Bela Padilla locks herself in the restroom after reprimand from entertainment reporters

Kinumpronta ng ilang beteranong entertainment columnists ang Kapuso young actress na si Bela Padilla sa presscon ng kanyang pinagbibidahang afternoon soap sa GMA-7. Ito ay kaugnay ng pang-iisnab umano niya sa ilang Manila-based reporters sa launching ng regional station ng Kapuso network sa Cagayan de Oro.


“Hindi ko po alam kung paano i-handle."

Ito ang sagot ni Bela Padilla nang tanungin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) tungkol sa pag-iyak niya kahapon, January 31.

Naganap ito sa press interview na ipinatawag ng GMA Artist Center para sa kaniya at sina Dion Ignacio at Pancho Magno, ang mga co-stars niya sa Magdalena, ang afternoon drama series ng GMA-7 na nagwakas noong January 18.

Ginanap ang press interview sa 17th floor ng GMA Network Center.

Si Bela ang pinakamaagang dumating.

Nang maupo siya, ang hindi niya pagpansin sa reporters na nakasama sa launch ng pinakabagong regional network base ng GMA-7 sa Cagayan de Oro City (CDO) noong January 23 ang unang tanong ng veteran entertainment columnist and showbiz talk-show host na si Lolit Solis.

Ang tono ng pagtanong ni Lolit ay mapaglaro.

Itinanggi ni Bela kay Lolit na inisnab niya ang entertainment writers.

Si Bela ang host ng programa sa CDO. Sinabi nitong nang umakyat siya ng stage ay nakita niya na dalawa sa veteran columnists na naroon ay natutulog. Ito raw ang dahilan kung bakit hindi na siya bumati.

Paliwanag ng young actress, “Kausap ko po ang mga reporter ng Cagayan. Ngarag din po ako dahil mahaba ang hosting ko..."

Hindi na nga raw siya nagkusang bumati sa natutulog na dalawang Manila-based reporters. Dagdag ni Bela, "Pero, in fairness po sa kanila, gumising sila noong half of the show na."

Nagkita na rin daw sila ng isa sa dalawang reporters noong January 29, sa celebrity screening ng Seduction, at nag-sorry na raw siya rito.

Imbitado ang veteran columnist na tinutukoy ni Bela sa press interview kahapon, January 31. Nang dumating ang kolumnista, sinabi sa kanya ni Lolit at ng ibang reporters ang diumano’y pagtulog niya sa show sa CDO.

Pinabulaanan naman ng veteran columnist ang pahayag ni Bela. Sinabi pa nitong nagpunta raw siya sa event para manood at hindi para matulog.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama ni Bela sa show si Mark Herras, at ayon sa veteran columnist, si Mark ang lumapit at bumati sa walong reporters mula sa Maynila. (Si Mark ay talent ni Lolit.)

Idinagdag ng kolumnista na hindi naman kalabisan kung in-acknowledge ni Bela, habang nasa stage ito, ang presence ng Manila-based writers.

Ikinuwento naman ni Dondon Sermino, entertainment editor ng Abante, na si Zsa Zsa Padilla pa ang unang lumapit at bumati sa kanya nang magkita sila sa ASAP 18, na ginanap sa Dinagyang Festival sa Iloilo City noong Linggo, January 20.

Ang ibig sabihin dito ni Dondon ay bumabati sa press ang veteran stars.

“Ang feeling mo, mas sikat ka pa kay Marian Rivera?" birong tanong ni Lolit nang marinig nito ang paliwanag ng veteran columnist.

Habang nag-uusap ang entertainment writers at pinapayuhan nila si Bela, napansin namin na nakayuko na ito at may tine-text sa kanyang cellphone.

Nang mag-angat ng mukha si Bela, nakita namin na nangingilid na ang kanyang luha.

Doon na siya nag-excuse, tumayo, at pumasok sa comfort room.

Nang malaman ng ilang staff ng GMA Artist Center na umiiyak si Bela, sinundan nila sa banyo ang aktres.

Matagal na nagkulong sa banyo si Bela at nang lumabas ito, halata na ang pamumugto ng kanyang mga mata.

Sa puntong iyon, sinabi ng veteran columnist kay Bela na wala silang intensiyon na ma-offend siya. Aniya, "We mean well."

Nilinaw naman ni Lolit na walang malisya ang pagtatanong niya kay Bela tungkol kay Marian Rivera.

Matatandaang nakairingan ni Bela si Marian sa set ng Endless Love noong September 2010.

Bumalik sa alala ni Lolit ang reklamo noon ni Bela na ikinulong ito ni Marian sa banyo para kausapin, dahil kanina ay si Bela ang nagkulong ng sarili sa restroom ng GMA Network Center.

Inisip ni Lolit na baka na-offend si Bela dahil ikinumpara ito kay Zsa Zsa Padilla, na isang "tunay na Padilla," dahil hindi naman daw tunay na Padilla si Bela.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang tunay na kamag-anak ni Bela ay ang partido ng Padilla matriarch na si Eva Cariño.

EDITOR’S NOTE: Sa isang banda, isang source ang nagsabi sa PEP na may katotohanan naman ang pahayag ni Bela tungkol sa dalawang veteran columnists.

Nakita raw niya na may saglit na panahong naidlip nga ang dalawang veteran columnists habang ongoing ang show.

Ngunit madali naman daw itong maipaliwanag dahil alas-singko ng umaga ang call time sa airport ng Manila-based reporters, alas-otso ang flight time, mahaba ang waiting time sa Cagayan de Oro, at nang magsimula ang palabas ay alas-dos y medya na ng hapon.

Sinabi rin ng source, na naroon din, na hindi naman siguro kalabisan kay Bela kung binati niya ang grupo ng writers na nagbiyahe pa papunta sa event sa CDO.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN