Nora Aunor on her passion for singing: “Diyan ako nag-umpisa, diyan ako nagka-asawa, diyan ako nagka-anak. ’Yan ang ipinambuhay ko sa pamilya ko…”

Sunod sa pagmamahal niya sa pagkanta, gusto ni Nora Aunor na makagawa ng mga makabuluhang pelikula. Saad niya: “Hindi man ngayon, at least, mag-umpisa ka ng trend na matatanggap na rin ng tao. Yung mga ganoong klase ng pelikula—matuturuan mo ang mga manonood na talagang tanggapin din ang mga pelikulang may art.”


Kasama ang Superstar na si Nora Aunor sa ilang mga eksena ng Never Say Goodbye ng TV5 na kinunan sa Baguio.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Nora sa Camp John Hay kasama halos ang iba pang cast ng Never Say Goodbye para sa huling taping nila sa Baguio.

Bukod sa malamig ang klima, makikitang relaxed na relaxed si Ate Guy kahit sunud-sunod na araw ang taping nila noong Linggo, January 13.

Tanong namin agad kay Ate Guy kung may challenge pa sa kanya, bilang seasoned actress, kapag binibigyan siya ng drama projects ng TV5?

Sagot niya, “Alam mo, bilang artista kasi, habang gumagawa ka… siyempre, ang pag-arte, hindi naman mawawala sa iyo ‘yan.

“Dahil kapag nawala ‘yan, hahanapin mo. Lalo na sa akin na nabuhay diyan—bukod sa pagkanta, pag-arte.

“So, hahanap-hanapin mo talaga kapag matagal kang hindi nakagawa kagaya ng ganito… teleserye.”

Dugtong pa niya, “At saka, kapag may ibang role, lalo na noong araw, masyado akong na-typecast sa isang katulong… atsay.

“So, kapag gumawa ka ng ibang pelikula na naman, tapos ganoon pa rin ang role mo, kailangan, kahit ayaw mong mag-isip...

“Di ba, kailangan pag-aralan mo pa rin yung atake doon sa isang pelikulang nakaraan? Kailangan mabago mo dito sa bagong ginagawa mo.

“At least, kapag napanood ng tao, may pagbabago, di ba?”



NEW STARS. Habang kausap ng PEP si Ate Guy, nandoon din si Vin Abrenica, ang male winner ng TV5 artista search na Artista Academy.

Si Vin ang gumaganap na anak ni Nora sa Never Say Goodbye.

Biro ng ilang entertainment press, patalikurin muna si Vin para masabi ni Nora ang totoong obserbasyon niya sa pinakabagong Kapatid star.

Pero natatawang sabi ng Superstar, “Ke nakatalikod siya o nakaharap, talagang magaling ‘yan—mana sa nanay!

“Ang yabang, ‘no?

“Anak ko ‘yan, e. Ang original, si Edgar Allan Guzman sa Sa Ngalan ng Ina—si Vin, sa ibang tatay naman,” pagbibiro pa ng ng aktres.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bukod kay Vin ay kasama rin sa cast ng Never Say Goodbye ang female winner ng Artista Academy na si Sophie Albert.

Kumustang katrabaho ang dalawang baguhang stars?

Tugon ni Nora, “Ay, siyempre naman, excited pa rin ako.

“Napanood ko sila noon sa Artista Academy at talagang makikitaan mo ng kagalingan sa pag-arte.”

Nararamdaman ba niyang naiilang sa kanya ang mga ito kapag kaeksena na siya, bilang isa siyang Superstar?

“Actually, ako ang nailang!” natatawang sabi niya.

“Ako ang nailang sa kanila… siyempre ‘no?

“At saka, maganda yung nakakasama mo ang mga katulad nila.

“Siyempre, kahit papaano, may mga ibang techniques sila sa pag-arte—may mga matutunan ka sa kanila pa rin.

“At may matutunan din sila sa akin kaya nagkakaroon ng tulungan.”



MENTOR. Inaalalayan ba niya ang mga ito o nag-a-adjust din siya bilang mga baguhan pa nga ang dalawa?

“Hindi. Sa galing nila, hindi ko na sila kailangang turuan.

“Sabi ko nga, ako nga ang ninenerbiyos.”

Pero sinabi namin sa kanya na tila mahirap paniwalaan na siya pa ang ninenerbiyos kaeksena sina Vin at Sophie.

“Hindi… totoo,” giit niya.

“Alam ninyo, ewan ko sa mga ibang artista na datihan…

“Pero sa akin kasi, bawat proyekto na ginagawa ko o hinaharap, nandoon pa rin ang kaba, hindi nawawala.

“Bawat eksenang gagawin ko, hindi pa rin mawala sa akin ang kaba. Totoo yun.

“Parang kapag may concert ako, kahit mula bata, kumakanta na ako…

“Kapag oras na humarap na ko sa tao, yung kaba ko niyan, talagang nanlalamig ako.

“Bago mag-umpisa yung show, talagang nanlalamig ako. Hindi lang halata.”

Ayon pa kay Ate Guy, naawa siya kay Vin nang masampal niya ito sa isang eksena nila.

“Naawa ako sa kanya nang masampal ko… inabutan ko talaga. Namula yung…"

Tinotoo niya talaga?

“E, nagalit ako, sumasagot-sagot sa akin… sinampal ko.

“Sabi ko nga, ‘Pasensiya ka na. Kapag nananampal ako talaga, totoo.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“E, inabutan. Namula nga, todo talaga!”

Bilang mga baguhan pa nga sina Vin at Sophie Albert, may pagkakataon ba na nakagalitan niya ang mga ito o napagsabihan kaya?

“Ay, hindi. Kapag nasa set na, tahimik talaga ang mga ‘yan—trabaho talaga.”



GOOD BEGINNINGS. Sa pagpasok ng Bagong Taon, nagpapasalamat si Ate Guy sa tuluy-tuloy na mga trabahong ginagawa niya sa Kapatid network.

“Wala akong masasabi—salamat.

“At saka, nagpe-pray naman ako palagi na magtuluy-tuloy.

“Hindi man katulad ng dati, at least, walang problema.

“Meron ka pa rin peace of mind na matagal kong hinanap noong araw pa… nakukuha ko naman ngayon.”

May mga expectation ba siya ngayong taong ito?

“Alam ninyo, hindi naman kasi ako nag-aano ng expectation, basta magustuhan lang ng mga tao ang ginagawa kong teleserye.

“At nagustuhan naman yung ginawa kong Thy Womb kahit sabihin natin na noong una, hindi muna pinasok ng tao.

“Sa mga anak naman, nagkita-kita naman kami noong Pasko.

“Yung bonding namin, nandoon pa rin kahit hindi kami masyadong nagkikita-kita.

“Pero at least, kapag nagkita kami, magulo pa rin.”



CONCERT. Nabalita rin na ngayong taong ito ay posibleng matuloy na ang concert niya. Hindi naman ito itinanggi ng Superstar.

“Kakarerin ko na yun… kakarerin ko talaga!

“Kung hindi man umabot ng birthday… kasi nga, naantala ang pagpapagamot, tatapusin ko muna ito [Never Say Goodbye].

“Kasi dapat yun, at least, first week of January, e, hindi nga ako natuloy.

“So, maantala na naman… basta ngayong taong ito.”

Sa Boston daw ipapagamot ni Ate Guy ang nawalang boses.

Sabi pa niya, “Kapag naoperahan na ako, meron pang therapy na gagawin sa New York. Siguro mga isang buwan din.”

Nami-miss na niya ang pagkanta?

“Oo,” mabilis niyang sagot.

“Alam ninyo ba, maniwala kayo, kapag nakakakita ako ng kumakanta sa TV, kapag ako lang talagang mag-isa, hindi ko namamalayan, umiiyak ako.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kasi, ganoon ko kamahal ang pagkanta.

“Diyan ako nag-umpisa, diyan ako nagka-asawa, diyan ako nagka-anak.

“’Yan ang ipinambuhay ko sa pamilya ko… ang pagkanta. So, hindi ko makakalimutan yun.”

May ilang taon na rin ba simula nang hindi siya nakakanta?

“2004 ako nag-tour sa U.S. Pero yung Japan ko, doon nagsimula yun, 2009 yata.”

Sa Araneta Coliseum daw magaganap ang concert ni Nora. Excited na ba siya?

“Ay, oo, excited ako,” nakangiti niyang sabi.



MMFF AWARDS. Isa sa nanalo ng maraming awards sa nakaraang 2012 Metro Manila Film Festival ay ang Thy Womb, bukod pa sa ilang rekognisyon na natanggap nito sa ilang film festivals abroad.

Kung may bago siyang teleserye at ipapaayos na niya ang kanyang boses para muling makakanta, may bago ba siyang gagawin sa paggawa ng pelikula?

“Sa movie kasi… well, pagkanta siguro ang gusto ko munang harapin ngayon.”

Pero ayon kay Ate Guy, mahal daw niya ang indie films kaya patuloy pa rin siyang gagawa nito.

Ipinaalala namin ang pahayag niya nang tanggapin ang Best Actress trophy niya sa MMFF na kahit konti lang ang nanonood, patuloy pa rin siyang gagawa ng makabuluhang pelikula.

“Kahit na lilima na lang,” diin pa niya.

Ano ang nagbunsod sa kanyang sabihin ang naturang pahayag?

“Kasi ano ‘yan... sa kagustuhan ko na… kaya ka nga gumagawa ng mula sa kakanta ka mula sa isang puno, kahit walang istorya.

“So, sabi ko, ‘Eksperimento nga ako ng maganda namang movie, yung may katuturan.’

“Hanggang sa mag-prodyus ako ng sarili ko para nga magawa ko yung gusto kong gawing pelikula.

“Kahit wala akong pera, talagang lakas-loob ‘yan.

“Para maipakita ko lang, bilang artista, at maipakita rin sa tao na tayo nga, puro iyon at yun.

“Hanggang ngayon, di ba? Basta matuwa ang mga tao, talagang papasukin nila.

“Hindi man ngayon, at least, mag-umpisa ka ng trend na matatanggap na rin ng tao.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Yung mga ganoong klase ng pelikula, matuturuan mo ang mga manonood na talagang tanggapin din ang mga pelikulang may art.”



NO WIN. Kapag kasama na ang pangalan ni Ate Guy sa mga nominado bilang pinakamagaling na aktres, duda na ang ibang aktres na mananalo sila.

“Alam ninyo, hindi nila dapat maisip yun,” sabi naman ng Superstar.

“Alam ninyo, sa akin nga, kahit paano, makakatulong ‘yan.

“Hindi sa nagmamayabang ako o nagmamalaki, pero yun ang gusto mong ipakita para sa mga gustong mag-artista o ngayon pa lang nag-aano.

“Kasi ako, nagpursigi ako at ginawan ko ng paraan ang gusto kong mabago sa kanila—hindi lang puro tanggap.

“Kung hindi, sana dumating ang araw na, sana, gumawa rin sila ng pelikula na balang-araw, maaalala ng tao.

“Makapag-umpisa man lang at ma-feel nila ang fulfillment as an actress.”

May kaba pa rin ba siya sa mga awards night kapag nominado siya?

“Never akong nag-expect na mananalo ako.

“Tulad nga ng sinabi ko kanina, kapag inasahan ko na mananalo ko o sana nga ako ang manalo, tapos hindi ka tinawag, siyempre masakit sa loob mo yun—masasaktan ka.

“Kaya kapag hindi ka umasa, manalo ka, salamat. Kung hindi ka manalo, salamat din.

“Basta ako, nagawa ko yung dapat kong gawin o dapat kong gampamang karakter.

“Pero yung kaba, siyempre, kahit paano, naano ka pa rin.

“Kaipokritahan naman kung sasabihin kong wala,” nakangiti niyang sabi.



RECONCILIATION. Ano naman ang masasabi niya sa balitang nagkaayos at nagkasundo na ang dating mag-biyenan na sina Pilita Corrales at Lotlot de Leon?

Si Lotlot ang panganay na anak ni Nora.

“Ay, siyempre masaya ako.

"Nagkita kami noong Pasko, parang wala.

“Tapos, nabalitaan ko nga na okay na sila.

“At least, ngayon, mas maganda kasi na lalo na ngayong Bagong Taon, kailangan wala kang kasamaan ng loob, wala kang kagalit.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Para magaan pa rin ang takbo ng trabaho.”



POLITICS. Sa huli, naitanong din namin sa kanya kung wala na ba sa puso at isipan niya ang pagtakbo sa pulitika, tulad noong tumakbo at natalo siya bilang gobernador ng Camarines Sur?

“Huwag na nating pag-usapan ang pulitika… huwag na,” natatawang iwas naman niya.

Hindi na niya naiisip?

“Wala na, masaya na ako.

“Kasi, alam ninyo, ang pagtulong naman sa kapwa mo, hindi naman kinakailangan na maging gobernadora ako, p,residente o congressman.

“Kung taos sa puso mo na gusto mong makatulong sa kapwa mo, magagawa mo ‘yan, e.

“Kahit na konti lang ang pera, puwede kang humingi ng tulong sa iba para matulungan mo ang kapwa mo.”

Willing ba siyang mag-endorse ng kandidato sa mid-term elections?

“Meron nang lumapit, pero hindi ako sumagot. Hindi ako sumagot, e,” nakangiting sabi na lang niya.

Ngayong nagkaayos na rin sila ni dating Pangulong Joseph Estrada at ngayong tumatakbo ito bilang mayor ng Manila, posible kayang i-endorso niya rin ito?

“Baka nasa ibang bansa ako noon, e, nagpapagamot,” nakangiti niyang sabi.

Dugtong din niya, “Pero alam ninyo, isang way ko na pagpapakita o pagsabi sa kanya, hindi man sa salita…

“Yung paghingi ng tawad na nagkamali ako sa kanya, sabihin na natin, naging Presidente pa rin natin at yung respeto ko, hindi mawawala yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN