Ella Cruz on whether new stars Ice Navarro and Jerome Perez are courting her: “Hindi naman. Siguro, ano lang… pumuporma lang.”

Ayon kay Ella Cruz, pinapayagan na siyang tumanggap ng mga maniligaw. Kumpirma niya: “Okay lang naman po. Pero hanggang doon lang muna. Basta alam ni Mama na may ganoon pong nangyayari.”


Magkahalong lungkot at saya ang nararamdaman ni Ella Cruz sa nalalapit na pagtatapos ng Aryana, ang pinagbibidahan niyang fantaserye ng ABS-CBN na tumagal ng walong buwan.

Marami raw pagbabagong nangyari sa buhay niya dahil ito ang nagbigay ng pagkakataon na maabot niya ang kanyang mga pangarap.

Saad ni Ella, “Nalulungkot po ako dahil sobrang mami-miss ko ang lahat ng mga nakatrabaho ko.

“Pero masaya rin naman po ako dahil sa mga patuloy na sumusuporta sa amin na siyang pong dahilan ng tagumpay ng show.

“Ang dami ko pong hindi makakalimutan na experience habang ginagawa yung Aryana.

“Hinding-hindi ko siyempre makakalimutan yung mga kulitan namin.

“At hindi ko rin makakalimutan na nakita ko yung magandang mundo ng ilalim ng dagat.

“At saka na-feel ko na naging part ako ng mundo na iyon.

“Kasi usually po, kapag nag-a-underwater kami, mga ten to twenty feet ang lalim.

“Binibigyan nila ako ng oxygen tank tapos ipinapakita nila sa akin yung pinaka-ilalim ng dagat.

“Tapos minsan naman po, kapag nag-a-underwater ako, sa sobrang linaw ng tubig, hindi ko na kailangan ng goggles.

“Dilat ako sa ilalim ng dagat so nakikita ko rin yung mga isda at mga corals..

Patuloy niya, “Hindi ko rin po makakalimutan yung nabuong relationship naming mga artista sa Aryana—na talagang naging family po talaga ang samahan namin.

“Hindi basta-basta trabaho ang nangyari po, talagang may bonding.

“Nakilala ninyo na ang bawat isa—sobrang naging close po kami sa isa’t isa."

CHANGES IN HER LIFE. Dagdag pa ni Ella, “Big break po itong Aryana sa akin. At marami po talagang nagbago sa buhay ko."

Isa na rito ang paraan ng kanyang pag-aaral.

“Nasa home study po ako ngayon. Hindi na po ako sa regular schooling pumapasok.

“At saka hindi na po ako nakakauwi sa lugar namin sa Bulacan.

“Kasi may nabili na po akong condo sa Manila at doon na kami nakatira ng family ko.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Para in case po na may taping, hindi na kami pabalik-balik ng Bulacan at hindi na malayo yung travel ko.

“Ang dami ko na rin pong nakilala… at ang dami ko na rin pong natutunan.

“Tapos dahil sa Aryana, nagkaroon din ako ng mga endorsements.

“Medyo guminhawa na po ang buhay namin ng pamilya ko.

“Tapos, nagkaroon po ako ng fans na nagmamahal at sumusuporta sa akin.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Ella sa farewell at thanksgiving presscon ng Aryana noong Lunes ng gabi, January 14, na ginanap sa ELJ Building ng ABS-CBN.

THREE LEADING MEN. Tatlo ang leading men ni Ella sa Aryana—sina Paul Salas, Francis Magundayao, at Dominic Roque.

Sino sa mga ito ang pinaka mami-miss niya?

“Sila pong tatlo!” bulalas ni Ella.

“Lahat po kasi sila ay may iba’t ibang kakulitan at personality, kaya iba’t ibang closeness din po ang meron kami.”

SUITORS. May dalawang nali-link ngayon kay Ella: Ang mga baguhang young actors na si Ice, na anak ni Vhong Navarro, at si Jerome Perez na gumaganap bilang si Luke sa Please Be Careful With My Heart.

Nanliligaw nga ba ang mga ito sa kanya?

“Hindi naman. Siguro ano lang… pumuporma lang.”

Okay ba sa parents niya na may pumuporma sa kanya, dumadalaw sa set, at madalas niyang ka-text?

Sabi ni Ella, “Opo. Okay lang naman po. Pero hanggang doon lang muna.

“Basta alam ni Mama na may ganoon pong nangyayari.”

NEXT PROJECTS. Sa pagtatapos ng Aryana, ano ang sunod na plano ng ABS-CBN sa kanya?

“Sa ngayon po, kapag nagtatanong ako sa kanila, hindi po nila sinasabi sa akin.

“Basta sabi nila, ‘Meron, maghintay ka lang.’”

Yung susunod na teleserye niya, okay lang ba Kay Ella na fantasy pa rin ang tema o gusto naman niya ng drama?

“Ako po, kahit ano… basta meron po.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Pero sana more on drama. Or any challenging role po.”

Sinong aktor naman ang wish niyang makasama?

Sagot ni Ella, “Si Kuya Xian Lim po. Gusto ko talaga siyang maka-work.

“Kasi kahit papa’no, sa ASAP, nagkakasama kami.

"Makulit siya—nagkukulitan kami.

“Tapos sobrang bait din niya.”

Gusto niyang makatrabaho si Xian bilang ka-loveteam?

“Makatrabaho po siguro as kuya.

“Kasi yung isa pa pong gusto kong makatrabaho dati, si Kuya Coco [Martin].

"E, naka-work ko na po siya ngayon sa movie nila ni Julia [Montes] na A Moment In Time.

“Kapatid po ni Kuya Coco ang role ko. Sa February 13 na po ito ipapalabas.”

Bilang ka-loveteam, sino ang gugustuhin niyang makasama sa susunod niyang project?

“Ako po kahit sino—ready ako,” sagot ni Ella.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN