Reclusive film director Danny Zialcita dies at 73

Ayon sa pamangkin ni Direk Danny Zialcita na si Gino dela Peña, “He’s been in a coma for over a year.” Huminto sa paggawa ng mga pelikula si Zialcita noong 1995. Hindi ito nagpapa-interview man lang at tanging malalapit na kaibigan lang ang tinatanggap bilang bisita, kaya’t malaking gulat sa local showbiz ang pagkamatay nito.


Pumanaw na ang batikang direktor na si Danny Zialcita noong Linggo, Marso 10.

Kinumpirma ito sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ng pamangkin ni Direktor Danny na si Gino dela Peña, ang model-turned-actor at former Survivor Philippines Celebrity Doubles Showdown castaway.

Lagpas isang taon na raw mula nang ma-coma ito, at noong Linggo nga, bandang alas-dose ng tanghali ay binawian na ito ng buhay sa edad na 73.

Hindi pa ibinigay ni Gino sa PEP kung saan nakaburol ang kilalang direktor. Pribado raw kasi ang burol at tanging mga kamag-anak at pamilya lang muna ang puwedeng pumunta.

ONLY SMART PEOPLE CAN WORK WITH ZIALCITA. Ipinanganak noong November 24, 1939, nagsimula si Direk Danny sa paggawa ng action films noong late 1960s.

Nang pumasok ang “bomba” trend at sex comedies noong ‘70s, nakagawa rin siya ng ilang pelikulang may ganoong tema.

Pero unti-unti siyang umukit ng pangalan nang magsimulang hangaan at tangkilikin ang mga pelikula niyang tulad ng Ikaw at Ang Gabi (1979); Si Malakas, Si Maganda, at Si Mahinhin (1980); Langis at Tubig (1980); Karma (1981); Dear Heart (1981); Gaano Kadalas ang Minsan (1982); T-Bird at Ako (1982); at Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi (1983).

Kilala ang mga pelikula ni Direk Danny sa mga mahahabang titulo nito at matatalas na dialogue ng mga character.

Komento ng isa sa mga naging artista ni Direk Danny noon na si Mark Gil—nakatrabaho ni Direk Danny sa ilang pelikula niya tulad ng May Daga sa Labas ng Lungga (1984), Sugat sa Dangal (1985), Bakit Manipis ang Ulap (1985) at Paano ang Kahapon Kung Wala na Ang Ngayon (1995)—sa interview nito kay Jerome Gomez para MetroHIM noong 2008: “Bawal ang bobo sa pelikula ni Danny Zialcita!”

Kailangan daw kasing maintindihan at maisapuso nang maigi ng mga artista ang dialogue nila sa pelikula ni Zialcita.

Kilala rin kasi si Direk Danny na hindi gumagamit ng script kapag nagsu-shooting.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Bibigyan lang daw niya ng storylines at sequence guides ang mga artista at kapag may naisipang bagong idea, may tsansa pang baguhin ang dialogue.

Kaya nga kailangang matalas din ang utak ng mga nakakatrabaho niya.

Para lumabas na natural at may dating ang palitan ng mga dialogue ng mga artista niya sa kanyang pelikula.

Ilan sa mga memorable na linya sa local movies ay galing sa kanyang mga pelikula.

Katulad ng, “Puwede bang makausap ang asawa ko, na asawa mo, na asawa ng buong bayan?”—Laurice Guillen sa Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi.

O ang palitan nina Vilma Santos at Nora Aunor sa T-Bird at Ako.

Nora: “Bakit? Sino ka ba ano ba’ng ipinagmamalaki mo? Katawan lang ’yan! Saan ba galing ’yan sa putik?”

Vilma: “Putik nga ako pero kahit ganito ako nagsisimba ako kahit paano. At ang sabi ng nasa Itaas, ang sala sa init sala sa lamig, iniluluwa ng langit, isinusuka ng Diyos!”

Dagdag pa ni Mark sa parehong interview: “For him, every dialogue is a song. May intro, may refrain. You don’t go to the refrain right away.”



GLAMOROUS AND GLOSSY. Kilala rin ang mga pelikula ni Zialcita sa pagiging makinis at “glossy” nito.

Sa katunayan, na-coin nga raw ang “glossy films” sa local movie industry noong kasagsagan ng kanyang career bilang direktor, nang sabay-sabay siyang gumawa ng mga pelikula noong 1980s.

Pagbabalik-tanaw ni Gloria Diaz sa interview rin sa 2008 article ni Gomez: “He was very sosyal.”

Nakatrabaho ni Direk Danny si Gloria Diaz sa Nagalit ang Buwan… at iba pang mga kumita’t hinanggaang pelikula ng direktor.

“His films were about the rich because that was his background,” pag-alaala pa ni Gloria Diaz tungkol sa kaibigang direktor.

Sa mga pelikula ni Zialcita, dumarating ang mga babaeng character sa isang court hearing sakay ng helicopter, laging magagara ang suot ng mga kalalakihang artista.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Nagkakilala’t nagkaroon ng romance ang dalawang character matapos ang isang equestrian match sa Manila Polo Club.

Lahat ng karangyaang nakita sa mga pelikula ni Direk Danny ay mahusay niyang nailalarawan dahil ito ang kinalakihan niya.

Anak ng isang maykayang pamilya si Direk Danny.

Nakapag-aral sa Ateneo de Manila bago ipinalipat ng banker na ama niya sa Sophia University sa Japan upang mag-aral ng Business Management.

Pero kahit na nag-aaral nga ng kurso sa pagnenegosyo, isinisingit naman ni Danny ang moonlighting bilang film editor.



LIVING IN RECLUSION. Nakatala sa IMDB.com na Bakit Iisa ang Pag-ibig (1987) ang huling pelikula niya.

Ngunit noong 1995, bumalik siyang muli sa pagdidirek nang gawin niya ang Paano Ang Kahapon Kung Wala Na Ang Ngayon?.

Hindi ito naging matagumpay sa box-office at nagdesisyon na talaga noon si Direk Danny na huminto na sa showbiz at maging pribadong mamamayan na lang.

Hindi siya nagpapa-interview at tanging matatalik na kaibigan lang ang tinatanggap na bisita sa kanyang bahay.

Muntik na siyang bumalik sa pagdidirek noong 2008 nang bumalik si Gabby Concepcion sa Pilipinas at kontakin siya ng ama nitong si Rolly Concepcion para gumawa ng comeback film ni Gabby.

Hindi natuloy ang proyekto at nanatili sa pagiging recluse si Direk Danny.

Hindi rin naging maganda ang naiwang imahe niya sa publiko noong hindi na siya gumagawa ng pelikula.

Taong 1990 nang ituro siya noon sa exposé ni dating Senador Ernesto Herrera na sangkot sa pagbebenta ng shabu sa showbiz.

Dali-dali rin namang nilinis ng anak ni Direk Danny na si Beth ang pangalan niya nang lumabas ito sa showbiz talk show noon na See True at sabihing hindi pusher ang kanyang ama.

“He’s not a pusher. User siya,” sabi ni Beth sa TV. Pribado na raw na mamamayan ang kanyang ama.

Nalulong nga sa droga si Direk Danny mula nang huminto sa paggawa ng pelikula.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Isa sa mga itinuturong dahilan ng pagtigil niya sa paggawa ng pelikula ay nang pumanaw ang matalik niyang kaibigan na si Dindo Fernando.

Para raw magkapatid ang turingan nina Dindo at Direk Danny. Nang pumanaw si Dindo, nawalan na raw ng gana si Direk Danny sa paggawa ng pelikula.

Ilan sa mga pelikula ni Danny Zialcita na tinampukan ni Dindo Fernando ay ang mga sumusunod: Ikaw at Ang Gabi, Si Malakas Si Maganda at Si Mahinhin, Langis at Tubig, Mahinhin vs Mahinhin, T-Bird at Ako, Gaano Kadalas ang Minsan, Palabra de Honor, at Nagalit ang Buwan sa Haba ng Gabi.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN