“City of Stars” ang bansag sa Quezon City.
Kaugnay nito, may mga ilang proyekto si incumbent Mayor Herbert Bautista na layuning mas mapasigla pa ang showbiz industry, gaya halimbawa ng naumpisahan nang Quezon City Film Festival.
Saad pa niya, “What we want really are… pink festivals [gay-themed films], di ba?
“Quezon City Film Market Festival, na parang international ‘yon. Pero hindi festival kundi more of bentahan o bilihan ng mga pelikula, gano’n.
“Kasama na rin ang music dun. So, ganun ang iniisip natin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Herbert kahapon, February 26, sa shooting ng pelikulang Rakateros sa Himlayang Pilipino Memorial Park sa Pasong Tamo, Quezon City.
POLITICAL ISSUE. Kung ang kanyang political career naman ang pag-uusapan, suwabe lang daw ang takbo nito.
Sinasabi nga na sa ikalawang pagtakbo niya bilang mayor ng Quezon City ay tila wala naman nga siyang kalaban.
Pero aniya, “Meron naman. Pero independent yung mga kalaban natin.”
Dati, naging maingay ang usap-usapang tatakbong mayor ng Quezon City si Vic Sotto. At sinasabi nga na may laban daw sana ang TV host-comedian kay Herbert kung tumuloy ito sa mayoralty race ng Quezon City.
Kaugnay nito, may mga nang-iintriga hinggil sa pag-urong ni Vic na kumandidato.
May mga nagiging isyu na kasi dati pa sa ibang mga pulitiko noon na kapag may malakas na kalaban ay binibigyan daw ng pera para umatras na lang sa pagtakbo.
Kaya may ilang nag-iisip din na hindi kaya ganito rin ang nangyari kay Vic?
“Saan naman ako kukuha ng pera?” natawang reaksiyon ni Herbert.
“E, ito ngang pinagprodyus namin ng Raketeros, ipinangutang lang natin.
“I don’t think naman na may gano’ng issue. Kasi I haven’t heard of it.”
SECOND TERM. Dahil sinasabi nga na wala siyang mabigat na kalaban sa pagka-Mayor ng Quezon City sa nalalapit na eleksiyon, rason ba ito para maging kampante na siya sa kanyang panalo for his second term?
Sagot ng actor turned politician, “Hindi naman. Siyempre you still have to work harder.
“Doble na you have to work harder kahit sinasabi na wala kang matibay na katunggali.
“Kasi you make sure that you get the higher votes than the last one, di ba?
“So, kunwari ang nakuha mo dati, e, one hundred votes, sana mag-one hundred ten votes naman. So it’s a better validation.
“Kaya nga sabi ko, you have to work doble na, harder pa. Na hindi porke you have opponents that do not have a political party, okey ka na.
“Hindi ka puwedeng maging kampante.
“That’s why you really have to work hard so that you can get more [votes] than what you’ve got before.”
Pero napanatili naman niya ang magandang track record niya bilang public servant mula pa noong vice mayor pa lang siya.
“Pero siyempre, mas maganda na rin yung sigurado.
“At saka iba pala kapag vice mayor ka lang kumpara sa mayor ka na.
“Kasi, as the head of the executive department, you will have to decide on matters that will greatly affect some [people].
“So kung sa sampu, may dalawa o tatlo kang matatamaan.
“Pero the greatest good to the greatest number naman, e… always, e.
“So your decisions must always be what’s best for all, for the most, without displacing the least.
“At iyon naman ang pinakamagandang principle, e.
“Policies… programs… for the greatest good to the the greatest number.
“But do not displace the least. Lagi mo silang pakikinggan.”
BISTEKVILLE. Sa kanyang unang termino bilang Quezon City mayor, ano yung mga pangunahing proyekto na masasabi niyang na-implement nang maayos at talagang maipagmamalaki niya?
Sagot ni Herbert, “I think yung disaster management. At saka yung housing, yung Bistekville.
“We now have seven. May working kami na five. So twelve already in three years.
“So we are expecting na in the next three years, siguro mga another twelve,” na karagdagang iba-iba pang lokasyon ng Bistekville ang ibig niyang sabihin.
Yung ibang mga artistang pumasok sa pulitika, madaling nangarag ang hitsura. Pero siya, cool lang at younger-looking kesa sa edad niya.
“Matanda na rin ako. I’m turning forty-five on May 12.
“Ako, stress-free life lang tayo. Tapos basketball,” sabi ni Mayor Herbert.