Former teen star Tina Paner accused of selling fake plane tickets in Barcelona

Narito na ulit sa Pilipinas ang dating teen star na si Tina Paner, ayon sa kanyang ina na si Daisy Romualdez. Ngunit kasabay ng pagbabalik ni Tina sa bansa ay ang iniwan naman niyang sigalot sa Barcelona, kunsaan inaakusahan siyang nagbenta ng pekeng plane tickets papuntang Pilipinas.


Nasa Pilipinas ngayon ang dating ‘80s teen star at Regal baby na si Tina Paner pagkatapos ng ilang taong pagtira sa Barcelona, Spain.

Ayon sa ina nitong si Daisy Romualdez, na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa trade launch ng TV5 na Go 5 sa Newport Performaning Arts Theatre sa Resorts World Manila last January 15, matagal na raw hiwalay si Tina sa kanyang asawa na kinasama nito sa Barcelona.

Kasama raw ni Tina na dumating sa Pilipinas ang anak nitong si Shane, na dito na magdiriwang ng kanyang 10th birthday.

Masaya raw si Daisy dahil makakasama na nito ang kanyang apo, at gusto niya na maging maganda at bongga ang birthday celebration nito.

FAKE PLANE TICKETS. Pero bago umuwi si Tina sa Pilipinas ay may kumalat na balitang maraming galit na Pinoy sa kanya sa Barcelona dahil diumano’y binentahan sila ng dating teen star ng mga pekeng plane tickets.

Lumabas ang naturang balita last January 11 dahil may ilang Pinoy-based sa Spain na nagbuo ng isang grupo via Facebook para ireklamo si Tina dahil sa pagbebenta sa kanila ng mga pekeng plane tickets.

Ilan nga raw sa kanila ang hindi nakauwi noong nakaraang Pasko at Bagong Taon dahil hindi magagamit ang plane tickets na ibinenta sa kanila ni Tina sa murang halaga—dahil peke raw ang mga ito.

Kabilang sa nagreklamo at nagsumbong sa ABS-CBN Europe News Bureau ay si Mary Jance Cacho, na nagsabi na kaibigan pa naman daw niya si Tina.

Nagbayad daw si Mary Jane ng 785 Euros para sa isang plane ticket. Pero noong mag-check-in na siya sa Qatar Airways ay wala ang pangalan niya sa passenger’s list.

Pareho rin ang reklamo ng isang nagngangalang Jack Robert Bathan Dacpano.

Pinag-ipunan pa naman daw niya ang pambili ng plane ticket pauwi ng Manila para makasama nito ang kanyang pamilya sa Pasko, pero peke pala ang plane ticket na nabili niya kay Tina.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Mostly ay Overseas Filipino Workers o OFWs ang pinagbentahan daw ni Tina ng pekeng plane tickets.

Inireklamo na nga raw si Tina sa isang police station sa Barcelona.

Nang puntahan daw ng mga pulis ang opisina ni Tina sa isang pawnshop, wala na raw ito sa naturang establishment.

Huli raw ito nakita roon noong December 14, 2012.

Napag-alaman ng mga nagrereklamo na bigla raw ito umuwi ng Pilipinas kasama ang anak.

Kaya gumagawa raw ng paraan ang mga ito na mahabol si Tina para maibalik ang kinuha nitong pera sa kanila.

TINA’S SIDE. Sa panayam naman ni Daisy Romualdez sa radio program ng dzMM, sinabi niyang hindi niya alam ang mga nangyari kay Tina sa Barcelona at kung bakit marami ang galit na mga Pinoy doon.

Baka raw ginamit lang ang pangalan ni Tina para ma-scam ang ilang mga Pinoy sa Barcelona.

Pero sinabi rin ni Daisy na pababayaan niyang si Tina ang magsalita tungkol sa isyu para maayos na ang lahat.

“Ang gusto ko sana, pag umuwi si Tina, siya na ang magsasabi lahat niyan, kasi mas maganda na sa kanya manggaling.

“Huwag muna natin husgahan si Tina,” pakiusap ng dating Sampaguita Pictures contract star.

Kung napatunayan daw na may pagkakamali si Tina, willing daw silang ayusin ito hangga’t maaari para walang gulo.

Sabi ni Daisy, “Whatever it is, pera lang ’yan, e, puwede naman natin bayaran kung nagkamali si Tina.

“Ang ibig kong sabihin, hindi natin tatakbuhan, kung anuman talaga ang sasabihin ni Tina.

“Huwag n’yo munang husgahan si Tina.

“Kung talagang may pagkakautang si Tina, e, di ise-settle natin ’yan.

“Hindi naman natin tatakbuhan ’yan. Ako na mismo nangangako sa inyo na hindi namin tatakbuhan ’yan.”

Si Tina Paner ay naging kasabayan nina Manilyn Reynes at Sheryl Cruz sa ilang Regal Films movies at sa programang That’s Entertainment. Nabuo ang grupo nila noon na kung tawagin ay “Triplets.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ilan sa mga ginawang pelikula ni Tina ay ang mga sumusunod: Mga Kuwento Ni Lola Basyang, When I Fall In Love, I Have Three Hands, Batang Quiapo, Papa’s Girl, at Petrang Kabayo at ang Pilyang Kuting.

Nagbida rin si Tina sa pelikulang Tamis Ng Unang Halik noong 1989. Naging ka-loveteam niya noon si Cris Villanueva.

Lumabas din si Tina sa ‘80s TV shows na Musmos Pa Si Boss at Wanbol High.

Nakasama si Tina sa pelikula nina Lea Salonga at Aga Muhlach na Sana Maulit Muli noong 1995, kunsaan ang mga eksena niya ay kinunan sa San Francisco, California.

Huling napanood si Tina sa pelikulang Barcelona (2006) na pinagbidahan ni Alessandra de Rossi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN