Angelica Panganiban on MMFF Best Actress race against Nora Aunor: "Parang nakakahiya nga na nilaban pa kami. Sana wala na lang, di ba?"

Angelica Panganiban on spending Christmas with her family in the States this year: “Siyempre, ako masaya. Pero mas masaya sila kasi, feeling nila, ‘May tama siyang gagawin ngayong taong ito. Pamilya na ang pina-prioritize niya...’ Katangahan ang ginagawa ko dati.”


Isang career-driven woman ang role na ginagampanan ni Angelica Panganiban sa One More Try, ang official entry ng Star Cinema para sa 2012 Metro Manila Film Festival.

Masaya raw si Angelica sa kinalabasan ng kanilang pelikula.

“Ang ganda-ganda ng pelikula. Sobra talaga!

“At saka, kapag Star Cinema ang gumawa, alam mo mismo.

“At saka, kahit kami, nagugulat kami, yung trailer, parang hindi tayo yung nandoon.

“Sabi ni Direk Ruel [Bayani], ‘Parang hindi ako ang gumawa, naiiyak ako.’

“Sabi ko, ‘Ako rin, naiiyak ako na nakikita ko yung sarili ko dun. Ang ganda, papanoorin ko ‘yan.

“Ganoon ang naramdaman namin, what more pa yung iba?”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Angelica sa shooting ng One More Try sa Antipolo noong Biyernes, November 30.

Sabi ni Direk Ruel, ang aim nila ay mag-number one sa box-office ang kanilang pelikula. Ganito rin ba ang nasa isip ni Angelica?

“Oo naman. At saka, sobrang positive kami rito na talagang pagkakaguluhan ito ng mga tao.”

In what sense?

“Sa lahat,” nakangiti niyang tugon.

Sa hiwalay na interview ng PEP sa co-star ni Angelica na si Zanjoe Marudo ay sinabi nitong, pakiramdam niya, tumalino siya habang ginagawa ang One More Try.

Ano ang masasabi ni Angelica sa pahayag na ito ng aktor?

“Oo, actually, ang tagal ko nang hindi nagagamit ang utak ko. Pag-uwi ko, palagi akong pagod.

“Pero dito, parang school, palaging umaandar ang utak ko.”



HEAVY DRAMA. Matagal na raw ang huling heavy drama na ginawa ni Angelica.

“Yung I Love You Goodbye [2009] ang last na pinakaseryosong ginawa ko. Tapos Here Comes The Bride [2010] na sumunod.”

Na-miss niya ang ganitong genre?

“Hindi naman… hindi naman. Hindi naman na-miss.

“Nandiyan pa rin naman na kahit nagko-comedy ka.

“Mas malalim lang talaga ‘to. Mas mature lang talaga ang tina-tackle ng pelikulang ito.”

Dahil heavy drama nga ang One More Try, naitanong din ng PEP kay Angelica kung nakatulong ba sa pag-atake niya sa kanyang karakter ang mga pinagdaanan niya sa buhay ngayong taong ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Sabi niya, “Hindi, never naman akong kapag umarte, isinasama ang personal na nararamdaman ko sa trabaho.

“Parang mas hindi effective ang eksena kung sarili ko ang gagamitin ko at hindi ang character ko.”

SEXIEST MOVIE. Gaano naman ka-sexy ang love scene nila ni Dingdong Dantes, na gumaganap bilang asawa niya, sa pelikula?

“Sabi naman nila, hindi naman daw pinaputol noong pinapanood nila sa management.

“So, katanggap-tanggap naman siguro. Tolerable naman siguro,” sabi niya.

Paano siya na-convince, hindi ba siya nagdalawang-isip?

“Hindi. At saka, artista ka, e. Hindi puwedeng marami kang arte.

“Kung ano ang sabihin ng director, yun ang gagawin mo, di ba?”

Ito na ba ang sexiest na ginawa niya?

“Parang ito na nga,” sagot niya.


WORKING WITH DINGDONG & ANGEL. Pangalawang beses nang nakasama ni Angelica ang Kapuso actor na si Dingdong Dantes sa pelikula.

Una silang nagsama sa horror-suspense movie na Segunda Mano na entry rin sa MMFF noong isang taon.

Kumusta sila ngayon ni Dingdong, lalo na’t mas matagal at mas intimate ang mga eksena nila dito sa One More Try?

“Siyempre ngayon, hindi na ano…

“Kung sa Segunda Mano, nagtatantiyahan kami kung paano ba ang ugali niya sa trabaho, siyempre ngayon, mas alam mo na.

“Well, wala rin naman itong arte.

“So, magandang experience lang talaga ang naibibigay na nagkakaroon ka ng chance na makatrabaho ang mga taga-ibang network, di ba?”

Ito naman ang una nilang beses na nagkatrabaho ni Angel Locsin. Kumusta sila?

“Ano, totoo… totoo yung sinasabi nila na mabait. Maalaga sa mga katrabaho niya, mga kaeksena niya,” sabi ni Angelica tungkol sa kanyang co-star.

BEST ACTRESS RACE. Sinasabing parehong silang contenders ni Angel sa Best Actress race sa MMFF Awards Night dahil sa kanilang pagganap sa One More Try. Ano ang reaksiyon ni Angelica rito.

“Ano lang, parang sa ginawa namin talaga, masaya na kami sa naibigay namin.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Doon pa lang, panalo na kami,” sagot niya.

Ang sinasabing pinakamahigpit ng kalaban ng lahat sa pagka-Best Actress ay ang Superstar na si Nora Aunor para sa pelikulang Thy Womb, na umikot na sa iba’t ibang international film festivals.

Sabi ni Angelica, “E, makapantay mo lang naman ang pangalan ni Ate Guy sa isang category, kumbaga, nakakatuwa na talaga yun.

“Parang nakakahiya nga na nilaban pa kami. Sana wala na lang, di ba?

“‘And the nominees are…’ Wala pong nominees, si Ate Guy na lang.

“Para sa akin, given naman na kasi yun. Wala nang makakatalo kay Ate Guy.”

HIGH-PROFILE LOVELIFE. Kung titingnan, masaya at high-profile ang lovelife ng apat na lead stars ng One More Try.

Si Angelica kay John Lloyd Cruz, si Dingdong kay Marian Rivera, si Zanjoe kay Bea Alonzo, at si Angel kay Phil Younghusband.

Sabi ni Angelica tungkol dito, “Siyempre, maganda yung wala kang dalang problema kapag pumupunta ka ng trabaho. Malaking bagay yun.

“Malaking tulong yun na dumarating ka sa trabaho na magaan ang karga mo. Smile ka.

“Wala kang ibang iniisip kung hindi trabaho mo lang hindi yung problema ninyo.

“Pupunta ka sa set na ang gulo-gulo ng utak mo dahil meron kang gustong ayusing problema.”

Sabi ni Direk Ruel Bayani, ang peg daw niya kay Zanjoe ay si Richard Gomez. Si Dingdong Dantes daw si Aga Muhlach. Sila naman daw ni Angel ang Vilma Santos at Lorna Tolentino ng bagong henerasyon.

Ano ang reaksiyon ni Angelica rito?

Sagot niya, “Wala... siyempre, kung yun ang tingin ni Direk, nakakatuwa naman.

“Pero, iba naman ang naibigay nina Vilma at Lorna para masabing ganoon kami.”


NEW HOUSE. Paano niya ia-asses ang 2012?

Sagot ng Kapamilya actress, “Siyempre, ano siya, parang ngayon lang ako naka-experience ng ganito. Kakaibang experience.

“Parang this year ako nakabili ng sarili mong bahay.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Fully-paid na ba?

“Hindi pa naman, pero siyempre, iba yung umuuwi ka sa sarili mong bahay, di ba?”

Hindi niya ba sariling bahay yung nasa South?

“Sa akin nakapangalan, pero naghati kasi kami,” tugon ni Angelica, na ang tinutukoy ay ang ex-boyfriend niyang si Derek Ramsay.

Nakuha niya na ba ito?

“Hindi po.”

Kukunin niya ba?

“Inaayos pa po.”

Yung Mini Cooper na iniregalo sa kanya ni Derek, nasaan na?

“Ibinenta yata niya,” sagot ni Angelica.

Ayon pa sa aktres, masarap sa pakiramdam na ngayon ay siya ang nag-aayos ng lahat—galing sa mga paghihirap niya.

“Gusto ko yun, ang sarap ng feeling.

“Masarap magtrabaho na alam mong, ‘O, kaya ako nagpapakahirap na ganito kasi ito ang pinundar ko.’ Di ba?”

May gusto pa ba siyang ipundar?

“Siyempre, gusto kong makapagtayo ng business, di ba?”

Anong business?

“Bahala na po ang pamilya ko para may income sila at dito na lang sila at hindi na pupunta ng Amerika.”

CHRISTMAS PLAN. Ngayong Pasko, may nakaplano nang gagawin si Angelica kasama ang pamilya niya.

Umpisa pa lang daw ay pumirma na si Angelica ng waiver na hindi siya makakasama sa Parade of Stars ng MMFF.

Sabi niya, “Nakabakasyon ho ako.

“Bago ko pa tanggapin [ang One More Try], sinabi ko na wala ako sa parade. May pinirmahan naman akong waiver.

“Unang beses ko ho na makakasama ang pamilya ko.

“Nasa Amerika sila. And for five years, hindi ako sa kanila nagpa-Pasko.

“Siyempre, ako masaya. Pero mas masaya sila kasi, feeling nila, ‘May tama siyang gagawin ngayong taong ito. Pamilya na ang pina-prioritize niya.’”

Dati ba, hindi tama?

“Katangahan ang ginagawa ko dati,” nakakaintrigang tugon niya.

Hanggang January 4 sa susunod na taon na raw ang magiging bakasyon niya.

Hindi pa masabi ni Angelica kung magkasama sila ni John Lloyd dahil tulad niya, pamilya rin daw ang priority ng kasintahan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ano ang gusto niyang matanggap na regalo ngayong Pasko?

“Wala akong gustong matanggap,” tugon niya.

Yung hindi materyal na regalo?

“Siyempre, gusto naming tangkilikin ang pelikula [One More Try], mag-number one.

“Anim na buwan namin itong pinaghirapan. Buwis-buhay po naming tinatapos ang pelikula.”

FAMOUS LINE. Isa sa tumatak na linya sa trailer ng One More Try ay ang sinabi ni Angelica na: "Ang pera natin, hindi nauubos. Pero ang pasensiya ko, konti na lang."

Sa totoong buhay ba, konti na lang din ang pasensiya niya?

“Siguro dapat panoorin ninyo kung paano naubos. Gaano ba karami yung pasensiya.”

So, hindi basta-basta nauubos ang pasensiya mo, hindi ka basta-basta nagpi-flare up?

“Six years bago naubos,” sagot ni Angelica.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN