Eddie Garcia and Nora Aunor win top acting honors at the 7th Asian Film Awards

Nagningning ang mga Pinoy sa katatapos pa lamang na 7th Asian Film Awards dahil napagwagian nina Nora Aunor at Eddie Garcia ang Best Actress at Best Actor trophies. Nagwagi si Nora sa kanyang pagganap sa Thy Womb, habang si Eddie ay nanalo para sa Bwakaw.


Kakatapos lang ng awarding ceremonies ng 7th Asian Film Awards na ginanap ngayong gabi, March 18, sa Grand Hall ng Hong Kong Convention and Exhibition Center.

Napagwagian ng Pilipinas ang top acting honors—Best Actor para kay Eddie Garcia at Best Actress para kay Nora Aunor.

Ito lamang ang dalawang kategorya kunsaan nakakuha ng nominasyon ang Pilipinas ngayong taon sa Asian Film Awards.

Bukod sa Best Actor trophy ay si Eddie rin ang nanalo ng People’s Choice Best Actor, kung saan ang mananalo ay base sa online voting.

Nagwagi si Eddie para sa kanyang pagganap sa pelikulang Bwakaw na idinirek ni Jun Lana. Naging entry ang pelikula sa Cinemalaya 2012.

Tinalo ng beteranong aktor sa kategoryang ito ang ibang Asian actors na sina Joseph Chang ng Taiwan para sa GF*BF, Choi Min-sik ng South Korea para sa Nameless Gangster: Rules Of The Time, Tony Leung ng Hong Kong para sa Cold War, at Liu Ye ng China para sa The Last Supper.

Si Nora naman ay nagwaging Best Actress para sa kanyang pagganap sa Thy Womb ni Direk Brillante Mendoza.

Ang Thy Womb ay naging kalahok sa Venice International Film Festival at Metro Manila Film Festival noong nakaraang taon.

Tinalo ni Nora sa kategoryang Best Actress sina Cho Min-soo ng South Korea para sa Pieta, Golshifteh Farahani ng Afghanistan para sa The Patience Stone, Gwei Lun-mei ng Taiwan para sa GF*BF, at Hao Lei ng China para sa Mystery.

Personal na tinanggap ng dalawang Filipino actors ang kani-kanilang mga tropeyo.

Ayon sa mga Twitter posts ng TV5 executive na si Perci Intalan, na dumalao sa awarding, tinapos ni Eddie ang kanyang speech sa pagsasabi ng "Mabuhay ang Pilipinas!"

Samantala, Tagalog ang ginamit na lengguwahe ni Nora sa kanyang aceptance speech.

Sinimulan niya ito sa pagsabing naka-rubber shoes siya sa loob ng kanyang yellow gown dahil namaga raw ang kanyang paa.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Ang nagwaging Best Film sa 7th Asian Film Awards ay ang Mystery mula sa China.

Nanalo rin ang Mystery ng Best Screenwriter para kina Mei Feng, Yu Fan, at Lou Ye; at Best Newcomer para kay Qi Xi.

Ang Japanese director naman na si Kitano Takeshi ang nanalong Best Director para sa Outrage Beyond.

Mula rin sa Japan ang nanalong Best Supporting Actress—si Makiko Watanabe para sa Capturing Dad.

Ang Indian actor na si Nawazuddin Siddiqui ang nagwaging Best Supporting Actor para sa Talaash: The Answer Lies Within.

Ang iba pang nanalo ay ang mga sumusunod: Best Cinematography, Rhino Season (Iraqi Kurdistan-Turkey); Best Editing, The Kirishima Thing (Japan); Best Production Design, Rhino Season (Iraqi Kurdistan-Turkey); Best Costume Designer, The Silent War (China-Hong Kong); Best Composer, Barfi! (India);

Matatandaang noong nakaraang taon, sa 6th Asian Film Awards ay nagwagi rin si Eugene Domingo ng People’s Choice Best Actress para sa pelikulang Ang Babae sa Septic Tank, samantalang Best Supporting Actress naman ang nakuhang tropeyo ni Shamaine Buencamino para sa Niño.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN