Character actor-comedian Subas Herrero dies of pneumonia

Sumakabilang-buhay na ang character actor at comedian na si Subas Herrero sa edad na 69. Binawian ng buhay si Subas sa Rochester, New York.


Pumanaw na ang character actor at komedyanteng si Subas Herrero sa edad na 69.

Ayon sa mga kaibigan at nakatrabaho niya, binawian ng buhay si Subas sa Rochester, New York, kunsaan siya nakatira ngayon.

Sakit na pneumonia ang ikinamatay ni Subas.

Bukod sa pag-arte at pagpapatawa, hinasa ang talento ng pag-awit ni Subas bilang miyembro ng Ateneo Glee Club sa Ateneo de Manila University nung 1950s.

Nagsimula siya sa showbiz bilang character actor sa mga pelikulang tulad ng Bakekang (1978), Diligan Mo Ng Hamog Ang Uhaw Na Lupa (1975), at Sambahin Ang Ngalan Mo (1981).

Nung 1980s, sumikat ang tandem nila ng isa pang komedyante, si Noel Trinidad. Nagsimula ang duo nila nang makatuwaan nilang mag-perform sa isang party ng isang kumpanya.

Nagkaroon sila ng primetime comedy show sa RPN-9 na may pamagat na Champoy, kasama sina Tessie Tomas, Gary Lising, Cherie Gil, at Ronnie Lazaro.

(Subas appears at 1:58 as captured Filipino soldier)

Kilala rin sa kanyang matibay na paniniwalang pulitikal, kasama si Subas at ang kanyang ka-tandem na si Noel sa mga artistang lumabas sa telebisyon noong 1986 at nagyaya sa mga mamamayan na sumama sa mga grupong nasa EDSA na humihiling ng pagbaba sa posisyon ng noo’y president ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos.

Kasama rin siya sa mga local recording artist na kumanta sa “Handog Ng Pilipino Sa Mundo,” ang awit na nagse-celebrate ng mapayapang rebolusyon na nagpatalsik kay Marcos.

Nung 2000, tuluyan nang nagretiro si Subas sa showbiz nang ma-stroke.

Ngunit sa kabila ng karamdaman niyang ito, sumama pa rin siya sa mga taong humiling noon ng pagbaba sa puwesto ni dating Pangulong Joseph “Erap” Estrada nung 2001 (EDSA 2).

Ayon sa kanyang kaibigan at dating manager nila ng Champoy duo nila ni Noel na si Girlie Rodis, naiwan ni Subas ang kanyang biyuda na si MariPaz at apat na anak na babae.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN