Mommy Elvie succumbs to breast cancer at 84

“Life is too short. Live it now!” ito ang motto ni Mrs. Elvira Ramos-Villasanta, o mas kilala sa tawag na Mommy Elvie, noong nabubuhay pa siya.


Pumanaw na kahapon, February 8, ang ina ng komedyanteng si Ariel Villasanta—si Mrs. Elvira Ramos-Villasanta o mas kilala sa telebisyon bilang si Mommy Elvie.

Matagal nakipaglaban sa sakit na breast cancer si Mommy Elvie. Nagdiwang siya ng kanyang ika-84 na kaarawan noon lamang December 2012.

Sa St. Luke’s Medical Center sa Taguig City binawian ng buhay si Mommy Elvie.

Dapat sana ay sasailalim lang siya sa isang maselang operasyon. Pero na-comatose na raw si Mommy Elvie at hindi na nagising pa.



REALITY SHOWS. Unang nakilala ng publiko si Mommy Elvie sa reality-comedy series niya sa ABC-5 na Misadventures of Ariel & Maverick (2005) at Mommy Elvie’s Problematic Show (2007).

Noong 2011 ay napanood naman siya sa reality-comedy show ng GMA News TV na Mommy Elvie@18.

Umabot ng three seasons ang show niyang ito.

Sa second season ng Mommy Elvie@18, kabilang sa naging episode ay ang pagka-confine ni Mommy Elvie sa ospital para maoperahan dahil sa Stage 4 breast cancer.

Noong February 2012 ipinalabas ang episode na iyon, kaya eksaktong isang taon pang na-extend ang buhay ni Mommy Elvie bago siya tuluyang namaalam.



THE BUCKET LIST. Kinatutuwaan ng marami si Mommy Elvie dahil sa positibong pananaw nito sa buhay.

Kahit nasa twilight years na siya, hindi siya natakot na mangarap at gawin ang mga bagay na hindi niya nagawa noon.

Kabilang na rito ang maging isang celebrity at the age of 80.

Para kay Mommy Elvie, it’s never too late to dream. Habang may buhay, may pag-asa.

Ang kanyang motto sa buhay: “Life is too short. Live it now!”

Natupad naman ang lahat na nakalista sa ginawang bucket list ni Mommy Elvie.

Kasama rito ang mga sumusunod: “feed the hungry, shelter the homeless, peace in our country, eat whatever I want, magkaroon ng sariling premiere night, at gumawa ng isang ice cream commercial.”

Tinupad ng Magnolia Ice Cream ang wish ni Mommy Elvie nang ipag-produce nila ito ng sarili niyang TV commercial.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kasama rin sa bucket list ni Mommy Elvie ang makasama sa isang TV show ang Comedy King Dolphy. Natupad ito nang mag-guest siya sa Pidol’s Wonderland ng TV5.

Labis ngang nalungkot si Mommy Elvie nang mabalitaan niyang pumanaw na ang paborito niyang komedyante noong nakaraang taon.

Ang hindi lang natupad na wish ni Mommy Elvie ay ang ma-meet nito nang personal si President Noynoy Aquino.

Noong nagtatrabaho pa raw noon si Mommy Elvie sa Commission on Elections ay nakilala niya ang karamihan ng presidents at vice presidents.

Dahil sa walang mabigay na available schedule ang mga tauhan ni PNoy, ginawan na lang ng paraan na “ma-meet” ni Mommy Elvie ang “presidente.”

Nag-guest ang pamosong impersonator na si Willie Nepomuceno sa Mommy Elvie@18 at ginaya nito si PNoy.

Natuwa nga si Mommy Elvie dahil akala niya ay pumunta talaga ang presidente sa kanyang bahay. Sa huli na lang niya nalaman na si Willie Nepomuceno pala iyon.

Pero na-meet naman nang personal ni Mommy Elvie ang vice president na si Jejomar Binay. Personal na pinapunta ni VP Binay si Mommy Elvie sa kanyang opisina.

Ang iba pang nag-guest sa Mommy Elvie@18 ay sina Bella Flores, Mahal, Hubert Webb, Jason Zamora, Madam Auring, at ang kanyang pamangkin na si Joey de Leon at asawa nitong si Eileen Macapagal-de Leon.



SURVIVOR. Sa ngayon ay hindi pa nakakausap ng media si Ariel dahil sa sobrang kalungkutan sa pagyao ng pinakamamahal niyang ina.

Nag-iisang anak lang kasi si Ariel at matagal na ring pumanaw ang kanyang ama.

Ngunit noon ay “survivor” kung tawagin ni Ariel si Mommy Elvie.

Na-survive daw kasi ng ina ang maraming pagsubok ng buhay.

Kabilang na ang World War II, Martial Law, ang earthquake noong 1990, ang pagsabog ng Pinatubo, ang pagkamatay ng kanyang asawa noong 1994, at ang matinding baha na dulot ng Bagyong Ondoy na siyang nagpalubog ng kanilang bahay sa Provident Village sa Marikina City.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isama pa ang naging operasyon nito last year kunsaan nag-50/50 ito sa operating room, pero nagawa pa rin niyang magising at makapagbiro agad.

Marami ang hindi makakalimot sa pagiging komedyante ni Mommy Elvie dahil nakikipagsabayan ito sa pang-ookray ng kanyang anak.

Magaling mag-punchline si Mommy Elvie at hindi nito kailangan ng script tuwing nagte-taping sila ng show nito. Kung ano lang daw ang gusto nitong sabihin ang siyang sasabihin niya.

Marami rin ang bilib sa matalas na memory ni Mommy Elvie dahil memorized niya ang capital ng lahat ng bansa sa buong mundo. Paraan daw niya iyon para hindi siya maging ulyanin.

Ikinalungkot naman ni Mommy Elvie ang paghihiwalay ng kanyang anak na si Ariel sa businesswoman na si Cristina Castillo noong isang taon.

Wala raw ibang wish si Mommy Elvie noon kundi ang magkaayos na sana ang dating mag-asawa at hindi na umabot sa tuluyang paghihiwalay.

Pinaplano sana ni Cristina na ipag-produce ulit ng bagong show si Mommy Elvie, pero nagpabalik-balik na raw ito sa ospital at humina na nang husto ang katawan.

Nakalagak ang mga labi ni Mommy Elvie sa Christ The King Church sa Green Meadows, Pasig City.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN