Ibinasura ng Commission on Election Second Division (Comelec) ang kasong disqualification laban kay dating Presidente Joseph “Erap” Estrada.
Si Erap ay kasalukuyang tumatakbo bilang alkalde ng Manila. Makakalaban niya para sa puwesto si incumbent Manila Mayor Alfredo Lim.
Ayon sa six-page resolution na inilabas ng Second Division ng Comelec, “Petitioner failed to present cogent proof sufficient to reverse the standing pronouncement of this Commission declaring categorically that respondent’s right to seek public office has been effectively restored by the pardon vested upon him by former President Gloria M. Arroyo.”
Sabi pa sa resolution, “Since this Commission has already spoken, it will no longer engage in disquisitions of a settled matter lest indulged in wastage of government resources.”
Ang resolusyon na ito ay inilabas ng Comelec kahapon, April 1. Natanggap naman ito ni Erap kaninang tanghali, April 2.
Ang desisyong ito ay maaari pa ring iapela ng complainant sa pamamagitan ng pagpapa-file ng motion for reconsideration sa Comelec en banc, na siyang didinig sa kaso sa huling pagkakakataon.
THIRD TIME. Matatandaan na ikatlong disqualification case na ito laban kay Erap na naibasura.
Noong Enero 2013, na-dismiss din ang disqualification case na isinampa laban kay Erap sa Sandiganbayan.
Noong Pebrero 2013 naman, nagdesisyon ang Manila Regional Trial Court (RTC) na ibasura rin ang disqualification case laban kay Erap.
Ang dahilan ng pagbasura sa dalawang kaso ay katulad ng pag-dismiss ng Comelec sa ikatlong disqualification case.
ASIONG SALONGA VS DIRTY HARRY. Ang disqualification case sa Comelec ay isinampa ng abugadong si Alicia Vidal.
Si Atty. Vidal ang dating legal counsel ni Mayor Lim nang magprotesta si dating Manila Mayor Lito Atienza tungkol sa resulta ng mayoralty race noong 2010.
Marahil dahil dito kaya naisip ng dating Pangulong Erap na maaaring may koneksyon ang kalabang si Mayor Lim sa disqualification case laban sa kanya.
Sinabi ni Erap sa panayam ng GMA News, “This is the third case, noong una pinaylan ako ng disqualification case sa Sandiganbayan, dismissed; pangalawa sa RTC disqualification proceedings, dismissed; and this is the third time, dismissed din.
“So pangatlo ito, 3-0. Masi-zero siya,”
Bilang mensahe, sinabi ni Erap kay Lim na huwag nang ibalik ang mga lumang isyu sa pagitan nilang dalawa at hayaan na lamang ang mga residente na bumoto sa kung sino ang nararapat na maging susunod na alkalde ng Manila.
“Siya ay dati ko namang kaibigan at kahit papaano ay nagkatulungan kami, sana ay lumaban siya nang parehas.
“'Wag na 'tong mga disqualification proceedings. 'Wag na itong dirty-dirty tricks.”
Dagdag pa niya, “Humarap tayo sa taumbayan.
“Ang pag-usapan namin 'yong isyu ng Maynila, kalimutan na natin 'yong mga nakaraan, tapos na 'yon, e.
“Harapin natin ano ang magagawa sa Maynila at ano ang hindi niya nagawa sa 12 taon niyang pagiging alkalde ng Maynila.”
UNBIASED ADMINISTRATION. Samantala, ikinatuwa naman ni dating Pangulong Erap ang hindi pakikialam ng administrasyong Aquino sa kasong kanyang hinaharap.
“At least dito, hindi katulad ng nakaraang administrasyon, nakakuha ako ng tunay na katarungan,” ani Erap patungkol sa administrasyon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Tuloy pa ni Erap, "Kasi nung nakaraang administrasyon, pinili ang mga justices, pinag-create ng special court to convict me.
“Pero dito, nakita ko na hindi nakialam ang administrasyon.”
Si Erap ay kasalukayang kasapi sa Partido ng Masang Pilipino (PMP) at United Nationalist Alliance (UNA).
Si Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino naman ay kasapi ng Partido Liberal ng Pilipinas, na partido rin ni Mayor Lim.
Bagamat inendorso na ni PNoy si Mayor Lim para sa mayoralty race sa Manila, hindi naman ito ikinabahala ni Erap.
Aniya, “Sa pananaw ko naman, 'yong ating kasalukuyang pangulo e hindi niya babaluktutin ang matuwid na daan.
“Di baleng mangampanya, basta wala lang dayaan dahil pagka nagkadayaan, magkakabaluktot-baluktot ang tuwid na daan.
“Kaya naniniwala ako na ang ating pangulo ay hindi pababayaan na magkaroon ng dayaan dito.”