Mel Tiangco recalls most painful part of her life: "Yun ang pang-aapi sa akin ng ABS... Kasi sobra ang panlalait sa akin. Sobra ang pagtapak sa akin."

Kung may bahagi man daw ng buhay ni Mel Tiangco na maaaring gawing istorya sa kanyang drama anthology na Magpakailanman, ito ay ang ginawa diumano sa kanya ng dati niyang home network na ABS-CBN. Saad ng newscaster, "Feeling ko, para akong ipis nun. Alam n’yo naman kung paano ba patayin ang ipis? Di ba, tinatapakan, tapos idiin pa para mapisa nang husto? Ganun ang feeling ko nun.”


Humarap si Mel Tiangco sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at iba pang miyembro ng media kahapon, February 18, para sa publicity ng Magpakailanman.

Papasok na sa second season ang drama anthology na ito ng GMA-7 simula sa Sabado, February 23.

Ipi-feature nila sa darating na Sabado, bilang pagsisimula ng second season, ang kuwento ng batang si Kesz Valdez na Peace Prize winner sa Netherlands. Gagampanan ni Vincent Magbanua ang papel na Kesz.

Nangako si Mel na mas mabigat at mas well-researched ang ilalahad nilang kuwento sa second season dahil iyon daw ang kaibahan nito sa dating Magpakailanman.

Pahayag ni Mel, “Before I accepted it, isa sa mga hiniling ko, ang mga istoryang mala-news ang klase ng pag-aaral at pagsasaliksik ng istorya.

“Ibig sabihin, talagang accurate.

“You have to be up-to-date. You have to present the truth, only the fact.

“Kaya ganun ang napapanood n’yo ngayon, kaya malalim ang napapanood n’yo na istorya.”

Aminado si Mel na may pagka-pakialamera siya pagdating sa kanyang programa. Inaalam daw niya lahat.

Ito ay para raw matiyak na maganda ang kalalabasan ng mga kuwentong inilalahad sa drama anthology na kanyang hinu-host.



STORY OF HER LIFE. Sinundan namin ng tanong si Mel kung willing ba siyang ibahagi ang kuwento ng kanyang buhay para sa Magpakailanman.

“Hindi nga, e. Napaka-corny ng buhay ko!” natatawa niyang sagot.

Pero nag-suggest kami na baka puwedeng i-share nito ang ilang bahagi lang ng buhay niya na pang-Magpakailanman.

“Naku, baka hindi puwede! Kasi yun ang pang-aapi sa akin ng ABS,” pakli nito.

Dagdag pa ng Kapuso newscaster, “Pero puwede ba yun? Baka idemanda tayo!

“Kasi kung meron mang bahagi ng buhay ko na may matinding pinagdaanan ko—iyon, e.

“Wala naman yatang iba, e.”



FORMER KAPAMILYA. Muling nanariwa kay Mel ang mapait umanong pinagdaanan niya noong tinanggal siya sa ABS-CBN, halos labinwalong taon na ang nakararaan.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matatandaang noong 1995 ay sinuspinde si Mel ng ABS-CBN, without pay, sa programa nitong Mel & Jay, dahil sa paglabas niya sa isang detergent commercial.

Nilabag diumano ni Mel ang isang circular na nagbabawal sa radio and news and current affairs talents ng ABS-CBN na lumabas sa commercial advertisements nang walang pahintulot ng management.

Dahil dito ay nagkaroon ng legal battle sa pagitan ni Mel at ng ABS-CBN, na naging dahilan ng paglipat niya at ng dating co-host na si Jay Sonza sa GMA-7.

Sabi ni Mel, “Kasi sobra ang panlalait sa akin. Sobra ang pagtapak sa akin.

“Dini-describe ko nga nun na, feeling ko, para akong ipis nun.

“Alam n’yo naman kung paano ba patayin ang ipis? Di ba, tinatapakan, tapos idiin pa para mapisa nang husto?

“Ganun ang feeling ko nun.”

Sa kabila ng mga sinasabi niyang pang-aaping dinanas niya, marami naman daw natutunan si Mel, at matagal na raw niyang pinatawad ang mga nasa Kapamilya channel.

“Ang natutunan ko lang sa experience na yun, ‘You cannot put a good man down.’

“Pero alam mo noon, litung-lito ako, na hindi ko alam kung ano ang gagawin ko.

“Kasi, you know, I love that company very much. I gave everything I had.

“’Bakit ako ginaganito?’ Yun lang ang umaano sa isip ko, ‘Ano ba ang ginawa ko? Bakit nila ako ginaganito?’

“But I did not lose my equilibrium. I did not lose my balance.

“I was still in control of my life.

“Dun na rin ako humugot ng lakas, kasi alam ko na mabuting tao ako. Alam ko na mabuting empleyado ako.

“Ibinuhos ko na lahat, malinis ang puso ko, malinis ang konsensiya ko.”

VINDICATED. Sabi pa ni Mel, kahit hindi humingi ng tawad ang mga nang-api sa kanya, matagal na raw niyang pinatawad ang mga ito.

Ito ay dahil na rin daw sa mga magagandang blessings na natamo niya matapos siyang lumipat sa GMA-7.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sabi nga sa akin, ‘Vindicated ka.’

“Lumipat ako dito, naging number one ang newscast ko.

“Tapos nag-number one ang Magpakailanman nun, yun ang medyo yumanig nun sa Maalaala Mo Kaya, e.

“Ito yung mga bagay-bagay na talagang nagsasabi sa akin na, ‘Pabayaan n’yo na yun, kalimutan n’yo na lang yun.’

“Napatawad ko na sila kahit hindi sila nagsu-sorry. Napatawad ko na sila.

“Bakit hindi ko sila papatawarin, e, ang ganda-ganda ng buhay ko dito sa GMA.

“Napakabait nila sa akin, napakarami kong fulfillment here at GMA,” napapangiti niyang sabi sa PEP.

MEL’S MESSAGE. Hindi na namin pinilit si Mel kung sino ang taong tinutukoy niyang nang-api sa kanya. Pero hiningan namin siya ng mensahe sa taong tinutukoy niya na mula sa ABS-CBN.

Seryoso siyang humarap sa kamera at nagsalita:

“Sir, sana po nakakatulog kayo nang mahimbing.

“Ang buhay po ng tao ay hindi materyal lang ang mahalaga.

“Sa buhay ng tao ay mahalaga na lilingon ka at marami ang nagsasabi sa ‘yo, ‘Napakabuti mong tao.’

“Sana po dumating ang panahon, sa inyo mangyari ‘yan.”

Pagkatapos ng interview, sinabi pa ni Mel na dapat daw ay “sirs” ang sinabi niya dahil marami raw sila.

May isang babae rin siyang tinukoy na nang-api sa kanya, pero hindi raw karapat-dapat na tawaging “Ma’am,” kaya hindi na lang daw niya babanggitin ang pangalan.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN