Alex Castro wants to change "‘yong imahe ng mga artistang tumatakbo na hindi lang puro sa popularity contest lang.”

Ang pagiging artista at pulitiko, ayon kay Alex Castro, ay parehong may advantage at disadvantage. Aniya, “Kapag artista, stereotype ang tingin nila, parang, ‘Artista ‘to, wala ‘tong alam.’" Pero pagdating sa exposure, amindao siyang lamang sila. "Nasa TV ka, nakikita ka nila, mas nakikinig sila sa ‘yo..."


Matapos ang dalawang termino bilang konsehal ng Marilao, Bulacan, tatakbo naman bilang vice mayor ang actor/politician na si Alex Castro.

Ang magiging running mate ni Alex ay si dating Vice Mayor Tito Santiago.

Nabanggit ng Kapamilya actor sa PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) noong Marso 11, na ang “tagal na rin ng pagiging public servant” niya ang nagbigay ng lakas loob sa kanya pa subukan ang pagka-bise-mayor, sa ilalim ng Partidong Liberal.

Ang bibigyang-pansin daw ng kanyang plataporma, kung sakaling siya’y maihalal, ay ang “mabigay naman ‘yong basic services ng mga tao.”

Noong nakaupo raw kasi siya bilang konsehal, “infrastructures” ang pinagtuunan nila ng pansin.

“‘Yong mabigay ‘yong mga pangunahing pangangailangan— trabaho, mga hospital bill, magkaroon ng funds galing sa munisipyo na talagang makakatulong, scholarship sa mga kabataan, mga gamit sa eskuwelahan na hangga’t maaari malibre at manggaling sa funds ng munisipyo, ‘yong mga pagpapalibing, ‘yong mga namamatayan.

“Kasi ‘yon ang araw-araw na problema ng isang Pilipino, ‘yong gano’n, na maibigay, manggaling sa pondo ng local government.

“‘Yon ang gusto namin ma-accomplish, hindi naman ‘yong sobrang maipapangako namin ‘yong malalaking bagay.

“Pero magsimula muna tayo siguro sa basic services ng mga tao, na sana hindi na nila hinahanap pa kung saan kukuha ng pambayad para sa mga pangangailangan nila.”


TARPAULIN POLITICIANS. Nadako naman ang usapan tungkol sa visibility ng mga politicians even after the election.

Mayroon daw kasing ilan na hindi na gaanong nagpapakita pagkatapos maluklok.

Kaya naman, tinanong namin si Alex kung paano niya maipaparamdam sa kanyang nasasakupan ang kanyang presensiya bilang isang opisyal.

“Kasi ang kailangan diyan ‘yong programa, e, hindi lang puro propaganda, e,” pagsisimula ni Alex.

“Alam mo, may dalawang klase kasi ng mga nanunungkulan— may nanunungkulan na makikita mo sa tarpaulin lang, pero hindi mo naman nakikita nang personal.

“Mayro’n lang programa, may konting proyekto lang, libreng gupit lang nakalagay na kaagad sa tarpaulin, ‘yan ang mga klase na tingin ko hindi naman sa minamasama ko, pero ‘yan siguro ‘yong nakikita lang nila sa tarpaulin pero hindi naman nila nararamdaman.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang kailangan talaga, ang local government magkaroon ng matagalang programa kung saan nararamdaman ng tao ‘yong programang ito na makakatulong sa kanila.

“Mararamdaman talaga ng tao na, ‘May gobyerno pala kasi may tumutulong sa amin. May nagbibigay sa amin ng oportunidad na umangat sa buhay namin.’

“And at the same time, ang pagiging public servant kasi, kailangan hindi lang ‘yong naririnig mo lang ‘yong kung anong nangyayari dito. Dapat ora mismo nakikita mo para malaman mo kung ano ba talaga ang problema.

“So doon mararamdaman ng tao na, ‘Ah, may gobyerno pala na tutulong sa atin.’”


STEREOTYPE. Isa pang napag-usapang isyu ay mga artistang nasa pulitika.

Sa kaso ni Alex, nauna siyang pumasok sa pulitika at saka sumabak sa showbiz.

Gayunman, hindi pa rin nakaiwas si Alex sa pagdududa ng ilan tungkol sa kakayahan niyang pagsabayin ang showbiz at pulitika.

Ang opinyong ito ang “disadvantage” ng pagiging pulitiko at artista.

Aniya, “Kapag artista, stereotype ang tingin nila, parang, ‘Artista ‘to, wala ‘tong alam.’

“Hindi ko rin sila masisisi dahil mayro’n din mga kandidato na artista na nakikita natin sa TV na sumali ng talk show na ‘yong ganito o ganyan, hindi nila masagot.”

Pero kung mayroon man daw “advantage,” ito ay ang madaling pagpapalaganap ng mga programang kanyang inihanda para sa kanyang nasasakupan.

“Kasi nasa media ka, so once na nag-guest ka sa isang show, try mo sabihin [ang projects mo].

“O kaya ‘yong mga media personnel na nag-i-interview, kung may mga projects ka, kaya mong sabihin.

“Then siyempre ‘yong mga tao, nakikita ka nila sa TV, so parang gusto rin nilang makita ka sa personal. At ‘yon ang kailangan, para kung mayro’n kang advocacies na gusto mo ipatupad.

“Kasi ‘yong mga tao kapag TV personality ang nakikita nila, nakikinig sila, e, di ba, lalung-lalo na ang kabataan, so mayro’ng impact.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So ‘yon ang advantage, nasa TV ka, nakikita ka nila, mas nakikinig sila sa ‘yo at ‘yong atensiyon nila.

"Magpunta ka lang sa isang lugar, atensiyon nila, nando’n na.”

Ngunit anuman daw pambabatikos ang abutin ni Alex dahil pinagsasabay niya ang pulitiko at showbiz, ang lagi lang daw niyang iniisip ay: “Ang challenge sa amin, sa akin bilang napasok ako sa showbiz na public servant, [kailangan] na maiba ‘yong imahe ng mga artistang tumatakbo na hindi lang puro sa popularity contest lang, [kundi] ‘yong totoong programa at may maibibigay na serbisyo para sa tao.”


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN