Eula Caballero on posing sexy for men’s magazine: “Marami pa akong kailangan na i-improve sa katawan ko kaya hindi pa ako handa.”

Nag-training pa ng Capoeira at Muay Thai si Eula Caballero para sa gagampanan niyang role sa Cassandra: The Warrior Angel. Sabi niya, “Malaking sakripisyo po ito para sa aming lahat dahil gusto po naming maging maganda lalabas ang Cassandra.”


Puspusan na ang paghahanda ng TV5 Drama Princess na si Eula Caballero sa pagbabalik ng kanyang supernatural series na Third Eye.

Pero sa second season, ang title na nito ay Cassandra: The Warrior Angel.

Maganda ang feedback ng Third Eye na umeere noon tuwing Linggo ng gabi.

Sa pagpalit ng pamagat, ilalagay na sa primetime block ng TV5 ang Cassandra: The Warrior Angel.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Eula sa pictorial niya para sa Cassandra sa isang studio sa Makati City.

Saad niya, “Siyempre po, sobrang ang saya ko kasi ang tagal ko ding hinintay ng pagbabalik ng character ko na si Cassandra.

“Natagalan nga po ang pagbalik nito kasi inisipan pa nila ng mas malaking kuwento ang Cassandra.

“Sobrang laki ng preparation ko sa project na ito.

"Tsaka mas malaki ang kuwento at mas maraming characters po na idinagdag.”



TRAINING. Sa bagong kuwento ng Cassandra, makikilala na ni Eula ang kanyang matagal nang hinahanap na mga magulang.

Gaganap bilang mga magulang ni Eula sina Eula Valdes at Gabby Concepcion.

Taglay pa rin ni Cassandra ang kakaibang power ng kanyang third eye at mas magiging matindi ang pakikipaglaban niya sa mga masasamang elemento.

Bilang preparasyon sa series ay nag-acting workshop ang buong cast sa ilalim ng dating aktres na si Beverly Vergel.

Nag-training din si Eula kasama ang ilang cast ng Capoeira at Muay Thai para sa kukunan na malalaking eksena sa serye.

Ang Capoeira ay isang klase ng martial arts mula sa Brazil na magkahalong sayaw at musika, samantalang ang Muay Thai ay nakatayong combat martial art na gumagamit ng “clinching techniques.”

Sabi ni Eula, “Ang hirap po ng training namin. Kailangan kasi na alam namin ang mga movements dahil big scenes daw ang kukunan for Cassandra.

“Malaki na nga po ang ipinayat ko dahil gagamit din ng harness for the fight scenes.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Kaya ingat po ako sa kinakain ko dahil hindi ako puwedeng mabigat.

“Malaking sakripisyo po ito para sa aming lahat dahil gusto po naming maging maganda lalabas ang Cassandra.

“Ang maganda nga po ay walang nagrereklamo sa amin.

“Lahat kami excited sa training kahit na may nagkakapasa na, natatamaan sa maling parte ng katawan.

“Tulad nga po ng sabi ko, sakripisyo ito para sa show namin.”



NEW CAST. Nanghinayang naman si Eula dahil hindi na makakasama sa Cassandra ang dalawa sa original cast ng Third Eye na sina Eddie Garcia at Lorna Tolentino.

Pumirma na ng exclusive contract sa GMA-7 si Lorna, samantalang nasa bakuran ng ABS-CBN ngayon si Eddie.

“Nami-miss ko po silang dalawa,” sabi ni Eula.

“Marami po akong natutunan kina Tita Lorna at Tito Eddie.

"Tuwing taping namin noon ng Third Eye, nakikipagkuwentuhan ako sa kanila.

“Lagi nilang ipinapaalala sa akin na maging professional. Huwag daw akong magbigay ng sakit ng ulo sa mga taong nagbigay ng malaking break sa akin.

“Nagpapasalamat nga po ako na nagkaroon ako ng pagkakataon na makatrabaho sila.

“Sana po, sa mga future projects ko, makasama ko ulit sina Tita Lorna at Tito Eddie.”



SEXY POSE. Sexy si Eula sa mga magiging costumes niya sa Cassandra.

Dahil may curves na ang katawan niya, handa na ba siyang mag-pose nang sexy para sa FHM?

“Hindi pa po ako ready para diyan!” sabay tawa niya.

“Ang TV5 po ang nagpaplano ng mga gagawin ko. Wala naman po silang nababanggit regarding sa pag-pose for a magazine.

“Siguro nga, alam nila na hindi pa ako ready talaga.

“Marami pa akong kailangan na i-improve sa katawan ko kaya hindi pa ako handa.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN