Nora Aunor describes MMFF best actress nominee Angel Locsin as "magaling"; in case the latter won, Ate Guy says, “Tatayo ako at papalakpak..."

Hindi na mabilang ang mga karangalang natanggap ni Nora Aunor sa larangan ng pag-arte. Aniya: “Bilang artista, nakaka-miss din yung makatanggap ka ng award, lalo na ngayon! Sinasabi ko nga, hindi ako titigil gumawa ng pelikulang makabuluhan at kapupulutan ng aral ng mga tao... Basta, masaya ako!”


Bago itinanghal na Best Actress ng 2012 Metro Manila Film Festival si Nora Aunor para sa Thy Womb, may usap-usapang isa sa mahigpit niyang makakalaban ay si Angel Locsin, na kasama sa main cast ng One More Try.

Dumalo si Nora sa Gabi ng Parangal ng 38th Metro Manila Film Festival noong December 27, sa Meralco Theater, Pasig City.

Pasado alas otso na ng gabi nang dumating ito kasama ang kanyang personal manager na si Boy Palma, ang kaibigang aktres na si Glenda Kennedy, at personal assistant na si Albert Sunga.

Ayon kay Boy Palma, binanggit niya kay Ate Guy ang tungkol sa “unofficial result” na si Angel Locsin nga raw ang nanalo.

Hindi pa man tiyak nung mga sandaling iyon ang resulta ay nagpahayag na ng paghanga kay Angel ang Superstar.

Sabi niya, “Tatayo ako at papalakpak... Mahal ko yun, e. Magaling siya.”


THY WOMB PULLOUT. Matapos tanghaling best actress, nakausap muli ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang taga-media si Ate Guy.

Kasalukuyang pinag-uusapan ang pagpu-pull-out ng Thy Womb sa mga sinehan dahil mahina raw ito sa takilya nung unang araw ng MMFF.

Ani Ate Guy, “Hayaan mo na sila. Nasa taong manonood yun, kung ano ang papanoorin nila.

“Basta ako, bilang artista, nagawa ko yun at nasa manonood na yun kung gusto nilang panoorin o hindi.

“Pero dapat nilang panoorin talaga ang pelikula. O, hindi lang yung sa amin, kundi lahat ng pelikulang kasali sa festival."

Kasama si Ate Guy, in a special role as Maria Agoncillo, sa El Presidente: The Emilio Aguinaldo Story and the First Philippine Republic.

Dugtong ng Superstar, “Basta ako, nakagawa ako ng dalawang magandang pelikula."

Bukod sa kanyang Best Actress award, nanalo rin si Brillante Mendoza bilang direktor at production designer ng Thy Womb.

Napili rin ang Thy Womb as Most Gender Sensitive Film, best cinematography (Odyssey Flores), story (Henry Burgos), at Gatpuno Antonio J. Villegas Memorial Award, para sa pelikulang nagsasalarawan ng kasarinlan ng lahing Pilipino.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kanino inihahandog ni Nora Aunor ang ikawalong pagwawagi niya bilang Best Actress ng taunang Metro Manila Film Festival?

“Sa mga fans na hanggang ngayon ay patuloy na sumusuporta,” sambit niya.

Samantala, naglabas ng statement si Direk Tikoy Aguiluz at nag-apela na huwag i-pull-out ang pelikula.

Sa kanyang acceptance speech, bilang Best Director, binanggit din ito ni Brillante Mendoza.

Diin ng direktor, “Palabas pa po hanggang ngayon ang pelikula namin. Huwag sana kaming ma-pull-out!”


BLOCK SCREENINGS. Nag-organisa rin ng block screenings ang mga masugid na fan clubs ni Nora Aunor. Ginanap ang mga ito noong December 26, sa Trinoma Cinema 6, at December 27, sa Gateway Cinema.

Todo suporta ang Noranians Worldwide (NOW), Nora’s Friends Forever (NFF), at GANAP (Grand Alliance for Nora Aunor, Philippines).

Kapwa dinaluhan nina Nora at Direk Brillante ang screening sa Trinoma.

Nang sumunod na araw, sina Direk Brillante, mga inimbitang critics, mga grupo mula academe, at ilang miyembro ng movie press ang sama-samang nanood ng Thy Womb sa Gateway Cinema.


OVERWHELMED. Kung gaano naging kasigla at tension-filled ang MMFF 2012 awards proceedings sa Meralco Theater, ay ganoon din mababakas ang kasiglahan at kasiyahan sa damdamin ni Ate Guy.

Pahayag ni Nora, na nanalo rin sa MMFF noong 1995 para sa Muling Umawit Ang Puso, “Bilang artista, nakaka-miss din yung makatanggap ka ng award, lalo na ngayon!

“Sinasabi ko nga, hindi ako titigil gumawa ng pelikulang makabuluhan at kapupulutan ng aral ng mga tao... Basta, masaya ako!”

Para sa Thy Womb ay nauna nang naparangalan sina Nora Aunor at direktor Brillante Mendoza sa 69th Venice International Film Festival noong Setyembre, 2012.

Kailangan pa ba ng isang Nora Aunor ang acting award?

“Ah, bilang artista, hindi mo maiaalis yun,” katwiran ni Ate Guy.

“Kaya ka nga gumagawa ng magandang pelikula ay dahil nakakatuwa rin yung ma-recognize ka ng mga board of judges, ng mga award-giving bodies.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ATE GUY UPDATES. Naimbita ng grupo ng Thy Womb ang PEP sa dinner, matapos ang awarding rites, sa isang restaurant sa The Podium, Ortigas Avenue.

Sa informal interview kay Ate Guy ay binanggit niya ang iba pa niyang nakatakdang gawin sa pagsisimula ng taong 2013.

Pupunta raw ito sa U.S. upang magpa-renew ng kanyang green card at magpa-opera ng lalamunan.

“Tuloy po ako, dahil kailangang matupad yung pangako ko na magku-concert ako.

“Talagang kakarerin ko na yun, hindi puwedeng hindi,” sabi uli ni Ate Guy.

Ano ang immediate movie project ni Ate Guy after Thy Womb?

“Wala pa sa ngayon... Kasalukuyan kong ginagawa yung Never Say Goodbye,” tugon ni Ate Guy.

Dalawang taping days na ang natapos ni Nora at ng mga kasamang sina Gardo Versoza, Vin Abrenica, Sophie Albert, at Edgar Allan Guzman para sa teleserye.

Hindi pa raw nagte-taping sina Alice Dixson and Cesar Montano.

Sa hiwalay na panayam kay direktor Mac Alejandre, binanggit nitong magre-resume ang taping ng bagong TV5 teleserye sa Enero 2013.

Ayon pa kay Ate Guy, itutuloy na raw niya sa 2013 ang pag-revive ng NV Productions, ang sarili niyang movie outfit noong ’70s.

“Oo... sinasabi ko na kakarerin ko na iyon, yung NV Productions.”

Sa pagkakatanda ni Ate Guy, para sa MMFF din ang pinakahuling proyekto na ginawa ng NV o NCV Productions.

“Matagal na... Halimaw [Halimaw Sa Banga at Komiks (1986)], di ba? Nag-top grosser yun.

“Hindi ako kasali noon, producer lang ako noon,” pagre-recall ni Ate Guy.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN