FIRST READ ON PEP Update on Maricel Soriano-Gerald Anderson Incident: Who’s in? Who’s out?

Marami ang nag-aabang sa magiging kahihinatnan ng insidente sa pagitan ng Diamond Star na si Maricel Soriano at ng young actor na si Gerald Anderson. Ayon sa nakalap na impormasyon ng PEP, tuloy pa rin ang primetime soap na Bukas Na Lang Kita Mamahalin, ngunit isa sa kanila ang mawawala na sa cast.


Hanggang ngayon ay hinihintay pa rin ng publiko ang official statement mula sa ABS-CBN tungkol sa insidenteng naganap sa pagitan nina Maricel Soriano at Gerald Anderson.

Ayon sa nakalap na impormasyon ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), nakatakdang maglabas ng statement ngayong araw, January 21, ang ABS-CBN, dahil nakabalik na ang top executives ng network mula sa Sinulog Festival sa Cebu, kunsaan ilang Kapamilya stars ang nag-participate.

Kung sakaling makapaglabas nga ng statement ang ABS-CBN, inaasahan namang hindi pa rin malalaman ng publiko ang totoong kuwento sa insidenteng naganap sa pagitan nina Maricel at Gerald.

Malamang ay maiksi at maingat ang magiging official statement.

Si Maricel ay talent ng Viva Artists Agency at si Gerald ay hawak ng Star Magic ng ABS-CBN, ngunit parehong itinuturing na Kapamilya stars ang dalawa.

Si Maricel, 47, ay nagtrabaho ng dalawampu’t isang taong sa ABS-CBN, sa pamamagitan ng kanyang drama shows (Maricel Regal Drama Special, The Maricel Soriano Drama Special, Vietnam Rose, at Florinda) at sitcoms (Kaya Ni Mister, Kaya Ni Misis; Bida Si Mister, Bida Si Misis; Mary D Potter; at John En Shirley).

Mukhang mahal si Marya—ang tawag kay Maricel—ng Kapamilya network.

Makikita ito sa ginawang PR blitz ng ABS-CBN para sa kanyang pagbabalik mula sa TV5 nitong pagtatapos ng nakaraang taon. At sa contract signing niya noong Nobyembre 26, 2012, full force ang top executives ng network: President and CEO Charo Santos-Concio; ABS-CBN channel head Cory Vidanes; business unit head Deo Endrinal; at entertainment head for TV production Laurenti Dyogi.

Si Gerald, 23, ay isang “homegrown talent” ng ABS-CBN, bilang produkto ng reality show na Pinoy Big Brother Teen Edition Season 1 noong 2006.

Mula sa pagiging teen heartthrob ay hinulma ng Kapamilya network si Gerald bilang isa sa pinakasikat na young actors sa kasalukuyan. Ilan sa mga primetime series na ginawa niya para sa ABS-CBN ay Sana Maulit Muli (2007), Maligno (2008), My Girl (2008), Tayong Dalawa (2009), Kung Tayo’y Magkakalayo (2010), at Budoy (2011). Lumalabas din siya tuwing Linggo sa noontime musical-variety show ng ABS-CBN na ASAP.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

At nitong mga huling taon, naging matinee idol na rin si Gerald. Noong 2011, ang Catch Me I’m In Love at Won’t Last A Day Without You, na pinagbidahan nila ni Sarah Geronimo, ay certified box-office hits. Habang noong 2012, ang 24/7 In Love, na pinagsamahan nila ni Kim Chiu at ng iba pang Star Magic talents, ay naging mild hit naman.

Magkasama ngayon sina Maricel at Gerald sa upcoming primetime series ng ABS-CBN na Bukas Na Lang Kita Mamahalin.

Ang Bukas Na Lang Kita Mamahalin ang sinasabing magsisilbing pagbabalik ng Diamond Star sa bakuran ng Kapamilya network matapos ng halos apat na taon.

Ang co-lead status ni Gerald ay mahalaga naman, di lang dahil sa kuwento mismo ng serye, kundi dahil sa inaasahang siya ang makakaakit sa mataas na TV audience share at sa kaakibat nitong advertising placements para sa serye.

Ito ang dahilan kung kaya’t pinaniniwalaang susubukan ng ABS-CBN na parehong poprotektahan ang dalawang stars. Hangga’t maaari, pipilitin nilang maging patas ang laman ng statement. Kaya naman natatagalan ang pagpapalabas nito.

Dahil isang Viva talent si Maricel, inaasahang maglalabas din ng statement ang kumpanyang pagmamay-ari ni Vic del Rosario o "Boss Vic."

Pero ayon sa inside story na nakuha ng PEP, malinaw ang instructions ni Boss Vic: Walang magsasalita. Walang tatanggap ng tawag mula sa press. Walang maririnig mula sa kampo ni Maricel.

Sa ibang salita, ipinapaubaya ng Viva sa ABS-CBN ang pagbuo ng nilalaman ng statement.

Ayon pa sa inside story, wala ring hakbang na isinasagawa sa kasalukuyan si Boss Vic o si Shirley Kuan, ang tumatayong manager ni Maricel. Ito ay sa dahilang ni hindi rin daw alam ng dalawa kung ano ang magiging statement ng ABS-CBN. Wait-and-see umano ang Viva.

Sa madaling-salita, tikom ang bibig ng mga tao sa parehong ABS-CBN at Viva.

BAD ACTING? Sa report na inilabas ng PEP kagabi, January 20, lumalabas na ang “bad acting” diumano ni Gerald ang pinagmulan ng isyu, at siyang naging dahilan upang sigawan ni Maricel ang young actor.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ito ay naging ayon sa isang PEP source, na nakausap ang mga nakarinig ng mga sinasabi ni Maricel sa set.

Sa pagpapatuloy ng PEP ng pangangalap ng impormasyon, nakakuha ito ng mga panibagong datos. Galing naman ang mga ito sa ilan pa ring anonymous sources na may kaalaman tungkol sa insidente.

Ayon sa isa sa mga panibagong sources, tama ang report ng PEP na may insidente ngang naganap. Ngunit mali raw ang parte ng report na nagsasabing ang problema ay nasa acting ni Gerald.

Wala raw katotohanan ang kuwentong ito. Madali naman daw marepaso ang tapes ng teleserye upang mapatotohanan na hindi nga ito ang isyu.

Ni hindi raw mabigat ang kinukunang eksena noong mga oras na iyon—kundi “simple” at “very light” na eksena lamang.

Giit pa ng source, si Maricel ang hindi makaganap nang tama sa eksena nila ni Gerald. Hindi raw maitama ng aktres ang akting ng kanyang mga mata.

Nasabi ng PEP na tila hindi kapani-paniwalang ang kagaya ni Maricel—isang mutli-award-winning actress—ang magkakaroon ng problema sa eksena.

Ito ang sagot ng aming kausap: “Oo, kung normál at regulár ang timpla niya.”

Giit uli ng source, “Wala talagang problema kay Gerald, kaya marami ang nagulat nang nagsisisigaw si Maricel. Wala talagang provocation. Basta na lang!”

Samantala, isa namang mula sa kampo ni Maricel, na nakausap ng PEP, ang nagsabing inaasahan na nila ang paglabas ng mga kuwento tungkol sa pag-uugali ng aktres.

Ayon dito, may "history" na kasi si Maricel kaya vulnerable siya sa mga ganitong kuwento kapag may isyu.

Ang tinutukoy ng source ay ang ilang insidente sa buhay ni Maricel na alam na rin ng publiko.

Noong Nobyembre 2012, inamin ni Maricel sa TV na dumaan siya sa matinding depression. Matapos nito, iisipin nga naman ng publiko na ang aktres ay under medication upang gumaling, at maaaring pumapalya sa kanyang mga gamot. O kaya’y may mas matindi pang dahilan ang galaw nito ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Noong Hunyo 2011, pumutok naman ang kuwento ng dalawang katulong ni Maricel na nagreklamong sinaktan daw sila ng Diamond Star. Umabot ang reklamo sa barangay, at nadiyaryo, ngunit nang naglaon ay naayos ng kampo ni Maricel.

THE BACK STORY. Sa taping ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin noong January 14, sa Commonwealth Avenue, Quezon City, naganap ang pinag-uusapan ngayong insidente sa pagitan ng veteran actress at ng young actor.

Ayon sa naunang source ng PEP, ang sinasabing pinagmulan ng isyu: "Hindi makuha ni Gerald ang tamang acting."

Sinisigawan daw ni Maricel si Gerald ng: “Ikaw ang cause of delay ng taping!”

Dahil daw dito ay nainis si Maricel, na umabot sa puntong nagsisigaw ito kay Gerald sa harap ng ibang tao.

Naringgan din daw si Maricel ng: “Ano ’to, Direk? Hindi naman niya nakuha ang tamang pag-arte!’"

Si Jerome Pobocan ang direktor ng soap.

Sambit pa raw ni Maricel, "Ayan, mag-sorry ka sa lahat ng crew dahil ikaw ang cause of delay dito!”

Ang sumunod daw na eksena ay nag-walk out si Maricel, ngunit agad naman daw itong sinundan ni Gerald.

Hindi raw malinaw kung ano ang pinag-usapan ng dalawang major stars ng network, ngunit tingin ng mga nakasaksi ay humingi ng paumanhin si Gerald kay Maricel.

Pero “sigaw" pa rin daw ang inabot ni Gerald mula kay Marya.

Pagkatapos ay nakita na lang ng mga naroon na napaiyak si Gerald sa isang tabi.

(CLICK HERE to read story)

THE LATEST. At press time, habang hinihintay ng lahat ang statement na ilalabas ng ABS-CBN, ito ang napag-alaman ng PEP sa posibleng magiging kahinatnan ng insidenteng ito:

Tuloy pa rin ang Bukas Na Lang Kita Mahalin.

Mananatili si Gerald sa cast, pero hindi na kasama si Maricel.

Ang ipapalit kay Maricel ay si Dawn Zulueta.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN