“Kung saan-saan na kami napupunta para sa TV5 events at mall shows.

“Nakarating na ako ng Cebu. Tapos this week, pupunta naman kami sa Cagayan de Oro.

“Pagdating naman sa personal life po, well, noong Artista Academy pa lang, hindi ko na nakakasama yung family ko dahil nga sa schedule.

“So, ganun pa din, hindi ko pa rin sila masyadong nakikita.

“So, yun siguro yung pinakamahirap na pagbabago kasi sobrang close ako sa family ko.

“Nahihirapan ako na hindi ko sila nakikita dahil sa schedules. Pero nakaka-text ko naman sila.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi naman ni Vin, “Bukod doon sa mga sinabi ni Sophie na mga shows at mga napuntahan namin, ang mga nabago sa buhay ko… ako, mas nagkaroon ako ng time para sa family ko.

“So, magkaiba kami ni Sophie.

“Kasi dati, every day talaga ako nag-school tapos rehearsals.

“Ngayon naman, nakakapag-stay ako sa bahay.

“Actually, medyo mas maluwag ng konti [ang schedule] ngayon kaysa dati nung nasa Artista Academy pa kami.

“Maganda yung nakakausap ko na yung family ko.

“Bago sa akin yung kumpleto na kami. Nakaka-bonding ko na sina Kuya [Aljur Abrenica].

“Tapos masaya ako na ito yung pinili ko para sa buhay ko. Mas pinili kong maging artista kaysa i-pursue yung natapos kong culinary.

“Naisip ko kasi na puwede ko namang gawin yun kahit na artista na ako, e. Pero mas gusto ko munang mag-concentrate sa showbiz ngayon.”

VICTORY PARTY. Kamakailan ay nagkaroon ng joint victory party sina Vin at Sophie, na ginanap pa sa Cojuangco Residences sa Dasmariñas Village sa Makati.

Dinaluhan ito ng mga pamilya at kaibigan nila kasama na ang mga co-finalist nila sa Artista Academy.

Kuwento ni Sophie, “Sa family house yun ng mga Cojuangco.

“Yun, nag-Mass lang kami tapos kumain then party-party.

“Super small get-together lang siya, as in yung immediate family at saka yung mga naging ka-close namin sa AA.

“Ganun lang, small party lang.”

Bukod sa naturang victory party ay may plano rin silang outing kasama ang mga pamilya nila.

Ayon kay Vin, “Actually, isa po iyon sa mga plano namin ni Sophie na magsama po yung families naming dalawa sa isang outing. Maybe in Batangas po.”

Kailan naman nila balak i-treat ang kanilang Artista Academy co-finalists, tulad ng naipangako nila na kung sino man ang mananalo ay manlilibre?

“Hindi pa po namin nakukuha yung cash prize namin,” pag-amin ni Sophie.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama nga sa premyo nila ang tig-isang milyong piso.

Posible raw nila itong makuha sa Disyembre na tamang-tama para sa Kapaskuhan. Saka na lang daw sila magti-treat pag nakuha na nila ang pera nila.

STILL IN SCHOOL. Samantala, kahit tapos na ang Artista Academy ay tuluy-tuloy pa rin daw ang pag-aaral nila sa Asian Academy of Television Arts (AATA), na pinamumunuan ni Ms. Wilma Galvante.

Hanggang sa Disyembre pa raw ang kanilang klase kasama ang iba pang finalists ng AA.

Sabi ni Sophie, “Nagkikita pa rin po kaming lahat sa school. May school pa rin po kami hanggang December po.

“Advance acting na po kami ngayon.”

Dagdag ni Vin, “May mga bago rin po, like yung language proficiency.

“Tapos yung sa fashion and style, may voice acting, personality development, at iba pa.”

Ano ang pakiramdam na patuloy pa rin ang TV5 at AATA sa paghasa sa kanilang talento kahit tapos na ang contest?

Sagot ni Vin, “Ako, happy ako. Kasi opportunity rin ito so I can learn more.

“Ayoko kasi nung nag-aral nga kami sa AA—lalo na Best Actor at Best Actress kami—tapos wala na.

“Ako, gina-grab ko talaga yung opportunity.

“Gusto ko talagang matuto pa at gusto kong maging consistent na mapatunayan sa kanila yung pagiging Best Actor ko.

“Ayokong may masabi sila na nagpabaya ako.”

Ayon naman kay Sophie, “Sobrang blessed, siyempre, kasi yung sa ibang competitions o artista search, hindi naman sila pinapaaral.

“Kami kasi, may sinusunod talaga kaming curriculum at totoong school talaga siya.

“So, magkaka-certificate kami, ga-graduate kami.

“So, may maipagmamalaki kami na, ‘Nag-aral kami dito sa AATA.’

“Siyempre, ang suwerte ko kasi hindi lang siya parang workshop lang. Yung mga nagtuturo sa amin, magagaling at professionals talaga.”

Magandang training at paghahanda rin daw ito bago sila sumabak sa kanilang gagawing teleserye at iba pang acting projects.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN