Your favorite celebrities’ most loved Christmas dishes

Ibinahagi ng ilan sa ating paboritong artista ang mga paborito nilang handa tuwing Noche Buena.


Pilipinas ang isa sa mga bansang nagdiriwang ng mahabang pasko. Pagsapit pa lang ng “BER” months ay kanya-kanya nang paghahanda ang ginagawa ng mga Pilipino.

Ilan dito ang pagbili ang iba’t ibang palamuti para sa tahanan. Habang palapit nang palapit ang pinaghahandaang Kapaskuhan, mas nagiging abala ang mga tao.

Kaliwa’t kanang parties ang dinadaluhan at samu’t saring kainan ang pinupuntahan ng bawat isa. Lahat ng ihain ay espesyal at masarap.

Kaya naman nang magkaroon ng pagkakataon ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) na kausapin ang ilan sa mga Star Magic talents ay tinanong namin kung anu-ano ang mga paborito nilang handa tuwing Kapaskuhan.

CELEBS’ CRAVINGS. Ang pinakagusto ng laking-Amerika na si Gerald Anderson ay hamon tuwing Noche Buena.

Kuwento ni Gerald, “Steak kasi ang kinakain namin noon, e. Dati kasi nung sa States kami nagpapasko, laging may Turkey at Steak. Dito naman hamon.”

Gaya ni Gerald, ang Paraiso star Jessy Mendiola ang agad sumagot sa tanong— hamon.

Habang ang Filipino-Spanish na si Jake Cuenca ay nanatiling paborito ang kanilang signature dish na paella.

At gusto naman ng singer na si Erik Santos ang hindi masyadong Filipino na turkey.

Ang host naman na si Robi Domingo ay maraming gusto tuwing Noche Buena, aniya ito raw ang panahon upang pagbigyan ang mga cravings niya.

Mabilis niyang sagot sa tanong kung ano ang paborito niyang pagkain tuwing Noche Buena:

“Hamonado, quezo de bola, tsokolate with monay. Pag meron no’n sa hapag-kainan feeling mo Pasko na, e.

“Hindi naman kasi everyday may ganoon, e. Pag Pasko you really have to prepare what you crave for. Basta kaming pamilya ganun, nakagawian na kasi namin ‘yon.”

CHEFS’ SIGNATURE DISHES. Kung ang mga paborito nating artista ay mahilig kumain, dumako naman tayo sa mga mahilig magluto.

Nagkaroon rin ng pagkakataong makausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang lima sa top 14 finalists ng MasterChef Pinoy Edition na sina Betty Bais, Gian Espadera, Cons Osorio, Reggie Apolinario at JR Royol.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


Tinanong naming sila kung ano ang magbabago ngayon sa mga lutuin nila at ano ang ihahanda nila para sa mga pamilya nila.

Kuwento ni Betty Bais, “Ako ano, this coming Christmas hindi naman kasi ako nagsi-celebrate ng Christmas sa family ko. Dun ako sa amo ko.

“Pinaghahanda ko sila, pero sa family ko hindi ko pa sila nakakasama ng madalas, pag Christmas yung mga amo ko kasama ko.

“Pag Christmas Eve naghahanap ako ng ham. Ako yung gumagawa ng ham.

“Lagi po nilang sinasabi na masarap, depende po e, kasi sila yung namimili ng menu, tapos ibibigay lang nila sa ’kin.

“Sasabihin nila ‘O, eto yung ihanda mo kasi darating si ganito.’”

“Yung ginagawa kong chicken rilyeno at saka yung chicken pie at yung pork asado na Chinese style, mga vegetables salad, ganun,” sabi ni Betty.

Para sa pinakabatang finalist naman na si Gian Espadera, ang paborito niyang ihanda’t lutuin tuwing Pasko ay lechon de leche at spaghetti.

Aniya, “Yung usual po na niluluto ko, e yung lechon de leche, pero ako lang po yung nagtitimpla, sila yung nag-iihaw, atsaka yung simpleng spaghetti ko po. Pag sa mga friends naman, yung arroz caldo ko.”

Habang si Cons Osorio naman ay excited para sa darating na Pasko.

“Looking forward po ako talaga this Christmas. We’re planning to set up a mini-buffet na may dessert bar. Inaasar nila ako na ‘Oy ha! Ilabas mo nga yang natutunan mo sa MasterChef.’”

Madalas na pinagluluto ni Cons ang mga pamangkin niya. Sila rin ang naghikayat kay Cons na sumali sa MasterChef at naging inspirasyon niya para magluto.

“Mga pamankin ko, gusto nila pasta. Red and white sauce na pasta. Gustung-gusto nila yun talaga. Pati roasted chicken. Pero menudo talaga, kasi signature dish yun ni Mama talaga.”

Ano nga ba ang kakaiba sa menudo ng nanay ni Cons?

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Si Mama kasi wala siyang hotdogs, potato, pero iba’t ibang klaseng meat, may olives, chorizo, iba siya.”

“Actually gagayahin ko yun, papahulaan ko sa mga pamangkin ko or titingnan ko kung malalaman nila na hindi si Mama yung nagluto.”

Kuwento pa lang ay nakakabusog na. Ngunit ano naman ang ibabahaging dish ni Reggie Apolinario, na kilala sa malaro niyang pag-iisip sa pagluluto.

“Tuwing Pasko, lagi akong nagluluto ng bago. Mahilig ako maglaro sa pagkain.

“Yung pamilya kasi namin mahilig sa pagkain pero ang kadalasan nilang nire-request sa akin yung hamon señor, tom yam at kaldereta ko.”

Naikuwento pa niya na ang kaldereta niya, ang putahe na pag inihanda niya ay siguradong taob ang mga kaldero.

“Yung kaldereta po talaga yung gusto nila kahit araw-araw puwede nila yung kainin.”

At hindi naman papatalo si RJ Royol na ang kanyang nanay ang inspirasyon para sa lulutuin na pagkain ngayong Pasko.

Ang kadalasan daw niyang inihahanda ay ang biko at spaghetti, pero mukhang kailangan niya itong baguhin dahil nag-e-expect ng mas bonggang pagkain ang kanyang pamilya.

“Pressure kasi ‘tong MasterChef, e kasi nag-e-expect sila ng mas bongga,” pabirong sabi ni RJ.

Pero pinapangako niya na may iba namang matitikman ang kanyang pamilya sa Noche Buena.

“Pero this Christmas, definitely something new. Pero ang laging nire-request sa akin yung kaldereta and dinakdakan [Northern dish], parang sisig namin pero hindi siya sizzling version,” pagtatapos ni JR.

Talaga namang kahit anong okasyon na may salu-salo ay hinding-hindi malilimutan.

Ang mahalagang pagdiriwang na ito ay magiging mas lalong makabuluhan sa mga pagkain na ating ihahain para sa mga mahal sa buhay.

Nawa’y mabusog tayong lahat ngayon Pasko!


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN