Carla Abellana plans to give Valentine’s letter to boyfriend Geoff Eigenmann

Paano napapanatili nina Carla Abellana at Geoff Eigenmann ang matiwasay nilang relasyon? Payo ni Carla: “Kailangan, I would like to say na dapat hindi na balikan, pero kailangang balikan para lang ma-resolve na ang mga isyu. Kailangang pag-usapan. Hindi puwedeng palagpasin.”


Ilang araw pa man bago sumapit ang Valentine’s Day, may nakaplano nang gagawin ang magkasintahang sina Carla Abellana at Geoff Eigenmann.

Ito raw ang ikatlong Valentine’s Day nila bilang magkasintahan.

Ayon kay Carla, “Meron kaming reservation sa Rockwell.

“Actually, hindi siya triple date, parang quadruple o parang lima pa nga yata kaming pairs.

“Pero magdi-dinner kami sa Rockwell, sa Thursday mismo.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Carla sa blessing ng Reluxe Spa noong Linggo, February 10 sa Luxent Hotel, Timog Avenue, Quezon City.



GROUP DATE. Mas gusto nila ang ideya na group date sila kesa sa silang dalawa lang ang magka-date ngayong Valentine’s?

“Hindi naman... hindi naman sa mas gusto, pero maiba lang.

“Kasi, kapag Valentine’s Day, palaging couple lang.

"So, for a change, group kayo, pero couple pa rin. Grupo lang.

“Nagkataon lang din kasi na may nakuha kaming magandang deal doon sa restaurant.”

Hindi naman daw fine-dining restaurant ang kakainan nila, pero kahit paano ay naka-semi-formal daw sila.



VALENTINE’S LETTER. Tinanong din namin si Carla kung may nakahanda na siyang Valentine’s gift para kay Geoff.

Nakangiting sabi niya, “Wala pa, pero may naisip akong gawin.

“Baka sulatan ko na lang ng letter.

“Kasi, napanood ko kanina sa H.O.T. TV sina Ate Reg [Regine Velasquez] at Kuya Ogie [Alcasid], sabi nila, para maiba, huwag gagastos.

“Tapos sabi ko, ‘Oo nga, ‘no?’ Para maiba, magsulat na lang.

“Pero ginagawa ko naman dati, bibili ng card, magsusulat.”

Bilang pangatlong Valentine’s Day na nila ni Geoff na magkasama, kumusta naman ang mga nakaraang Valentine’s Day nila?

“Ano nga ba? Palagi kasing may taping, may trabaho.”

Pero sila ba ni Geoff ang couple na talagang nagdiriwang ng kanilang anibersaryo, monthsary?

“Hindi, hindi rin naman. Kapag anniversary, birthday… kasi, anytime naman puwedeng mag-dinner, mag-date.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



ENDURING. Kung tutuusin, isa ang relasyon nila sa masasabing nagtatagal at matatag.

Ano nga ba ang sikreto nila?

“Mahabang pasensiya!” natatawang sabi ni Carla.

“At saka lahat, kailangan pag-usapan.

“Kung meron kayong disagreement o merong mga away, hindi puwedeng palalampasin mo lang o itutulog mo lang.

“Kailangan, I would like to say na dapat hindi na balikan, pero kailangang balikan para lang ma-resolve na ang mga isyu.

“Kailangang pag-usapan. Hindi puwedeng palagpasin.”

Pinakamatagal na raw ang isang linggo na hindi sila nag-uusap kapag may tampuhan sila.

Sabi ni Carla, “Kasi, hindi rin naman namin natitiis. Siyempre, nari-realize namin.

“Si Geoff, siyempre, kapag alam naman niyang may mali siya, magso-sorry naman siya agad, mag-a-apologize siya.

“Ako lang yung kumbaga... Wala naman sa aming ma-pride, pero ako yung… yung pagod mo, ipapahinga ko muna.

“As much as I want to resolve the issue the day itself…

“May mga times na dahil sa trabaho, sa load ng trabaho o sa pamilya, nagkakaroon ng ganoon, nagkakasabay-sabay.

“Ako, yung gusto ko munang ipahinga ang utak ko.”



BUSINESS ADVICE. Nasa opening/blessing ng Reluxe Spa si Carla bilang suporta raw niya sa boyfriend niyang si Geoff. Isa kasi si Geoff sa may-ari at unang negosyo rin nito.

Hindi ba niya naisipang sumosyo rin?

“Ay naku, dapat nga mas nauna pa ako. Yung plans ko of opening a business, mas nauna pa kesa sa kanya.

“Naghihintay na lang ako ng puwesto.

“Matagal na, last year pa. Magpa-franchise ako ng spa, nail spa, yung Posh Nails.

“Okay na. Pero naghihintay lang ako ng puwesto dahil hindi pa kami binalikan ng mga in-email namin.”

Pero supportive daw si Carla sa bagong business venture ng boyfriend.

Aniya, “Nagbibigay nga ako sa kanya ng mga advice. Siyempre, first time niya, hindi biro ‘yan, business ‘yan.

“Hindi ‘yan basta-bastang pera. Parang bagong anak, kailangan tutukan ng maige—hindi puwedeng pabayaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Nagbibigay lang ako ng advice when it comes to service.

“Sabi ko, ‘Kailangan, alam mo ang services mo, may product knowledge ka. Para anytime na may gustong magtanong, may maisasagot ka.’

"At siyempre, yung mga tao, yung mga tao nila sa spa.

“So, konting advice lang dahil siyempre, ako ang babae, mas sanay tayo sa ganyan… sa mga spa, sa mga services.”



SHELVED. Kay Carla na rin namin nakumpirma na ang sisimulan sana niyang primetime series na Mrs. Snow White sa GMA-7 ay hindi na matutuloy.

“Wala na, na-cancel na siya. Hindi na matutuloy.”

Totoo nga bang masyado kasing mahal ang aabutin ng produksiyon kaya hindi na lang ito itinuloy?

“Hindi naman sa masyadong mahal, pero nahihirapan sila sa pag-execute ng show itself.

“Kasi, kakaiba ang story ng Mrs. Snow White, hindi lang siya yung typical na story.

“Kumbaga, story na ng life ni Snow White after niyang magpakasal.

“Kumbaga, yung vision ni Direk Mark Reyes sana, ultimo yung costumes, mga prosthetics, lahat, talagang malaki.

“Malaking project siya... mahirap i-execute.

"So, siguro sabi ng GMA, hindi pa ito ang time para maglabas ng ganoong project.

“Kailangang paghandaan nang mabuti, e, medyo pressed for time na rin kami.”

Aminado naman si Carla na noong una niyang malaman ang gagawing primetime series, talagang natuwa siya.

“Na-excite ako. Dream role ko yun, bata pa lang ako, fan na ako ng Snow White.

“Pero sabi ko, okay lang. Mas mabuti na yung ganoon kesa ituloy natin tapos hindi naman natin mapapanindigan.

“E, di kami lang ang magsa-suffer… yung show.”

Yung totoo, hindi ba siya na-disappoint, sumama ang loob sa hindi pagkakatuloy ng Mrs. Snow White?

Tugon ni Carla, “Hindi naman. Nalungkot lang ako kasi ang ganda sana. At saka, cute, e.

“Pero sabi ko, okay lang kesa mahihirapan kami. Pangit ang prostethic, ang effects, so, okay lang din,” saad niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW



PRIMETIME DRAMA. May nakahanda na rin naman daw ang GMA-7 na kapalit niyang proyekto.

Ayon pa rin kay Carla, “Drama pa rin, primetime.

“Pero kasi ngayon, hindi naman sa ano, wala pang matatapos sa primetime, yung Pahiram ng Sandali pa lang yata ang first.

“Siguro, kailangan ko lang maghintay ng bakanteng slot.

“Pero meron na, wala pang title, pero kahit paano, alam ko na ang makakasama ko.”

Puwede na niyang sabihin kung sino-sino ang mga ito?

“Hindi pa... Siguro yung leading man na lang, first time kong makakatrabaho.”



SARAH LAHBATI ISSUE. Kinamusta rin namin kay Carla kung ano ang naging reaksiyon niya sa mga nangyari na sa isyu ni Sarah Lahbati at ng kanilang network.

Si Carla ang isa sa mga huling nakasama ni Sarah sa teleserye nilang Makapiling Kang Muli.

Masasabi ring naging saksi siya sa pagkakaroon ng relasyon noon nina Sarah at Richard Gutierrez.

Sabi naman ni Carla, “Ako, nalungkot ako.

"Nalungkot ako na sabi ko, bakit kailangang umabot sa ganoon na ang pangit-pangit na. Very unfortunate.

"E, ako, mahal ko si Sarah.

“Sabi ko naman, ang daming lumalabas na isyu about her, pero kinagulat ko talaga kasi hindi ganoon ang pagkakakilala ko sa kanya.

“Nakita ko how professional she is. Walang alma ang batang ‘yan—hindi umaalma, hindi nagrereklamo. Napaka-pasensiyosa.

“Napaka-passionate niya sa trabaho niya, so wala akong nakikita at all… wala akong na-feel.

“Bago pa lang siya at ako pa ang nag-host ng StarStruck, nanalo siya.

"So, parang, ’Ay, ganoon lang kabilis, nawala na agad.’”

May komunikasyon pa rin sila?

“Sa Twitter at saka sa Instagram… kinakumusta ko siya.

“Sabi ko, ‘Balik ka na rito,’ yung mga ganyan.

"Wala naman siyang sinasabi kung kailan siya babalik o kung babalik siya.

“Pero, may sinasabi naman siyang, ‘Soon,’ ganyan…

"So, at least, alam mong babalik din siya eventually, nagpapahinga lang siguro.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Dugtong pa ni Carla, “Nakakalungkot lang, especially for them, sila ni Chard.

“Kasi, bago lang ang relationship nila tapos nagkahiwalay na agad sila ng distance.

“Alam ko, kahit paano, Chard is hurting talaga dahil sa nangyayari.

“So, nakakalungkot lang.

"Napakabait ng batang yun—napaka-professional.

“Love ko siya. So, sana bumalik siya.

“Sana maayos ang lahat at magkaroon pa rin siya ng chance.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN