Aljur Abrenica on Kylie Padilla’s admission of their relationship: “Kapag yung babae na ang umamin, kumbaga, maituturing ko ang sarili ko na ako na ang pinakamasayang lalaki.”

Aljur on girlfriend Kylie Padilla: “Si Kylie, galing sa respetadong pamilya. Kahit sino naman, kung iisipin mo, si Kylie ang magmahal sa ‘yo, napaka-suwerte mo. Kaya ako, proud boyfriend ako.”


Malapit nang mapanood si Aljur Abrenica sa epicserye na Indio ng Kapuso network.

Ngayong Linggo ay magsisimula nang mag-taping ang actor.

Nang makapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Aljur sa 17th Floor ng GMA Building para sa pocket presscon na ibinigay sa kanya ng GMA Artist Center noong Huwebes, February 28, nakita naming natuwa si Aljur nang malaman na mismong ang bida ng Indio na si Senator Bong Revilla Jr. daw ay natutuwa na makakasama na si Aljur sa naturang primetime series.

Sabi nga ni Aljur, “Siyempre ako, nalaman ko lang na natuwa si Sen na papasok ako.

“Ako kasi, gustong-gusto ko talaga siyang maka-trabaho. Gusto ko talagang maka-trabaho ang mga batikan na actor.

“Magandang opportunity na makatrabaho ko siya for the first time.”

ROLE IN INDIO. Magsisimula pa nga lang mag-taping si Aljur sa Indio.

Pero, may ideya na ba siya kung ano ang magiging papel niya rito?

“Well, ang role ko po sa Indio, ako po ay isang native. Ang pangalan ko po rito ay Bagandi.

“Isa po ako sa mga tutulong kay Indio kasi, si Indio, mawawalan ng kapangyarihan. So, siyempre, itong karakter ko papasok.

“Sa una, wala pa akong tiwala sa kanya dahil galing nga siya sa mga Espanyol. Pero eventually, maipapakita niya... mapapatunayan niya sa akin na siya ay isang Indio.

“Hindi ko lang alam ang mga circumstances kung paano. Pero doon ko pa lang siya tuturuan kung paano makipaglaban.”

Wala raw siyang kapangyarihan sa Indio, pero mahusay daw siyang makipaglaban.

Magti-training din daw si Aljur para sa kanyang karakter na Bagandi.

Aniya, “Actually, yung training ko, consistent naman sa Muay Thai. Pero ito, iba ’to. Espada ’to... espadahan.

“Meron din naman akong background sa pag-e-espada, pero, kailangan ko lang ibalik at maging kumportable akong muli sa paggamit ng espada.”

Dahil sa pagsasama ngayon sa unang pagkakataon ni Aljur at Senator Bong, naungkat sa pakikipag-usap kay Aljur na ilang beses na pala sila dapat na nagkasama sa pelikula, pero hindi raw natutuloy.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Noong Panday kasi, dapat kasama ko roon. Nasa presscon na ko, pero, pinababa ako kasi, hindi na raw ako. Okay lang naman sigurong sabihin yun. Matagal na rin yun. Bago pa lang din ako noon.

“Nakakuha na ko ng pagkain, tapos, tumawag yung handler ko yata na baba na raw ako, hindi na raw ako kasali. Ang alam kong pumalit sa akin, si Geoff Eigenmann.”

Umiyak ba siya noon?

“Hindi naman, hindi ko rin naman alam kung ano ang reason. Siguro baguhan tayo kaya hindi na lang sinabi. Pero, tinanggap ko na lang,” natatawa niyang sabi.

Wala naman siyang naging sama ng loob kay Geoff?

“Wala, kasi, artista lang din naman siya.”

Sumunod dito, nagkaroon muli ng Panday, siya rin daw sana, pero tila hindi siya pumuwede kung kaya’t pinalitan naman siya ni Alden Richards.

“Yun naman, nakapag-shoot na ako ng isang beses, pero, yun... naipit na kasi, matagal yung schedule ko ng out-of-the country.

“Yun yung mga shows ko out-of-the country sa pagkakatanda ko ha. So, yun, kaya masaya naman ako na ngayon, sa ikatlong pagkakataon, matutuloy na rin na makakatrabaho ko si Senator Bong.”

Sa isang banda, sinabihan naman daw siya na sa July, posibleng simulan na nila ni Kris Bernal ang bago nilang pagbibidahang primetime series, ang Prinsesa ng Masa..

“Ngayong March kasi, aalis si Kris. Pupunta siya ng Europe. Magba-bakasyon siya. Ang alam ko, isang buwan siyang mawawala.”

Kung tatanungin siya ngayon, ano pa ang mga gusto niyang makita o mangyari sa career niya?

“Well, sa ngayon, excited lang ako. Excited lang ako sa mga puwede pang mangyari.

“Tapos bukod dito sa Indio, isa sa nilu-look forward ko talaga... ang gagawin kong episode sa Magpakailanman kasi, kakaiba siya para sa akin.”

KYLIE. Sa pagkakataong yun, kinumusta na rin namin si Aljur kung ano ang masasabi niya sa naging pag-amin ni Kylie Padilla sa relasyon nila.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Matagal din na kapag tinatanong sila kahit nababalitang sila na o nandiyang break na, wala silang naging direktang pag-amin na sila na nga.

Pero kamakailan lang, mismong si Kylie na ang umamin na sila na nga.

Ayon naman kay Aljur, “Well, pagdating sa mga ganyan, kapag yung babae na ang umamin, kumbaga, maituturing ko ang sarili ko na ako na ang pinakamasayang lalaki. Kasi, si Kylie yan, e.

“Si Kylie, galing sa respetadong pamilya. Kahit sino naman, kung iisipin mo, si Kylie ang magmahal sa ’yo, napaka-suwerte mo. Kaya ako, proud boyfriend ako. And I think, siya na rin ang nag-decide na aminin na namin.

“Okay naman ako, pero as much as possible, sa ngayon kasi, ayoko nang... mas gusto kong ipersonal na lang ang mga bagay tungkol sa amin ni Kylie.

“May dahilan naman ako at ang dahilan ko kasi, kapag may inaamin kami, kapag tungkol sa amin, talagang palaging naaabala si Kylie.

“Alam naman natin na si Kylie, napakagandang babae, mabait, inosente.

“So, kapag may mga nasasabi sa kanya ang mga tao, naapektuhan siya. Kapag naapektuhan siya, apektado ako, apektado kami.”

Dugtong pa niya, “Tutal, naamin na namin, kami po talaga pero sa mga susunod, sana ibalato na lang sa amin yun.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN