YES! probes "unfortunate incident" between Maricel Soriano and Gerald Anderson; source hints at unrequited affection as possible trigger

Hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtatanong kung ano nga ba talaga ang istorya sa likuran ng insidenteng naganap sa pagitan nina Maricel Soriano at Gerald Anderson sa first taping day ng isang teleserye. Sa special report ng YES!, may ilang sources na nagkuwento na maaaring makapagpalinaw sa naturang insidente.


Halos isang buwan na ang nakalilipas mula nang magkaroon ng insidente sa pagitan nina Maricel Soriano at Gerald Anderson.

Ito ay naganap sa first taping day ng dapat sana’y pagsasamahan nilang teleserye sa ABS-CBN, ang Bukas Na Lang Kita Mamahalin. Ito rin dapat ang comeback vehicle in Maricel sa ABS-CBN.

Dahil sa insidenteng iyon, nawala sa project ang Diamond Star, at pinalitan siya ni Dawn Zulueta, na siya nang gaganap bilang ina ni Gerald sa istorya.

Ngunit hanggang ngayon ay marami pa rin ang nagtatanong kung ano talaga ang kuwento sa likod ng insidenteng ito.

Sa special report ni Jocelyn Valle para sa YES! March 2013 issue, na may pamagat na “An Unfortunate Incident,” ilang sources ang nagkuwento kung ano ang pinag-ugatan ng paninigaw ni Maricel kay Gerald sa taping ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin.

Yun lamang, magkaiba ang interpretasyon nila ng mga pangyayari.


ONE SET OF SOURCES. Ayon sa tatlong magkakahiwalay na sources, sinusubukan ni Maricel na kontakin si Gerald sa pamamagitan ng text messaging para magkita sila at makabuo ng rapport.

Sabi sa YES! ng unang source sa grupong ito: “Tinitext daw ni Marya [palayaw ni Maricel] si Gerald to bond, para siyempre, pagdating sa set, ‘yong mother-son eksena, hindi sila hirap.

“Siyempre, dahil first sabak nga nila, ‘ta’s mother-son ‘yong eksena, nahihirapan si Ge [Gerald’s nickname], kaya ginano’n ni Marya.”

Ang ibig tukuyin ng source ay nang sigawan at kagalitan ni Maricel si Gerald sa harapan ng crew sa unang taping day.

Sabi pa ng source na ito, “Siguro, nainsulto na rin na hindi siya nireplayan. Siyempre, Maricel Soriano ako, e. Kung hindi ka puwede, you can politely decline, gano’n.”

Sabi naman ng ikalawang source sa grupong ito, “Nagti-text-back naman si Gerald, pero ang sabi lang niya, “Sige po, aayusin ko po’ng schedule ko.’”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ayon pa sa ikatlong source sa grupo ring ito, ang kaisa-isang pagkakataon na nagpadala ng kaibang text message si Gerald kay Maricel ay noong January 1—upang batiin ang aktres ng “Happy New Year!”

Bago ang mga text messages na ito ay dalawang beses pa lang nagkikita sina Maricel at Gerald.

Una, sa story conference ng Bukas Na Lang Kita Mamahalin noong September 24.

Pangalawa, sa birthday party ng ABS-CBN executive na si Deo Endrinal noong November 6.

Sumunod na pagkikita ng dalawa ay noong January 13—sa first taping day nila para sa Bukas Na Lang Kita Mamahalin.

Habang magkaeksena, nag-buckle raw sa kanyang linya si Gerald, na siyang ikinagalit ni Maricel. Sabi raw ng aktres:“Yun na nga ang sinasabi ko, e! Ayaw mo kasing makipag-bonding!”



ANOTHER SET OF SOURCES. Kinumpirma naman ng isa pang grupo ng sources ng YES! na ilang beses ngang sinubukan ni Maricel kontakin si Gerald sa pamamagitan ng text.

Ngunit kung hindi man daw sumasagot ang young actor ay malabo ang mga sagot nito.

Pero sinasabi ng mga sources na ito na may kakaibang dahilan ang Diamond Star sa gusto nitong bonding kay Gerald: Higit pa raw sa propesyunal na lebel ang gusto ng nakatatandang aktres, at di kalaunan ay natakot sa kanya ang batang aktor.

Ayon sa isang source sa grupong ito, panay nga raw ang imbita ng aktres sa Kapamilya actor para mag-dinner o cocktails. Gusto raw kasi ni Maricel na magkaroon ng “preparatory work” kasama si Gerald para sa kanilang teleserye.

Isa raw sa mga imbitasyong ito ay noong January, at dito ay pinapupunta umano ni Maricel si Gerald sa kanyang bahay para mag-bonding sila.

Dumating naman daw si Gerald, matapos magpaalam sa kanyang talent management team na Star Magic at matapos isama ang isang kaibigang lalaki.

Ikinagalit daw ito ni Maricel. “Basta bigla daw nagalit si Marya,” sabi ng source na ito.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Kinumpirma naman ng ikalawang source sa grupong ito na may ganoon ngang imbitasyon mula kay Maricel at nagalit ito sa pagkakadala ni Gerald ng kasama. Pero pinapasok naman daw ang dalawa sa bahay ng Diamond Star.

Pagdating sa ikatlong source sa grupong ito, mas may nakakagulat nang rebelasyon: May pagtingin daw si Maricel kay Gerald, ngunit hindi ito sinusuklian ng aktor.

Sa ibang salita, may unrequited affection daw si Maricel kay Gerald.

Dahil dito, ayon pa sa source, naiinis ang Diamond Star kapag nali-link si Gerald sa younger actresses, gaya nina Maja Salvador at Kim Chiu.

Narinig daw ng mga nasa set na binabanggit ni Maricel ang mga pangalan nina Maja at Kim nang sinisigawan nito si Gerald.

Bagamat parehong single ngayon sina Maricel at Gerald, malayo ang agwat ng kanilang mga edad.

Si Maricel, na may dalawang anak, ay 48 years old sa February 25; samantalang si Gerald ay 24 years old sa March 7.

Dahil ang dalawang grupo ng YES! sources ay may kani-kanyang interpretasyon sa "unfortunate incident"—ang mga salitang nanggaling na rin sa official statement ng ABS-CBN tungkol sa insidente—walang ginawang konklusyon ang magasin sa pangyayari.

Para sa kabuuang detalye ng istoryang ito tungkol kina Maricel at Gerald, basahin ang March 2013 issue ng YES!, na mabibili sa leading newsstands at bookstores simula bukas, February 20.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN