Mommy Dionisia Pacquiao claims the Virgin Mary still appears before her: “Magkasala man ako sa Diyos kung nagsinungaling ako.”

Naniniwala si Mommy Dionisia na isa siyang halimbawa sa mga kababaihan, lalo na sa mga ina, na dapat ay kumapit lang sa dasal para malagpasan ang lahat na pagsubok. Saad niya, “Gusto ko ipaabot sa mga tao, na dapat ako ang ehemplo sa mga ina na kahit lahat hirap at sobrang lungkot na napagdaanan n’yo. Sana ako ang ehemplo, at ako ang inyong model… sa lahat na mga nanay, ako ang modelo sa inyong lahat kung gaano si Mommy D ka-strong, madasalin, at mapagmaha


Nakasama ang PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa grupo ng StarTalk na dumalaw noong Sabado, February 16, sa bagong bahay na ipinapatayo ni Mommy Dionisia Pacquiao sa General Santos City.

Naabutan namin ang ina ni Manny Pacquiao na pinagsasabihan ang kanyang engineer na dapat ay matapos na raw ang bahay niya bago matapos ang buwang ito dahil may bisita raw siyang taga-TV5 sa susunod na buwan.

Ang tinutukoy ni Mommy Dionisia na "bisita" ay si Aga Muhlach, na host ng Pinoy Explorer. Baka raw kasi i-feature siya sa show ng aktor sa Kapatid network.

Kaya naisipan daw ni Mommy Dionisia na magpatayo ng bahay malapit sa isang mansiyon nina Manny at Jinkee Pacquiao dahil ayaw na raw niya nung dati niyang bahay kung saan naaksidente siya noong isang taon.

Kuwento niya, “Kasi one time, yung takong ko sa shoes ko na pang-dancing, nasabit sa carpet, kaya nahulog ako.

“Mabuti na lang yung kamay ko nasangit [sumabit] sa barandilya na bakal.”

Hindi raw siya naospital dahil hindi naman siya napilayan. Pero hindi na raw siya natuloy sa ballroom dancing niya, at pinagpahinga na lang ito.

Dahil dun, naisip daw niyang magpatayo ng bahay na walang hagdanan at diretso na raw sa kuwarto niya.

DREAM HOUSE. May biniling lupa si Mommy Dionisia na mahigit one thousand square meters ang laki, at naisipan daw niyang patayuan na ito ng bahay na masasabing dream house na niya.

“Ako ang nagplano ng bahay,” pagmamalaki pa ni Mommy Dionisia.

“Matagal ko na nabili ang lupa.

“Kinausap ko si Manny, ‘Anak, ipagawa mo naman ako ng bahay, kasi wala na akong panggawa ng bahay.’

“Sabi niya, ‘Sige, bigyan kita.’”

Ito na raw ang gagamitin niyang retirement house, dahil lahat ng gusto niya sa isang bahay ay nandito na.

Sa ngayon ay pinagkaabalahan ni Mommy Dionisia ang pag-asikaso sa pangangampanya sa pagtakbo nina Manny at Jinkee sa Saranggani at ang anak niyang si Rogelio sa GenSan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Todo-raw ang suportang ibinibigay niya sa kanyang mga anak at iyon lang daw ang madalas na ipinagdarasal niya sa ngayon.

THE MIRACLE. Naikuwento rin ni Mommy Dionisia sa PEP na hanggang ngayon ay patuloy pa rin daw naghihimala sa kanya ang Mahal na Birhen.

Mula pa raw nung ipinagbubuntis ni Mommy Dionisia si Manny ay nagpakita na raw sa kanya ang Mahal na Birhen at nagparating daw ito ng mensahe sa kanya.

Kuwento ng ina ng Pambansang Kamao, “Nung buntis pa lang ako kay Manny, laging nagpapakita sa akin ang Mahal na Birhen. Nagpapakita talaga sa akin si Mama Mary dito sa tagiliran.

“Nagsumbong ako noon sa pari, sabi nila, ‘Gising ka ba o nananaginip lang?’

“Sabi ko, ‘Hindi, gising ako nun, nagpapadede ako sa anak ko.’”

Ipinagdiinan ni Mommy Dionisia na totoo ang lahat ng kuwento niya at hindi raw iyon imbento.

“Nakita ko talaga si Mama Mary sa tabi ko.

“Wala kaming ilaw noon. Pero maliwanag.

“Hanggang ngayon, nagpakita pa.

“Akala ko hindi na magpapakita, 1978 pa yun. Pero nagpakita pa rin sa akin hanggang dito sa General Santos.

“Kahit mga katulong, nagulat sa akin. Sabi sa akin, ‘Mommy, may multo ba ‘tong bahay mo?’

“Kasi brownout nun, bigla na lang nagliwanag.

“Magkasala man ako sa Diyos kung nagsinungaling ako,” sabi pa niya.

Hinding-hindi raw niya makakalimutan ang mensaheng gustong iparating sa kanya ng Mahal na Birhen.

“Sabi sa akin, ‘Huwag kayo malungkot, babae, nandito naman ako palagi sa likod mo.’

“Kaya strong ako, nag-hanapbuhay. Kahit iniwanan ako ng husband, strong pa rin ako dito sa puso ko.

“Siya ang nagbigay ng lakas loob sa kahirapan, tiniis ko.

“Kaya nga may masabi ako sa mga kapwa ko babae, kaya tiis lang tayo basta sinsero lang tayo sa ating Diyos."

MANNY’S DEFEAT. Nung natalo raw si Manny sa huling laban nila ni Juan Manuel Marquez, hindi raw siya nakaiyak dahil naalala niya ang mensaheng ipinarating sa kanya ni Mama Mary.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi ako nakaiyak. Bakit hindi ako nakaiyak?

“May message sa akin ang Mama Mary. Sabi niya, ‘Babae, huwag na kayong malungkot. Ako ang magdisiplina ng anak mo.’

“’Yan ang sinabi ko kay Manny… ewan ko lang,” sabi nito at sandali siyang natahimik.

“Sabi pa niya, ‘Huwag kayong malungkot kasi ako ang bahala sa anak mo, kung tanggapin pa niya ako.’

“Kung tanggapin niya tayo, magmensahe ako sa kanya… sa kanyang kabutihan,” sabi nito, na ang tinutukoy niya ay ang pagpalit ni Manny ng relihiyon.

Emosyonal na itong nagpahayag na iyon na lang daw ang ikinalulungkot niya dahil hindi na raw niya nakakasama sina Manny at Jinkee sa pagsimba tuwing Linggo.

“Palagi ako mag-iyak sa kuwarto. Mabuti na lang may kaibigan ko, palagi ko text.

“Nami-miss ko talaga ang anak ko nung nagsama kami sa simbahan. Ialay ko na lang sa Diyos ‘yan,” malungkot niyang pahayag.

IDOLATRY. Hiningan ng PEP ng reaksiyon si Manny tungkol sa sinabi ng kanyang ina.

Sabi ng Pambansang Kamao, “Kailangan pa bang magkasama kami sa ano… hindi lang pakitang-tao na makita kaming magkasamang nagdadasal?

“Iyon lang naman ang sinasabi ko sa Mama ko, ‘Iwasan mo talaga ‘yang idolatry. Kasi iyan talaga ang pinaka-detestable thing in the sight of God.’

“Kahit na sino pa ang magsabi diyan na pastor o pari…

“Nabasa ko na from Genesis to Revelation, ang daming mga verses dun, na kahit tambakan pa diyan ng mga verses na one of the detestable things in the sight of God—iyon talaga ang idolatry.”

Masaya naman daw si Manny sa pananampalataya ng kanyang ina, at wala naman daw siyang magagawa doon.

Ang sa kanya naman daw ay may sarili siyang paraan sa pagdarasal base sa kanyang paniniwala at nababasa sa Bibliya.

Sa kabilang banda, naniniwala pa rin si Mommy Dionisia na puwedeng mabago ang kanyang anak at mabalik ang kinagisnan nitong paraan ng pananampalataya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Aniya, “Malaki ang pag-asa ko. Kaya lang sabi ko, nandiyan na.

“Naisip ko na ang nakasulat sa akin sa almanake [almanac], na madami ako na madaanan na sugat.

“Sabi ko, anong sugat, sugat sa puso, ipagdasal na lang natin sa Diyos, na kahit hindi ka pa nagpalit ng relihiyon… nandiyan ka pa rin, hindi ka mababago.

“Ang Ina, nandiyan palagi sa likod nila, nandiyan pa rin ang suporta.

“Ipinagdasal ko sila, mga anak ko pinagdasal ko sila na, ‘Lord, gawin mo silang strong kagaya sa akin.’

“Ipinagdasal ko si Manny, ‘Lord, ibalik mo naman ang anak ko sa harapan mo. Mama Mary, ibalik mo siya.’

“Wala si Manny ngayon kung wala ang Mama,” seryoso niyang pahayag.


EX-HUSBAND. Napangiti naman si Mommy Dionisia nang tinanong namin tungkol sa kanyang dating asawa.

Inamin niyang mahal pa rin daw niya ito dahil ama naman daw ito ng mga anak niya.

Wala na raw siyang nararamdamang galit sa dating asawa.

Sabi niya, “Wala naman, palagi kami nagkita.

“Nagkita kami kanina, nagkuha siya mga T shirts.

“Sa akin, wala na akong masama na iniisip sa kanya, wala akong galit kasi tanggap ko naman.

“Pero siya ayaw niya mapakiusap sa akin, kasi siya, parang nahihiya siya.

“Sa isip ko, baka nahiya siya sa kasalanan niya.

“Alam ng Diyos, wala akong dinadalang galit. Sabi ng Diyos, ang taong may dinadalang galit, hindi Niya matanggap ‘yan.”

Kahit ang kinakasama ngayon ng dating asawa ay nakikita raw niya, kaya lang hindi naman daw ito makatingin sa kanya nang diretso.

Kuwento ni Mommy Dionisia, “Nagkita kami nung birthday ni Manny, hindi ko alam siya ang katabi ko.

“Hindi ko alam bakit nakatungo siya sa akin. Sabi ko, ‘Huwag kayo mahiya sa dami ng tao.’

“Tinitingnan ko siya, hindi nakatingin sa akin.

“Sabi ko nga, ‘Salamat nandun ka na sa kanya. Salamat, inaalagaan mo mabuti ang husband ko.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

ROLE-MODEL. Sa dami ng pinagdaanan ni Mommy Dionisia, ipinagmamalaki niyang puwede siyang magsilbing halimbawa sa mga kababaihan, lalo na sa mga ina, na dapat ay kumapit lang sa dasal para malagpasan ang lahat na pagsubok.

Kaya ang mensahe nito sa lahat:

“Ang gusto ko lang sa lahat na mga friends ko at mga fans ko, gusto ko maalala nila ang kabutihan ko, na mapagmahal ako.

“Gusto ko ipaabot sa mga tao, na dapat ako ang ehemplo sa mga ina na kahit lahat hirap at sobrang lungkot na napagdaanan n’yo.

“Sana ako ang ehemplo, at ako ang inyong model… sa lahat na mga nanay, ako ang modelo sa inyong lahat kung gaano si Mommy D ka-strong, madasalin, at mapagmahal sa kapwa tao, lalo na sa kanyang mga anak.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN