Senator Chiz Escudero on parents of Heart Evangelista: "Hindi na tama ang ginagawa nila sa akin, e."

Pasaring pa ni Senator Chiz Escudero sa mga magulang ni Heart Evangelista: “Tatay din ako, parent din ako, mahal ko din ang mga anak ko, pero hindi ako mandadamay, mananakit at maninira ng kapwa sa ngalan ng pagmamahal ko sa anak ko. At kung mayroon man akong diperensiya kung saka-sakali sa mga anak ko, hindi ko isasapubliko, hindi ako magpe-presscon, hindi ako mandadamay ng ibang tao."


Nagbuhos ng kanyang damdamin si Senator Chiz Escudero kaugnay ng pagtutol sa kanya ng mga magulang ng kasintahan niyang si Heart Evangelista.

Sa Naga City, sa campaign sortie ni Chiz, na tumatakbo muli ngayon bilang senador, nakausap nito ang media. At dito niya isiniwalat ang kanyang saloobin sa gusot na kinasusuungan niya.

Nailathala na ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) ang ilang bahagi ng pahayag ni Chiz, base sa live tweets ng ABS-CBN reporter na si Jeff Canoy.

(CLICK HERE to read related story.)

Ngayon ay ilalathala ng PEP ang kabuuang pahayag ng senador:

“Hiwalay ang personal kong buhay sa trabaho ko, pero pilit pinapasok ang personal kong buhay sa trabaho ko.

“Hangga’t maaari, ayaw ko sanang magsalita tungkol dito pero nadadamay na ang mga anak ko.

“Medyo may isip na sila, ayaw kong dumating sa puntong kakantiyawan sila ng mga kaklase nila tungkol dito.

“Nadadamay na rin ang nanay ko…

“Kamamatay pa lang ng tatay ko at parang pinapalabas na hindi ako pinalaki nang maayos at hindi rin akong tinuruan ng magandang asal.

“Pilit kong iniintindi at inuunawa ang mga magulang ni Heart, pero hindi na tama ang ginagawa nila sa akin, e.

“Hindi na rin tama ang ginagawa nila sa amin, hindi na rin tama ang ginagawa nila sa anak nila.

“Tatay din ako, parent din ako, mahal ko din ang mga anak ko, pero hindi ako mandadamay, mananakit at maninira ng kapwa sa ngalan ng pagmamahal ko sa anak ko.

“At kung mayroon man akong diperensiya kung saka-sakali sa mga anak ko, hindi ko isasapubliko, hindi ako magpe-presscon, hindi ako mandadamay ng ibang tao.

“Bago nangyari ang lahat ng ito, masaya at maayos at walang problema ang samahan at relasyon at ugnayan namin ni Heart.

“Mabait siya, matalino, masayahin, masarap kausap.

“At malaki siyempre ang epekto nito sa kanya, nasasaktan siya, nalulungkot.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“At hindi natin siguro masisisi pag ganun ang nararamdaman niya.

“Tama ang sinabi ng isang kolumnista, malayo naman talaga na mas mayaman at mas maraming pera ang mga magulang niya kumpara sa akin.

“Tama din marahil ang sinabi ng magulang niya, hindi ko kayang tustusan yung luho, yung buhay na ibinibigay nila sa anak nila.

“Pero kung ano man ang meron ako, sapat yun para sa akin.

“Pero kahit gaano karami siguro ang pera nila, hindi naman siguro lisensiya yun para maliitin ang sinuman, o yurakan yung katauhan ko, at naapektuhan din ang pamilya ko.

“Wala akong ipinakita o ginawang masama kay Heart, sa mga magulang niya. Alam nila yun.

“Lahat ng ito, lahat ng ginawa at sinabi nila, lahat ng gagawin pa nila, o sasabihin pa nila, iisa lang naman ang dahilan, rason, at puno’t dulo...

“Nanggaling naman sa kanila, gusto nila kaming paghiwalayin, gusto nilang maghiwalay kami.

“Nasasaktan si Heart dito, mahal na mahal kasi niya ang mga magulang niya.

“Pero nasa edad na si Heart.

“Walang puwedeng magdikta, manghimasok sinuman kung ano ang gagawin at hindi niya gagawin, at kung ano ang sasabihin at hindi niya sasabihin.

“May sarili na siyang pag-iisip at kaisipan.

“Sana, kung ano man ang pasya niya, galangin nating lahat, pati ako.

“Mahal ko siya pero maliwanag naman na matindi itong pinagdadaanan namin.

“Masakit siyempre, sana huwag nang sawsawan ng ibang tao.

“Sana huwag nang gamitin ng ibang tao pa ito dahil may mga taong nasasaktan.

“Sana hindi gamitin ito dahil panahon ng halalan ngayon.

“Pero maging ganun pa man, maski ako na, huwag na lang siya.

“Sorry kung kailangan kong magsalita, paumanhin kung kailangan kong magpaliwanag ngayon, pero medyo sobra na rin.

“At sana tama na, sana kung ano man ang gusot na ito, maayos.

“At sana, hindi na masyadong madami pang madamay at masaktan sa mga nangyayari.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Dalangin ko sana malagpasan itong pagsubok na aming dinadaanan, ng aming samahan.

“Siguro panahon na lang ang makakapagsabi.

“Yun na lang siguro, maraming salamat."

Ilang sandali matapos ang presscon ni Chiz sa Naga City, nagpatawag namang muli ng press conference ang ina ni Heart na si Cecile Ongpauco sa Makati City kanina.

Dito ay inanunsiyo ng ina ni Heart na magsasampa sila ng criminal case of libel laban sa senador, kagaya ng nauna nilang pahayag noong Martes.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN