Sol Aragones resigns from job as field reporter to pursue "calling" in Laguna

Iniwan ni Sol Aragones ang trabaho bilang field reporter ng ABS-CBN News and Current Affairs para subukan ang mundo ng pulitika, kung saan ang unang puwestong tatakbuhan niya ay bilang congresswoman sa third district ng Laguna.


Isa na namang miyembro broadcast media ang sumabak na rin sa mundo ng pulitika.
Siya ay si Sol Aragones, news reporter ng ABS-CBN Channel 2 na ngayo’y tumatakbong kongresista sa thirddistrict ng Laguna.
Sa pagbisita ni senatorial candidate JV Ejercito-Estrada sa San Pablo City, kasama si Sol at isa pang senatorial candidate na si Miguel Zubiri na humarap sa local media para sa isang panayam.
Matapos ang press conference, kinorner namin sa isang tabi si Sol para alamin kung ano ang nagbunsod sa kanya para pasukin na sa pulitika?
Nakangiting sinagot ng field reporter ng TV Patrol ang mga tanong namin.
Sa simple niyang gayak— peach body-fit shirt na may three-fourth sleeves, maong pants, minimal face powder, at nakapusod ang buhok— sinabi niya sa PEP.ph (Philippine Entertainment Potrtal), “Yung pinanggalingan ko kasi... galing kasi ako sa mahirap na pamilya, e.
"Yung tatay ko dati, tricycle driver, ’tapos, pangako ko talaga maga-aral akong mabuti kahit mahirap lang kami para maabot ko yung pangarap ko na maging reporter.
“Pero ang sabi ko rin sa kanya [father niya] by that time na maayos na ang buhay namin, parang it’s time to give back at bumalik dito sa probinsya kung saan ako nagmula.
“So, nag-i-enjoy naman ako at umiikot-ikot na tayo kahit paano, nagpapakilala sa mga tao.”
Ibig sabihin, matagal mo na ring plano ang manungkulan in the future?
Ang sagot ni Sol, “Lagi kong iniisip yung serbisyo publiko. Kasi kahit sa telebisyon ay yun yung palagi kong ginagawa. Masyado akong na-expose talaga sa public service.
“Nakaikot talaga tayo sa Luzon, Visayas, at Mindanao at nakikita natin yung hirap nang tao, lalo na yung isyu ng pangkalusugan o pangangailangan ng mga tao."
Pero gusto niyang mas involved siya.
“May calling e. May calling talaga. Sabi ko, parang ipagpapatuloy mo lang naman yung ginagawa mong serbisyo publiko sa telebisyon.
"At ngayon, talagang magbabad ka lang sa mga tao sa ground kung paano mo masosolusyunan yung problema nila.”
Hindi ka kaya batuhin ang mga isyu na ginamit mo lang ang telebisyon para makilala at maging advantage na kapag tumakbo ka sa pulitika ay hindi na mahirap para sa iyo ang ipakilala ang sarili sa mga kababayan mo?
“Uhm, actually, hindi ko ginamit. Hindi ko naman inisip na parang, ’O, five years or 13 years magpu-pulitika na ako.’ Hindi ko inisip na ganun. Naramdaman!
“So, may calling talaga. Hindi ko alam kung kailan dadating. Pero dahil siguro sa haba ng exposure ko sa media na mas nakita ko yung totoong buhay ng mga tao at pangangailangan nila, dun nagkaroon ng calling na parang kailangan ko nang umuwi ng probinsya at tumulong.”
Paano na ang trabaho mo bilang reporter nang ABS-CBN 2?
“Nag-resign ako. Kailangang mong mag-resign once na mag-decide kang tumakbo.”
Pagkatapos ba nitong eleksyon, hindi ka na babalik sa trabaho mo?
“Uhm, actually, hindi ko pa alam kung anong mangyayari. Pero once na nanalo ka so, kailangan mo talagang mag-focus dun trabaho... Sana manalo as a Congresswoman, ganun!”
Kailangan ba talagang mag-resign? Hindi ba puwedeng mag-leave of absence muna at saka na lang babalik after ng eleksyon?
“Kailangan talagang mag-resign. Una, polisiya talaga yun. At the same time, in the spirit of fairness rin para rin naman talagang... kumbaga, ang laban ko kasi ay laban ko at wala talagang kinalaman yung istasyon.”
Hindi ka ba nanghihinayang dahil mayroon ka na ring naipundar na pangalan sa news reporting o sa mundo ng news and current affairs broadcasting?
“Well, lagi ko na lang iniisip... actually, pinag-isipan kong mabuti ito, pinagdasal. Sabi ko, kung ito ang bagong yugto ng buhay ko, kailangan kong gawin. Kasi yun ang nasa puso at nasa isip ko at this point. So, naka-focus ako doon.”
Naka-impluwensya ba sa iyo sina Mon Ilagan na dati mong kasamahan sa ABS CBN na ngayo’y nananatiling Mayor ng Cainta? At si dating Vice President Noli De Castro na news anchor ng “TV Patrol” kasama sina Ted Failon at Korina Sanchez?
Natawa si Sol sa narinig at saka sumagot, “In terms na impluwensya na tumakbo, wala naman. Pero yung gaano sila kabait sa tao, yun ang impluwensya sa akin.
“Nakita ko yung mga yun kung gaano sila bumaba sa ground, talagang yakapin ang mga tao, alamin ang kuwento nang buhay nila, pag-isipan ang solusyon sa mga problema.
“Yun ang inspirasyon ko sa kanila.”
Isa bang panibagong Loren Legarda ang susulpot sa mundo ng pulitika?
“Sana, sana,” pag-asam na sambit ni Sol.
“Sana nga ano? Ipinagdadasal ko talaga na sana, kahit paano masundan ko yung yapak ni Sen. Loren Legarda. Sana talaga..”
Thirteen years raw nagtrabaho sa Kapamilya news and current affairs si Sol. At eleven years raw siyang gumala bilang news reporter. Pero bago ito, naging writer muna siya sa early morning show na Hoy, Gising! at naging segment host-producer ng Ala-Singko Y Media, at iba pa.
ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN