Manila Vice Mayor Isko Moreno and five councilors arrested for illegal gambling; Erap Estrada suspects arrest was politically motivated

Inaresto kahapon si Manila Vice Mayor Isko Moreno at limang konsehal ng naturang siyudad, kabilang na ang aktor na si Yul Servo, dahil diumano sa illegal gambling. Pinakawalan sila pagkalipas ng halos labindalawang oras sa kakulangan ng ebidensiya.


Inaresto ng mga pulis si Vice Mayor Isko Moreno at limang konsehal kahapon, February 16, bandang alas-kuwatro ng hapon, dahil daw sa pag-oorganisa ng ilegal na sugal.

Nangyari ang pag-aresto kina Isko sa Brgy. 384 sa Tambunting, Manila.

Nakatanggap daw ng reklamo ang mga pulis sa Station 3 ng Manila Police District na mayroong nagpapa-bingo sa lugar.

Ayon sa panayam ng Interaksyon kay station commander Superintendent Ricardo Layug, kinumpiska ng kanyang mga tauhan ang bingo cards na may mga naka-imprentang pangalan nina Erap, Isko, at iba pang mga tumatakbo para sa lokal na halalan.

Sabi ni Layug, “Nandiyan po yung mga pangalan ng mga pulitiko... Una nating titingnan, nasaan po ba yung permitnila para diyan sa lugar na ’yan.”

Pero idiniin naman ni Isko—Franisco Domagoso sa tunay na buhay—na hindi sila lumabag ng anumang batas.

Sabi pa niya, hindi na ilegal ang paglalaro ng bingo batay sa ginawang pag-amyenda ng Kongreso sa Presidential Decree 1602, na nagbabawal magpa-bingo sa mga pampublikong lugar.

Isinagawa raw ang palarong bingo na yun sa isang “private property” at hindi raw siya tumaya o maging yung limang konsehal.

Ayon pa kay Isko, nagpunta siya sa Tambunting St., matapos siyang makatanggap ng report na hina-harass ng mga pulis ang mga konsehal na nagpapa-bingo.

Pero pati raw siya ay isinama nang inaresto.

Ang mga konsehal na inaresto ay kinilalang sina Ernesto Isip Jr., Bernardito Ang, Joel Chua, Ma. Asuncion Fugoso, at ang aktor ding si Yul Servo (John Marvin Nieto).

Sinabi naman ni Isko sa panayam sa kanya ng ABS-CBN News na may isang pulis na diumano ay nanakal sa isang konsehal na inaresto nito.

Kuwento niya, “Yung isang konsehal ko sinasakal ng pulis, binuhat ng isang pulis, e, inawat ko. Tapos nagkagulo na ang taong-bayan, there are about two thousand people in the area, bata at matanda.

“Siyempre naawa ako, inawat ko sila. In the end, kaming lahat ang inaresto.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kaugnay ng pag-aresto kina Isko at mga kasamahan nito ay nagkaroon ng kaguluhan, at dinala ang bise-alkalde sa ospital para sa medical check-up.

Ilang pulis din daw ang nasaktan dahil sa pag-alma ng ilang mga residente.



PRESIDENT ERAP. Napasugod din si dating Pangulong Joseph Estrada sa Manila Police District Station 3 para magbigay ng suporta sa kanyang running-mate sa Manila electoral race.

Posibleng politically motivated din daw ang lahat ng ito.

Sabi ni Erap sa DZMM, “Siguro may pulitika ito, may order mula sa itaas.”

Ayon pa sa dating Pangulo, magpa-file siya ng demanda sa mga pulis na nag-aresto kay Isko at sa limang konsehal.

“Wala silang kasong maipa-file, kami ang magpa-file ng kaso for illegal arrest.”

Sinegundahan naman ni Isko ang pananaw ni Erap na posible nga itong isang political harrassment.

“Noong lumipat kami ng partido, lahat bawal na. We have been doing this for the past five years, every week.

“This is just a peaceful assembly. Kaya ipinapaliwanag ko sa kanila, bakit kayo sumusunod sa nakakataas sa inyo na mali naman ang inuutos sa inyo… ito na maliwanag na political harassment lang.”

Dagdag pa niya, nakapagtataka ang timing ng pag-aresto.

“Ang ganda ng timing, Sabado. Para pag na-inquest kami, hindi kami makakapagpiyansa, sa Lunes na kami lalaya.

“E, kung kayo mag-iisip, talagang harassment na.”

Payahag pa niya, nasaktan daw ang ilan sa kanyang mga konsehal.

“Dinakma kami, e, literally by force.”

Pero paliwanag ni Chief Superintendent Layug, “May mga supporters kasi doon na hindi nila ma-kontrol, binabato kami.

“Kahit nga ako nabato pero pinilit kong i-secure si Vice Mayor. Siya ang una kong kinuha para hindi siya tamaan.”



MAYOR LIM DEFENDS THE POLICE. Ipinagtanggol naman ni Mayor Alfredo Lim ang mga pulis na umaresto kina Isko.

Aniya, “E, kung akala niya na konsehal sila e above the law sila, siyempre pag lumabag ka sa batas, aaksyunan ng pulis.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Unang-una, yung sugal, bawal yun, e, kaya dapat bigyan ng komendasyon yung mga pulis na ginampanan ang kanilang tungkulin.”

Diin pa niya, walang kinalaman ang pagka-aresto sa kanyang vice mayor sa nalalapit na eleksiyon.



RELEASED. Ayon naman sa pinakahuling ulat ng GMA News, nakalabas na ng presinto sina Vice Mayor Isko at ang limang konsehal kaninang madaling-araw, February 17, halos labindalawang oras matapos silang arestuhin.

Pinakawalan sila dahil sa kakulangan ng ebidensiya.

Pinasalamatan ni Isko ang kanyang mga tagasuporta sa kanyang Twitter account para sa kanilang panalangin at suporta.

Aniya, "Finally we were released by Fiscal Cerezo for insufficiency of evidence! Thank sa lahat ng dasal nyo at suporta, patunay na walang mali smin.”

Nang magtanong naman ang isang follower niya kung mananagot ang mga nagpakulong sa kanila, nagpahiwatig si Isko na gagawa sila ng legal na aksyon.

“Meron soon,” sagot niya.

Nag-post din ang actor turned politician sa kanyang Twitter account ng mga larawan ng kanyang galos na na nakuha niya mula sa kaguluhan habang inaaresto sila.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN