“Bida Ang Mamamayan” ang napiling slogan ng social entrepreneurship advocate na si Bam Aquino para sa kanyang kandidatura para sa pagiging senador sa darating na May 2013 election.
Para kay Bam, napapanahon ang kampanyang ito upang mabigyang pansin ang pagtutulungan ng mga Pilipino.
“Ang ‘people power’ ngayon ay pang-araw-araw,” sabi ni Bam sa press conference na inihanda para sa launch ng kanyang website kahapon, February 7.
“‘Yong ‘people power’ na kung saan hindi na kailangan ng grand gestures that we find millions of people in the streets.
“Pero ‘yong mga tipo na sa araw-araw sa komunidad natin, nagtutulungan tayo at nagmamalasakit tayo sa isa’t isa.”
Mula sa pagiging tagapamahala ng National Youth Commission, naging interesado si Bam sa social entrepreneurship, isa sa kanyang isinusulong sa pamamagitan ng programang Hapinoy.
“It’s a ‘people power’ of different nature, hindi lang pulitikal, kung saan kahit hindi nakapagtapos ng high school, may kakayahan na maiangat ang kanilang mga sarili basta nabibigyan ng tamang programa at tamang tulong.”
THE CHAMPIONS. Kasabay ng pag-launch ng website para sa kampanyang ito, ipinakilala rin ng senatorial candidate ang mga katuwang niya na binansagang Bida Ang Mamamayan Champions.
Ito ay kinabibilangan ng aktor na si Dingdong Dantes, batikang singer-composer na si Jim Paredes, Senator Francis “Kiko” Pangilinan, Gawad Kalinga founder Tony Meloto, at ang co-founder ni Bam sa Hapinoy program na si Mark Ruiz.
“These are my comrades, my brothers already. Sila ‘yong mga taong nakasama na natin through the years,” ani Bam.
Bilang dating National Youth Commission head, nakita raw ni Bam ang kagustuhan ng mga kabataan na tumulong para sa ikauunlad ng kanilang komunidad.
Ito ang isang dahilan kung bakit naisip niyang hingin ang tulong ng aktor na founder ng Yes Pinoy Foundation.
“‘Yong Yes Pinoy Foundation ni Dingdong, ganun din ang pakay, ‘yong mga kabataan natin mailabas nila ang kanilang mga galing,” sabi ng 35-year-old senatorial candidate.
Pagdating naman sa relasyon niya kay Senator Pangilinan, sinabi ni Bam, “Tinayo namin ang TAYO (Ten Accomplished Youth Organizations) awards kung saan pinararangalan ang mga pinakamagagaling na youth organization sa bansa.
“Mula Region 1 down to ARMM [Autonomous Region of Muslim Mindanao], lahat ng probinsya sa ating buong bayan, mayroong mga kabataan na mga totoong bida ng kanilang mga komunidad.”
Katulad kina Dingdong at Senator Pangilinan, matagal na rin ang pagkakakilala nina Bam at isa pa niyang taga-suporta mula sa entertainment industry, si Jim Paredes.
Aniya, “Of course, si Jim is one of my mentors, if I may say.
“Politically, we’re always on the same side.
“The nationalism of Jim Paredes and the APO Hiking Society has led our country through many, many years.
“I’m so happy that he agreed to be here.”
WITHOUT HESITATION. Kung sina Dingdong at Jim ang tatanungin, hindi naman sila nagdalawang-isip ibigay ang kanilang suporta para kay Bam.
Sa press conference, sinabi ng kilalang miyembro ng APO Hiking Society na si Jim,
“I have no hesitation or whatsoever in showing my support sa isang napakamabuting tao. Matagal ko nang kakilala si Bam.
“I think we’ve had many, many, conversations—kapag may rally, noong mamatay si Tita Cory yata, nag-usapan din tayo, campaign ni Noynoy. Ang dami nang occasions sa mga in-attend-an namin.
“Ako talaga, very spot on ang politics ni Bam and he’s really a people person kaya puwede talaga siyang magsabi na ‘bida ang mamamayan’ and to use that slogan kasi naniniwala talaga siya sa mga mamamayang Pilipino. ‘Yon na talaga ang itunutulak niya.
Dagdag pa niya, “Wala akong hesitation to say that he’s actually number one.
“This is the kind of people that I would like to see play a very big role in the national life of our country. So, I’m here to give my total support kay Bam.”
Para naman kay Dingdong, matagal na raw niyang kilala si Bam simula high school pa lamang.
“Magmula noong mga panahon na iyon, isa na siya sa mga taong tinitingala ko.
“In fact, he’s one the reasons kung bakit pinagpursige ko ang pagcha-champion ng youth empowerment.
“Nakita ko na sa kanya mula noon ang kanyang consistency, from high school up to today. Nag-evolve siya from being a youth leader to being a social entrepreneur and many other things.”
Dagdag pa niya, ang pagsuporta kay Bam ay, “Hindi na kailangang pag-isipan kasi ever since we’ve been doing things together.”
NOT A PAID ENDORSEMENT. Samantala, hindi na bago sa publiko ang paghingi ng tulong ng mga pulitko sa mga artista para i-endorso ang kanilang kandidatura.
May ilan na nagbabayad ng mga showbiz personality para lamang sumama sa kanilang mangampanya sa iba’t ibang lugar sa Pilipinas.
Gayunman, nilinaw pareho nina Dingdong at Jim na kusang-loob ang kanilang pagsuporta para kay Bam.
Ani pa ni Dingdong, “I have nothing bad to say about them. It’s their choice.
“Most likely, ‘yong issue din for saying yes [to Bam] is that it goes beyond monetary reasons.
“I believe naman na di kailangan ganun, hindi lamang dahil sa pera-pera.”
Ayon pa kay Bam, ang samahan nila ay hindi lamang para sa pulitika, “I think that it will go on not just this elections but for the years to come.”
Sina Dingdong at Jim ay kilala ring celebrity endorsers ni Pangulong Noynoy Aquino sa kanyang kampanya noong 2010 elections.