Rochelle Barrameda doubts Ruby Rose-murder star witness Manuel Montero’s recantation

Pinagdududahan ni Rochelle Barrameda ang pagbawi diumano ni Manuel Montero ng nauna nitong salaysay kaugnay ng pagpaslang sa kapatid ng aktres na si Ruby Rose Barrameda.


Binawi ng star witness na si Manuel Montero ang kanyang testimonya tungkol sa pagpaslang kay Ruby Rose Barrameda, ang kapatid ng aktres na si Rochelle Barrameda.

Dahil sa sobrang sama ng loob, inilabas ni Rochelle sa kanyang Facebook account ang mga litrato ng nabubulok na katawan ng kanyang kapatid nang matagpuan ang katawan nito sa cemented steel case na itinapon sa karagatan ng Navotas.

Sinabi ni Manuel sa kanyang four-page notice of withdrawal of consent and testimony sa Branch 170 ng Malabon Regional Trial Court na binabawi niya ang kanyang sinumpaang salaysay noong May 28, 2009 at June 11, 2009.

Sa salaysay niya noon ay sinabi ni Montero na kilala niya ang mga akusado na si Atty. Manuel Jimenez Jr, at ang anak nito na si Manuel Jimenez III na asawa ni Ruby Rose.

Pinabulaanan din ni Montero na magkasama sila ni Manuel III nang ilagay ang lifeless body ni Ruby Rose sa loob ng steelcase na binuhusan ng semento.

Ayon kay Montero, binabawi niya ang kanyang mga testimonya dahil nakokonsensiya siya.

Ikinabigla ng naulilang pamilya ni Ruby Rose ang pagbaligtad ni Montero kaya hinahamon ito ni Rochelle na lumantad at humarap sa kanila.

Si Montero ang nag-iisang testigo ng mga Barrameda sa murder case ni Ruby Rose.

Pahayag ni Rochelle, “Last March 1, nagkausap kami ni Manuel Montero kaya hanggang hindi siya humaharap, hindi ako naniniwala na nag-backout siya.

“Marami kaming napag-usapan at hanggang hindi siya lumulutang, hindi ko alam kung buhay pa siya.

“Kung siya ang magsasabi na hindi na niya makakaya na panindigan ang kanyang testimony noong 2009, patunayan niya na walang kinalaman ang mga tao na itinuro at pinagbintangan niya.

“Siya ang nag-umpisa.

“Two years kaming naghahanap kay Ruby Rose. Bigla siyang lumitaw at dahil sa kanya, natagpuan namin ang katawan ni Ruby Rose.

“Nang lumutang si Montero, siya ang lumapit sa amin para ituwid ang mga pagkakamali na ginawa niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“May duda pa rin ako sa pagbawi ni Montero sa kanyang statement dahil kung sulat-kamay niya ang ginamit, baka ipinagawa lang sa kanya o ginaya na lang.

“Nang mag-usap kami sa Camp Bagong Diwa noong March 1, sinabi ni Montero na delikado ang buhay niya kung magtatagal pa siya doon.

“Humingi ako ng tulong sa Witness Protection Program. Baka puwedeng mailipat siya, pero may proseso, kaya nagulat ako nang bawiin niya ang kanyang statement.

“Habang hindi lumalantad si Montero, hindi kami maniniwala na totoo ang bagong statement niya.

“Nag-iisa lang ang witness namin kaya gusto naming malaman kung buhay pa si Montero.

“Hinahamon namin siya na panindigan niya ang kanyang recantation.

"Sabihin niya na talagang walang kinalaman ang mga akusado. Na hindi niya alam na nasa loob ng steelcase ang katawan ni Ruby Rose dahil noong magkasama kami sa crime laboratory, siya ang nagdikta kung paano bubuksan ang drum.

“Hindi gawa-gawa ’yon dahil alam niya ang posisyon ng katawan ni Ruby Rose sa loob ng drum.

“Palaisipan sa amin ang ginawa ni Montero dahil siya pa ang nagsabi sa amin na huwag kaming bibitaw.

“Alam namin na may mga umaaligid sa kanya para makuha siya.

“Alam namin ang pinagdaraanan ng pamilya ni Montero, nahihirapan na sila pero mismong si Montero ang nagsabi na hanggang sa huli, lalaban kami.

“Nagsalita rin siya na kahit magkano ang ibigay sa kanya na pera, alam niya na papatayin pa rin siya kaya hindi ako naniniwala dahil may paninindigan siya.

“Kung sakaling nagbago ng pahayag si Montero, alam ko na ang kanyang pamilya ang iniisip niya.

“Pero sana makonsensiya siya.

“Kung talagang nakokonsyensiya si Montero, humarap siya sa amin dahil documented lahat ang mga ginawa namin mula noong 2009."


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN