Dingdong Dantes on endorsing deserving political candidates: “Kahit walang bayad, basta pinaniniwalaan ko, susuportahan ko.”

Bagamat wala pa rin siyang planong pumasok sa mundo ng pulitika, patuloy pa rin ang pagtulong ni Dingdong sa mga kababayan niyang nangangailangan sa pamamagitan ng kanyang YesPinoy Foundation


Ngayong nalalapit na ang kampanya, may kanya-kanyang nang kinukuhang celebrity endorsers ang mga pulitikong kakandidato para sa nalalapit na eleksiyon sa Mayo.

Hindi kataka-takang may mga nagbabalak kumuha sa Kapuso leading man na si Dingdong Dantes dahil sa kanyang malaking impluwensya sa maraming kabataan—lalo na roon sa mga first time na boboto.

Kung matatandaan ay naging aktibo si Dingdong noong 2010 elections kunsaan tumakbo at nanalo bilang presidente ng Pilipinas si Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III o mas kilala ngayon bilang PNoy.

Pero hindi naman daw basta-basta pumapayag si Dingdong na mag-endorse ng sinumang politician na gusto siyang kunin para ikampanya sila.

Isang major requirement ng aktor ay kailangan ay kilala niya ito ng personal at kailangang makabuluhan ang plataporma nito. Hindi raw puro lang pangako ang mga sinasabi ito sa taong bayan.

Kung may mga naikampanya man daw si Dingdong noon, ginagawa daw niya iyon kahit walang bayad.

Hindi naman daw lahat ay kailangang pagkakitaan, lalo na kung pinaniniwalaan niya ang mga adhikain nito.

Inamin naman ng aktor na malalaki ang offer ng mga politicians na gusto siyang kunin. Pero hindi naman daw ang pera ang tinitingnan niya pagdating sa ganyan.

“Kung kikitain lang talaga ang main reason mo, malaki talaga at marami. Pero ngayon, hindi naman iyon ang importante.

“I will only endorse somebody kung alam ko na magiging malaking tulong siya sa ating bansa.

“Kilala n’yo naman ako. Bihira akong mag-endorse tuwing elections. I guess ang pinaka-prominent na in-endorse ko was Pres. PNoy at hindi naman ako nagkamali sa pag-endorse sa kanya.

“So, hindi naman lahat ay tungkol sa pera—prinsipyo ang mahalaga.

“Kahit walang bayad, basta pinaniniwalaan ko, susuportahan ko,” ngiti pa ng aktor nang makapanayam siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa Lola Restaurant sa Quezon City last January 29.

Matagal na nga ang mga usap-usapan na may balak ding pasukin ni Dingdong ang pulitika. May mga alok na nga sa kanya noon pa, pero hindi raw iyon ang priority niya sa ngayon.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Tempting ang mga offers. Pero kung tatanggapin ko, paano na lang ang ibang mga trabaho natin, ‘di ba?” pag-amin niya.

“Hindi pa napapanahon na pasukin natin ang ganyang career.

“Nandito pa naman tayo sa entertainment business, e. Okey naman ang lahat kaya tuluy-tuloy lang.

“’Tsaka kapag pinasok mo ang politics, it’s a full-time career as well. Mahirap nang hatiin mo ang sarili mo para sa ibang trabaho.

“Pero bilib ako sa ibang mga kapatid natin sa industriya na nagagawa nilang mag-showbiz pa and at the same time, they hold a position in government.

“Pakiramdam ko ay hindi madali iyon, pero possible pa rin naman.

“But like what I said, hindi pa napapanahon para sa akin ang politics.

“There is a right time for everything,” diin niya.

YESPINOY FOUNDATION. Tama na raw muna ang ginagawa niyang pagtulong ngayon sa maraming tao, lalo na ang mga kabataan, sa pamamagitan ng kanyang YesPinoy Foundation.

“Lagi ko namang sinasabi that you don’t have to be in politics to help many people.”

“May mga tao talaga na sa mundong iyon nababagay. And at the same time, nakakabigay sila ng tulong. Sa kanila tayo humahanga.

“In my case, okey naman ang mga ginagawa natin for YesPinoy Foundation. Nationwide ang pagbigay natin ng tulong through the help of our regional and provincial chapters.

“Kung kailangan talagang nandoon ako, ginagawan natin ng paraan.

“Ang mahalaga ay tuluy-tuloy ang pagtulong natin at marami pa tayong plano for YesPinoy Foundation in the many years to come,” ngiti pa ni Dong.

Malapit na ngang matapos ang primetime series ni Dong na Pahiram Ng Sandali sa GMA-7 kunsaan katambal niya si Max Collins. Hindi na nga raw mae-extend ito for another season.

Hindi pa alam ni Dong ang susunod niyang TV project pero meron na daw siyang masisimulan na film project.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

BACK WITH VIVA. Last year ay pumirma siya ng two-picture contract deal with Viva Films at makikipag-meeting na raw sila para sa pelikulang sisimulan niya.

“Pag-uusapan pa kasi namin ang magiging project for that.

“I heard nga na may project with Anne Curtis. But hindi pa naman sure ang lahat.

“Ang manager kong si Perry (Lansigan) ang nakakaalam ng lahat.

“But I am excited to start again with Viva Films. Sila ang naka-discover sa akin noong teenager pa ako via TGIS: Thank God It’s Sabado.

“Kaya it’s good to be back with them after more than 14 years,” ngiti pa niya.

Kasama nga si Dingdong sa second batch ng TGIS kunsaan nakasama niya sila Polo Ravales, Dinno Guevarra, Sunshine Dizon, Kim delos Santos and Antoinette Taus.

Mga nagawa niyang movies for Viva Films noon ay I’m Sorry My Love, Kiss Muna, Magkapatid, Akala Ko, Annie B., Pangarap Ko Ang Ibigin Ka at Honey, My Love, So Sweet.

Dahil nga award-winning actor na si Dingdong, dapat daw ay pang-award ang mga gawin nito tulad nang mga nagawa na niyang Segunda Mano at One More Try.

“Bakit naman hindi?” sabay tawa niya.

“Pero hindi naman kailangan na pang-award ang mga gawin ko.

“Sinusuwerte lang tayo tuwing Metro Manila Film Festival.

“Kailangan din nating gumawa ng mga commercial movies. Yung kikita sa box-office.

“Mas maganda kung kumita na, maganda pa ang performance na binigay natin.”

INTERNATIONAL FILM. This March ay ipapalabas na sa wakas ang matagal na niyang ginawang international film na Dance of the Steel Bars na tungkol sa Cebu Dancing Inmates na naging hit sa YouTube.

Ang GMA Films ang magre-release nito.

Kasama rito ni Dong ang Hollywood actor na si Patrick Bergin (Sleeping with the Enemy, Patriot Games), Ricky Davao, Mon Confiado, Joey Paras at Kathleen Hermosa.

Mula ito sa direksyon ni Cesar Apolinario at Marnie Manicad.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Balik din sa pag-produce si Dong dahil maganda ang kinita ng Tiktik: The Aswang Chronicles last year.

Pag-uusapan na raw nila ng ibang mga partners niya ang follow-up project nila para sa taong ito.

“Maganda yung may natutunan kami from the first movie.

“Ngayon mas magiging maingat na kami ngayon.

“Okey naman ang naging outcome nung Tiktik. May kinita naman kaming lahat.

“Kaya sa next project namin, we will make sure na kikita ulit kami with the same outstanding quality na napanood at nagustuhan ng marami sa unang ginawa namin.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN