Lito Lapid on his first TV series Little Champ: “Natatakot nga ako kung ano ang hitsura ko, e. Nag-i-English ako rito. Sa Senado, hindi, e.”

Naging masugid na kritiko ngayon ni Lito Lapid ang kanyang maybahay na si Marissa pero hindi raw ito nagseselos. Sabi ng senador: “Ay, sanay na yun, lalo na noong kabataan namin. May mga tsismis kasi. Noong araw kasi, pina-partner-partner. Pero ngayon, bumalik.”


Marami ang nagulat nang pumayag si Senator Lito Lapid na bumalik sa showbiz sa pamamagitan ng isang teleserye.

Isa siya sa mga bida ng Little Champ, ang bagong fantaserye ng ABS-CBN na napapanood araw-araw bago ang TV Patrol.

Nagpapasalamat daw siya at tinangkilik agad ng mga manonood ang kauna-unahan niyang serye dahil sa mataas na naging rating nito sa unang linggo pa lamang.

Ayon kay Senator Lito, “Magagaling ang mga bata. Minsan nga, tinuturuan pa nila ko… ‘Amang Leon, mag-ensayo tayo.’”

TRADEMARK. Nag-a-arnis si Sen. Lito sa Little Champ bukod pa sa mapapanood din siya sa mga “trademark stunts” niya na naka-kabayo, pagta-tumbling at iba pa.

“Noong stuntman tayo, ako rin ang unang nag-ano ng national sports natin—arnis,” kuwento niya.

“Dahil ‘yan din ang unang-unang inensayo natin noong stuntman ako.

“Tapos, nakita ni [direktor] Carlo Caparas noong araw, ginawa namin ang Kamagong.

“Kaya siguro ginawa akong ano rito, Barangay Tanod para merong arnis din.”

TEMPORARY SHELVING. Inabot din kasi ng mahigit isang taon simula nang mag-taping sila bago nga naipalabas noong isang linggo pa lamang.

Nainip din ba siya dahil matagal bago naipalabas ang Little Champ?

Sabi niya, “Siyempre, ako, ‘Ipapalabas pa ba ito?’ Kasi, lahat naman, parang automatic.

“Kahit matagal ka nang artista, ‘Anong ginagawa mo ngayon?’ Little Champ.’

“O, kailan ilalabas ‘yan?’ Parang mag-i-isang taon na, a. Lalo na yung mga pamilya ko... kaibigan ko.”

Noong malaman niyang ipapapalabas na nga, anong naramdaman niya?

“Ay, salamat, ipapalabas na rin!” nakangiti niyang sabi.

“Tapos sabi nila, ‘O, bakit ang dali?’ Sabi ko, ‘Hindi. Kaya ng ABS ‘yan. At saka, lahat ng programa nila, malalakas.’”

Aminado naman si Sen. Lito na may kaba raw siya sa muling pagharap sa telebisyon.

Aniya, “Natatakot nga ako kung ano ang hitsura ko, e.”

Nagbiro pa siya na, “Nag-i-English ako rito. Sa Senado, hindi, e. Pero sabi ko nga sa director, ‘Huwag mo na akong pag-Englisin.’

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

“Sa senado nga, hindi. Mabubulok tayo riyan!’”

CRITIC WIFE. Noong Lunes lang lumabas at napanood naman si Senator Lito sa Little Champ, pero pinanood daw niya ang pilot week kahit wala pa siya roon.

“Maganda at nakita kong ginastusan talaga. Nakita ko, director din [kasi] ako.

“Yung pagsasalita ng kabayo, mahirap yun. At sini-synch nila ang labi sa pagsasalita. Dubber din ako.”

Ang misis ni Senator Lito na si Marissa Lapid na nasa Amerika ay inaabangan din daw araw-araw ang Little Champ.

“Natutuwa siya lalo na noong kumanta raw ako sa ASAP, siya pa raw ang mas kinabahan,” biro niya.

Okay lang ba kay Marissa na may leading lady siya?

“Ay, sanay na yun, lalo na noong kabataan namin. May mga tsismis kasi,” paliwanag niya.

“Noong araw kasi, pina-partner-partner. Pero ngayon, bumalik.”

Nagbiro siya na si Katya Santos ang leading lady niya at “nilalandi-landi” siya.

“E, comedy yun.”

Hindi na ba siya na-a-attract ngayon sa ibang babae o sa leading lady?

“Wala na, wala na yun. At saka, sa apo mo lang, mahihiya ka na sa mga apo mo.”

At dahil nabanggit na rin naman si Marissa, kumusta na nga ba ito ngayon pagkatapos ng naging kaso sa Amerika?

“Okay naman po siya. Tapos na yun. Magaan naman ang sintensiya niya at tatlong buwan na lang, uuwi na siya.”

SHOWBIZ AGAIN. Nabanggit din ni Senator Lito na plano niyang ituluy-tuloy muli ang kanyang acting career.

Wala na ba siyang planong tumakbo pang muli sa pulitika?

“Mahirap magsalita. Kasi, wala naman akong plinano sa pulitika, pero, nandiyan pa rin ako. Bahala na—kung ano ang darating.”

Nabalita noon na babalik siya sa local government tulad ng pagiging Governor ng Pampanga?

“Sana po, pero, may isang term pa ko. Sabi ko, makikipagsapalaran muna ako, tapos yun, nanalo ulit.”

Bukod sa Little Champ, may pina-plano raw na pelikulang pagsasamahan nila ni Daniel Padilla.

ADVERTISEMENT - CONTINUE READING BELOW

Pero ayon kay Senator Lito, “Kaso sumikat na. Medyo mahirap na, pero sana, matuloy.”

Sa ngayon, naka-kontrata raw siya sa ABS-CBN, pero, hindi raw niya alam kung hanggang kailan ang kontrata niya.

“Kay Mother Lily nga, may kontrata ako, pero, hindi ko rin alam,” natawang sabi niya.


WE RECOMMEND


FROM THE SUMMIT MEDIA NETWORK


SPONSORED CONTENT


COMMENTS

Loading comments

THIS JUST IN