PEP EXCLUSIVE (First of 3 Parts): James Yap on why he will go up against PPO filed by Kris Aquino: “Ayokong sabihin ng anak ko na kinukuha siya sa akin, tapos di ko siya ipinaglaban.”

Kilala si James Yap bilang a man of few words. Sa mga nakaraang interview nito sa media, madalas siyang magbigay ng one or two-liners na mga sagot. Pero kanina, March 20, dire-diretso itong nagsalita tungkol sa recent issue na kinasasangkutan niya at ng dating asawa na si Kris Aquino. Ito rin daw ang huling panayam na ibibigay ni James tungkol sa isyung ito.


Hindi akalain ni James Yap na mauuwi sa korte ang ginawa niyang pagbibiro kay Kris Aquino noong Disyembre 3, 2012.

Lalong hindi raw niya akalaing gagawing dahilan iyon ng dating partner para mailayo sa kanya ang anak nilang si Baby James o Bimby.

Ayon sa ulat ni Rina Jimenez David sa Philippine Daily Inquirer, nauna nang humingi ang top Kapamilya star ng 30-day Temporary Protection Order (TPO).

Kasunod nito, nag-file din ang host/ actress ng Permanent Protection Order (PPO), na sisimulan ang hearing sa April 8.

Ang mga rason na nag-udyok kay Kris, ayon na rin sa isinumite ni Kris sa Regional Trial Court ng Makati City, ay: “overstepping his boundaries and of attempting to seduce her while visiting her home, and of inflicting psychological harm on their son Bimby.”



JAMES: “I’LL KISS YOUR MAMA.” Mariing pinabulaanan ito ni James Yap.

Kaninang hapon, March 20, nagbigay ang basketbolista ng kanyang panig sa isang one-on-one interview kay Jo-Ann Maglipon, editor in chief ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal), kasama ang writer na ito at si Atty. Sonya Castillo, sa opisina ng Kapunan Garcia & Castillo sa Bonifacio Global City, Taguig City.

Sinabi ni James na ito na raw ang huli niyang panayam na ibibigay sa media, na nagdagsaan sa opisina ng kanyang abugado matapos mag-leak sa diyaryo ang mga protection order na hiningi sa korte ni Kris laban sa kanya.

Kilala bilang likas na tahimik ang basketball player, pero sa pagkakataong ito, malinaw na gusto niyang ipaliwanag ang sarili, matapos lumabas ang sinasabi ni Kris sa korte na pang-aabuso ni James sa kanya.

"Sirang-sira naman ako sa istoryang iyon," sabi ni James. "Masyado naman na ang ginagawa sa akin."

Ang panimula ni James, ang buong akala niya ay okay sila ni Kris.

"May kanya-kanya na kaming buhay," sabi nito. "Pero, siyempre, nandiyan si Baby James, kaya may koneksyon pa kami. Maayos naman kami.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Ang kuwento talaga dun, bago nangyari yun lahat, okay kami, e.

“Nagbibiruan kaming dalawa. Gaya ng yung sa pants ko nga, biniro niya ‘ko, ‘You’re so baduy. Your pants is so baduy.’

“Tapos, sinabi ko rin, ‘Parang you gained weight.’ Ganoon. So yung biruang ganoon.”

Kaya naman daw, noong Disyembre 3, 2012, hindi raw nag-alangan ang San Mig Coffee Mixers cager na biruin ang five-year-old son sa harap ni Kris.

Sa kuwento ni James, “Etong nangyari ngayon, etong lumabas sa [diyaryo], one time na nag-visit ako, pumunta ako kay Bimby. So naglaro, naglaro kami dun sa room ni Bimby, and then biglang tumakbo. Biglang tumakbo si Baby James punta sa room ni Kris. So nandoon si Kris…

“So ngayon, hindi naman first time na pumasok ako dun, itong incident na ‘to, sa room niya, e. Ilang beses na akong pumapasok dun sa room niya na nandun siya, so ako naman, sumunod ako kay Bimby.

“Pagsunod ko, e, anong oras na yun… patapos na yung visitation hours, so, yun… kumbaga, sabi ko, ‘Bim, aalis na si Papa. Kiss mo si Papa.’ Sabi ko, ‘Kiss mo si Papa.’

“And sabi ng anak ko, ‘No, I don’t like.’ E, kasi, nandun si Kris. So, takot siya kay Kris, e, na i-kiss ako, hindi ko alam kung bakit.

“So ngayon, e di sabi ko, nagbiro ako kay Bimby. Sabi ko, ‘Bim, if you don’t kiss me, I’ll kiss your Mama.’ Sabi ko, ‘I’ll kiss your Mama.’”

Ang naging reaksiyon daw ni Kris, ayon kay James, ay paloko rin: “‘Yuck, yuck…’ Gano’n…’Yuck! Yuck! Kadiri!’”

Dugtong ni James, “So ngayon, ako, dahil nagbibiruan naman kami, hinawakan ko siya ngayon dito [braso ni Kris].

“[Sabi ko] ‘Bim, look, I’ll kiss na si Mama mo. Kiss mo si Papa.’

“Pagkahawak ko nang ganun, alam mo kung ano’ng reaction niya [Kris]? ‘You’re hurting me!’ Ganun!

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“So, pinapakita niya sa bata na masama akong tao, na inaano ko, na sinasaktan ko yung Mama niya.”

Dahil daw sa sinabi ni Kris na nasasaktan siya, nagalit si Bimby kay James at nagpunta sa pagitan ng ina at ama. Sa puntong iyon, tigas na pinapalayo na raw ng bata si James kay Kris.

“So ngayon, hinug siya [si Kris] ni ano, ni Bimby.

“Alam mo, nakatalikod sa akin si Bimby, nakaharap sa akin si Kris, parang ganun, alam mo yung hitsura ni Kris? Parang gumaganun.”

Ayon kay James, nagmi-make faces daw si Kris. Parang pinaglalaruan daw nito si James. Ipinapakita raw ni Kris na nakakaisa siya kay James dahil paniwalang-paniwala raw ang bata sa acting ni Kris.

“So, ngayon, ako, ’sinumbong ko kay Bimby, ‘Baby, look, tingnan mo yung face ng Mama mo. Smile-smile siya.’”

Pero nung tiningnan ni Bimby ang kanyang Mama, ang ginawa raw ni Kris ay nagpalit agad ito ng facial expression. “Galit-galitan na naman si Kris!” ang paglalarawan ni James.

Tuloy daw, nanatiling galit si Bimby sa ama.

Ang tanging nasabi raw ni James noon kay Kris ay, “’Ikaw talaga! Ikaw talaga!’ Gano’n. Hindi ko siya…

“Wala akong sinabi, yun lang, ‘Ikaw talaga!’”

Wala na raw siyang sinabing anupaman kay Kris. Wala raw pagmumura, panduduro, o anumang masama o masakit na kataga ang lumabas sa kanya. Tapos ay umalis na siya.

Dagdag ng abugado ni James, si Atty. Sonya Castillo: "Tingin niyo ba, kung sinaktan ni James si Kris, kung dinuro-duro—tingin niyo makakalabas ba ng kuwarto si James, makakapunta ng sala, makakagamit ng elevator, makakaraan sa lobby, at makakalabas ng building nang di binabara ng PSG?"

Ang tinutukoy ni Atty. Castillo ay ang Presidential Security Group na parating nakabantay kay Kris bilang kapatid ng kasalukuyang pangulo, si Benigno Aquino III o PNoy.

BIMBY: “I DON’T LIKE YOU.” Kinabukasan, Disyembre 4, saka raw nagsabi ng sama ng loob si James kay Kris.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi raw kasi nito maintindihan kung bakit malayó sa kanya ang bata kahit na, sa pagkakaalam niya, wala siyang ginagawang masama.

Ani James, “Kasi parang late reaction siya. Kasi nangyari ito, December 3, so nagba-bye na ‘ko, ganun. Nagba-bye na ‘ko…

“So the next day, may text [si Kris]. Tinawagan ko ngayon… Tinawagan ko siya, kasi nagalit siya sa text, so tinawagan ko.

“So ngayon... dun ko na ’binuhos lahat ng parang hinanakit ko sa kanya.”

Sa kabuuan ng isa at kalahating oras na interbyu, kalmado si James at malumanay ang boses. Pero sa tuwing babanggitin ang mga sinasabing akusasyon umano ng anak niya sa kanya, napapakunot-noo ito at lumalabas ang pagod at lungkot sa mukha.

Pagsasalaysay ni James, “Una, sinabi niya [Kris], ‘Parang binabastos mo yata ako sa loob ng pamamahay ko, ha.’ Parang ganun…

“Tapos, dun na ako nag-ano… parang ’binuhos ko na yung hinanakit ko sa kanya.

“Sabi ko, ‘Alam mo ba, lahat ng sinasabi mo kay Bimby against sa ‘kin, sinasabi ng bata sa ‘kin?’

“Sabi ko, may sinasabi si Bimby sa ‘kin, ‘I don’t like you. You’re a liar.’ Tapos tinatanong ko, ‘Bim, bakit? Sinong nagsasabi sa ‘yo ng ganyan?’

“Parang na-brainwashed na talaga, alam mo ‘yon? Sabi ko, ’Sinong nagsabi sa ’yo na I’m a liar?’

“Sabi ni Bimby, ‘Mama, Mama…’ Pagka tanungin mo si Bimby, ‘Mama, Mama…’

“So, ang sinasabi ko lang kay Bim, pag sinasabihan akong gano’n, sabi ko, ‘Bim, tignan mong mata ko. Ito lang masasabi ko sa ‘yo, ’Love na love ka ni Papa.’

“Tapos yung bata naman… ang bata naman, titingin yun sa mata ko, yun yung sinabi ko. And then, maglalaro-laro na naman.

“Basta every time, pinagsasabihan ako ni Bim nang ganun, ‘I don’t like you,’ mga ganyan, alam kong nakukuha niya iyan sa Mama niya. Siya mismo ang nagsabi e.”

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Hindi lingid sa abugado ni James ang mga nangyayari sa tuwing binibisita ng kanilang kliyente si Bimby.

Ang dagdag na kuwento ni Atty. Castillo: “Kunwari, biglang sasabihin nito [James], ‘Bimby, hug na, Papa.’ Yung bata, siguro, yung initial ano, tatakbo, ha-hug.

“Tapos in the middle of it, titigil, lilingon… dahil andun pala Mama niya, hindi na siya tutuloy [mag-hug].”

Isa pang naikuwento ni James sa Kapunan law firm na humahawak ng kanyang kaso, “Pag nagkakabiruan, sasabihin niya, ‘Bimby, you love, Papa?’

“Sasabihin ng bata, ‘Yes, little.’

“Do you love Mama?

“Sasabihin niya, ‘Yes, big.’”

At ang sasabihin daw ng Kapamilya star, ayon kay Atty. Castillo, “Thank you, Bimby, for saying that. He really deserves it.”

VISITATION RIGHTS. Ang buong akala raw ng Kapunan law firm ay "peace" na sina Kris at James. Ibig sabihin nito ay wala na silang nakikitang lawsuits pa at lalong wala nang pagkakasangkot pa kay Baby James sa anumang sigalot.

Ngunit sa pagdulog na naman ni Kris sa korte, nakahanda raw ang law firm sa anumang ibabato ng kampo ni Kris kay James. At isa na rito ay ang isyu ng pagiging inconsistent daw ni James sa pagbisita sa bata.

Ayon sa akusasyon kay James, ni hindi raw umaabot sa kalahati ng allowed visits ni James ang kanyang pagdalaw sa bata.

Pero ayon kay Atty. Castillo, hindi nga matutupad ni James ang dapat gawin dahil may violations si Kris sa puntong ito.

Aniya, “Meron pong agreement, siguro po… just to give you an idea, the visitation hours or visitation days, two days in a week lang ang visitation, and that’s like six hours each—every Wednesday and Friday sana.

“There was an agreement na, e.

“Hindi naman strictly na-follow yun kasi, initially, he was following it.

“Ang consideration dun kasi, manonood dapat yung bata ng games niya, e, kaya [nakalagay sa judgment na] 4 to 8 [p.m.]. Dahil gusto ni James makapanood si Bimby ng games niya.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi po yun nasusunod dahil nag-ii-schedule siya [Kris] ng kung anu-ano, like tutor ng bata, dun sa time niya [James].

“Tapos minsan, aalis sila, hindi mo nalalaman. Nagta-travel po, di ba? So nung napuno ‘to, kinunfront si Kris.

“And that’s when she said, ‘Puwede ka namang mag-Tuesday and Thursday.’

“So para wala nang big issue, pumayag si James.”

Sa puntong ito, nilinaw ni James na lagi niyang pinasasalamatan si Kris dahil pinapayagan siyang makita ang anak.

Sabi ng PBA player, “Vocal naman akong gano’n. Kasi pag merong nag-i-interview sa akin, ‘Ano nadadalaw mo ba si Bimby?’

“Sabi ko, ‘Alam mo, thankful ako kay Kris na ina-allow niya akong mag-visit anytime.’”

Pero may mga pagkakataon daw na hindi niya nakikita ang anak, at ang dahilan ay dahil kasama raw ng bata si Kris.

Pahayag ni James, “Kasi ako, after practice, tinatawagan ko nga yung yaya. Tinatatawagan ko, ‘O, Bel [Gerbel], saan kayo?’ ‘A, kasama po namin si Madam.’

“Tapos the next day, hindi ko na siya [Bimby] makikita kasi kasama na niya Mama niya. So, ‘Bel, saan kayo?’ ‘A, nandito po kami sa taping.’

“The next day, tawag na naman, ‘A, nandito po kami sa playdate… Playdate ni Bimby.’

“So, parang nagde-depend na lang ako kung kailan sila walang schedule? Oo, ganun ang nangyayari.”

KRIS: "MAY THREE YEARS PA ANG KAPATID KO." May hinanakit sa tono ni James sa tuwing nasasabing hindi niya inaasikaso ang anak tulad ng dapat gawin ng isang ama.

Ang kuwento ng cager, “Ang akin lang, si Bimby, ayaw na talaga sa ‘kin. Sinasabihan na ako na, ‘I don’t like you. I don’t like you, you’re a liar. You’re bad person.’ Ganoon…

“Kasi nung nangyari itong December 3, tinawagan ko siya [Kris] nung December 4, yung last conversation namin.

“Naglabas ako ng, siyempre, sama ng loob ko sa kanya, na ’Ba’t mo ginagawa sa ‘kin ‘to?’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Hindi na siya nakapagsalita. Ang sinabi na lang niya sa ‘kin… In-off niya, tapos tawag ako ulit. Ang sinabi niya sa akin, ’Hindi ko tinuruan si Bimby.’

“[Sabi ko], ‘So, sa ano ako? Bakit… saan niya makukuha yun?’

“So ngayon kasi, habang nasasabihan ako ni Bimby, tinatanong ko, ‘Sinong nagsabi sa ‘yo?’ ‘Mama, Mama…’

“And then, siguro, wala na siyang [Kris] masabi dahil talagang nagbuhos na ako ng ano ko, e, sama ng loob ko. So, na-cut ang line.

“Pag-cut ng line, tinawagan ko siya ulit."

Dito na raw nabigla si James. Dahil hindi na maganda ang pananalita ni Kris. May pagbabala na raw.

“Sinabihan ba naman ako na, ‘Baka nakalimutan mo, may three years pa yung kapatid ko!’

“Sabi ko, ‘Grabe ka naman. Napakayabang mo.’

"Sabi ko talaga, ‘Ang yabang-yabang mo.’ Yun ang sinabi ko.”

Ang sagot daw sa kanya ni Kris ay, “Talaga!”

Ang pakiramdam ni James, ito na raw yata iyong dating babalang binitiwan ni Kris sa kanya nung nagsasama pa sila.

“Kasi may time kasi na nung…kami pa nito, ha. Na may time na parang nagalit ako nun o nag-away yata kami nun.

“Sinabi sa akin na…pati ako nagulat or nabigla talaga ako. Hindi ko makalimutan ito, e.

"Sabi niya, ‘Hindi mo ba alam? Saan ba ngayon yung mga ex ko? Di ba, wala nang career? Isang iyak ko lang sa TV, maniniwala na sa akin ang mga tao.’

“Sabi ko, ‘Ano’ng ibig mong sabihin nun? Sisirain mo ’ko?’

“‘Talaga!’ sabi niya sa akin. ‘Talaga!’

“Sabi ko, ‘Grabe ka naman!’

“Kaya ngayon, kaya ko sinasabi ito, dahil baka ito na yun. Baka ito na yun. Baka ito na yung sinasabi niya before sa akin na tulad ng ganito, di ba?”


PRESENT LEGAL ISSUES. Ayon naman kay Atty. Castillo, ang mga huling hakbang na ginagawa ni Kris ay may kinalaman sa isyu ng adoption ni Bimby.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pagpapaliwanag ni Atty. Castillo: “She wants adoption, okay? Adoption will really get him out of the picture as the father of Bimby.

“He did not sign the affidavit of consent. He refused to sign the affidavit of consent sent earlier by Kris.

“So you do this [PPO], so that you get whatever you want. Indirectly, by filing a case. Yung gusto niyang ma-achieve na adoption ni Bimby, sa ganito niya gagawin."

Umiiling si James habang nagsasalita ang kanyang abugado. Paulit-ulit na sinasabi ni James, “Kawawa ang bata.”

Ito raw ang dahilan kung bakit nagsalita na si James sa media: “Ang gagawin ko lang, ipaglalaban ko ang karapatan ko as a father."

Sa petisyon na inihain ni Kris, ito kasi ang hiniling ni Kris: “to stay away from her, her 5-year-old son Bimby and any household member, keep a distance of at least 100 meters, and to stay away from her residence, school, place of employment or any place frequented by her and her son.”

Bumuntong hininga muna si James bago nagsabing, “Ito yung ina-avoid ko talaga, yung sobrang nagsasalita.

"Para bang ayaw ko, na paglaki ni Bimby, sumbatan ako na ’Bakit ako nagga-ganito?’ di ba?

“Ito yung ina-avoid ko—pero ito, wala na akong choice. Ipaglalaban ko na ito. Ayokong sabihin ng anak ko na kinukuha siya sa akin, tapos di ko siya ipinaglaban.”

(CLICK HERE to read part 2)


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN