Boxing champ and Fighter of the Year Nonito Donaire, Jr. announces he’s going to be a father soon

“Masaya ako sa lahat ng mga awards and victories sa 2012. Pero parang nabalewala lahat nung sabihan ako ng wife ko na magkakaanak na kami,” kuwento ni WBO, The Ring, at WBC Diamond Super Bantamweight Champion na si Nonito Donaire, Jr. tungkol sa pagdadalantao na ng kanyang asawa at PEP blogger na si Rachel Marcial.


Sa lahat ng mga tagumpay na natamo ni Nonito Donaire Jr. nung nakaraang taon, walang makakapantay sa kasiyahang dulot ng balitang nakarating sa kanya nung taon ding iyon.

Ito ay ang balitang malapit na siyang maging ama.

Sa panayam ni Nonito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kagabi, sa pamamagitan ng Facebook Messenger chat, ibinalita ng four-division world champion na tatlong buwan nang buntis ang kanyang misis at PEP blogger na si Rachel.

Nung mismong birthday pa niya, November 16, ibinalita sa kanya ni Rachel na magiging ama na siya.

Sabi pa ng kasalukuyang World Boxing Organization (WBO), The Ring Magazine at World Boxing Council (WBC) Diamond Super Bantamweight Champion, parang nabalewala raw ang lahat ng awards at panalo na natamo niya dahil sa balitang ito.

“Masaya ako sa lahat ng mga awards and victories sa 2012. Pero parang nabalewala lahat nung sabihan ako ng wife ko na magkakaanak na kami,” kuwento pa ng 30-year-old boxing champion at kasalukuyan ding The Ring Magazine Pound-For-Pound Boxer number-five placer.

Kaya raw nung bumalik siya ng Pilipinas nung Disyembre, matapos ang third-round knockout victory niya laban sa Mehikanong boksingero na si Jorge Arce, hindi raw niya kasama ang asawa.

“Sinabi nung doctor ni Rachel, delikado yung long travel over five hours. Kasi first trimester lang siya.

“Sinabi niya better to rest na lang kasi even when we get to Manila, walang rest. Puro guestings, di ba?” ani Nonito.

Mula nga nung dumating ang Boholanong boxing champion, panay ang guest appearance nito sa mga TV at radio shows ng ABS-CBN, kunsaan nagpamalas pa ito ng talento sa pagkanta.

Kaninang umaga nga, January 14, sa Kapamilya morning show na Umagang Kay Ganda pa sila ni Rachel nag-announce ng tungkol sa nalalapit nilang pagiging magulang.

“Hindi ko kinumfirm [confirm] sa interviews before kasi we were following the tradition of not saying anything until after the first trimester, at siyempre, we should announce it together,” dahilan ni Nonito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

CHANGES IN PRIORITY. Sa pagdadalantao ni Rachel, may mga pagbabago ba sa mga plano niyang gawin ngayong 2013.

Nasabi na kasi ni Nonito sa mga nauna na niyang interviews noon na balak niyang ulitin ang paglaban ng apat na beses din ngayong taon.

Matatandaang nung 2012, apat na beses lumaban at nanalo si Nonito.

Laban kay Wilfredo Vasquez, Jr. nung Pebrero, kay Jeffrey Mathebula nung Hulyo, kay Toshiaki Nishioka nung Oktubre, at kay Jorge Arce nung Disyembre.

“Before, I wanted to repeat 2012 by fighting four times, pero it isn’t possible, kasi I want to be there during the birth sa anak ko,” rason pa ng ESPN Boxer of the Year at The Ring Magazine Fighter of the Year.

“Sinabi ko sa manager at promoter ko that June, July, and August, ayokong lumaban.

“Kahit millions and millions of dollars sa fight, I want to be with my baby and my wife.”

Nang tanungin ng PEP kung ano ang gusto niyang kasarian ng magiging anak niya, mabilis na “lalaki muna,” ang sagot ni Nonito.

Pero kahit ano pa raw ang ibigay ng Diyos ay okey lang sa kanya, basta raw malusog at normal ang magiging anak nila ni Rachel.

Pagkatapos daw ng second trimester ng pagdadalantao ni Rachel, balak daw nitong bumalik ng Pilipinas.

“She misses the Philippines talaga. So, we are planning on coming home,” balita pa ni Nonito.

FOLLOWING MANNY’S FOOTSTEPS? Dahil sa impressive na pagpapakita niya ng galing sa boxing at sa mga tagumpay na tinamo niya, marami ang nagsasabing si Nonito na ang magdadala ng panibagong excitement sa sport ng boxing matapos ng dalawang magkasunod na pagkatalo ng Pambansang Kamao at Saranggani Congressman na si Manny “Pacman” Pacquiao.

May pressure ba siyang nararamdaman dahil dito?

“Hindi naman. Kasi all I can do is ask for God’s guidance and do my best,” sagot ni Nonito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At dahil siya rin ang tinuturong susunod sa yapak ni Manny na magdadala sa Pilipinas sa larangan ng boxing, may mga nag-aalalang baka gayahin niya rin si Manny sa paghahati ng focus sa boxing, showbiz at pulitika.

Pinasok na ni Nonito ang showbiz nang una siyang lumabas sa mga show ng GMA-7 nung 2009 at maging pangunahing tauhan sa Visayan indie film na Palad Ta Ang Nagbuot.

May balak din ba siyang pumasok sa pulitika?

“Wala. Wala, wala talaga…

“Para sa akin, I will try to help and be educated as much as possible to inform my fans on issues and my stance.

“Pero feel ko, I can help people without being in politics,” pagtatapos ni Nonito.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN