Masaya si Carmina Villarroel dahil sabay na mag-iisang taon ang kontrata niya sa ABS-CBN at ang showbiz talk show na kinabibilangan niya, ang Showbiz Inside Report.
Wala naman daw gaanong babaguhin sa format ng kanilang show sa unang anibersaryo nito.
Aniya, “Gano’n pa rin, kasi ‘yon ang naibigan ng mga tao.
“Kasi nga, parang iniba naminyung showbiz talk show, e.
"Kasi, di ba, kapag sinabing showbiz talk show, parang ayaw mo lumapit kasi iintrigahin ka or kung ano itanong sa ‘yo.
“Ito kasi, more on profiling, ita-touch namin ng konti yung pinaka-isyu or intriga, pero like I said, profiling ang ginagawa namin.
“So susubukan namin na kumuha ng mas interesting pa na iinterbyuhin.
"Kapag may pumutok na tsismis, na intriga, susubukan namin kunin both sides.
"Kasi gano’n naman kami, e, we present both sides of the story, e.
“So ‘yon, mas fair… basta kung ano yung naibigan nila ‘yon pa rin, patuloy pa rin naming gagawin.”
Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) at ibang entertainment press si Carmina kanina, Abril 2, sa pictorial ng Showbiz Inside Report sa STI University sa The Fort, Taguig.
Pero ang dapat daw abangan ng mga tao sa Sabado, Abril 6, ay kung sino ang magiging guest co-host nila nina Janice de Belen at Ogie Diaz.
Kinailangan kasi pansamantalang umalis ni Joey Marquez sa show dahil tumatakbo itong congressman sa Parañaque ngayong May 2013 elections.
ZOREN MOVING TO ABS-CBN. Samantala, kinumpirma ng press kay Carmina kung totoo ang usap-usapan na lilipat ang kanyang asawa na si Zoren Legaspi sa Kapamilya network.
“Ay, hindi ko rin alam!” mabilis na sagot ni Carmina.
“Kasi si Zoren, ever since, wala siyang kontrata sa mga stations, e. Laging ano siya, per show.
“So, ‘yon nga, ang sinasabi niyang pakalat-kalat siya na puwede siya dito, puwede siya do’n.
“So kung gagawa siya sa ABS, I guess it’s fine kasi dati naman nakagawa siya ‘yong Agua Bendita [2010].”
SUPPORTIVE MOM. Nabanggit na rin lang si Zoren, naitanong na rin kay Carmina kung mayroon pa ba silang plano ng kanyang asawa na magkaanak ulit.
Dalawa na kasi ang anak nina Zoren at Carmina—ang kambal na sina Maverick Peter at María Cassandra, 11 years old.
“Naku… parang hindi na yata,” sagot ng TV host-actress.
“Baka hindi na, kasi malayo na yung age gap, e. Gusto ko sana kaso malayo na [ang age gap], e.
“We’re not really trying, pero kapag dumating, e, di sige.
"Kung hindi naman, okay lang din.”
Samantala, tuwang-tuwa naman si Carmina na nagagawa pa rin nilang mag-asawa na subaybayan ang paglaki ng kanilang mga anak kahit pa pareho silang abala sa trabaho.
Katunayan, napapansin nga raw ni Carmina na tila sinusundan ng bunsong anak na si Cassandra ang kanyang mga yapak.
“Feeling ko, parang papunta siya doon, e, kasi nagbo-voice lesson, nagdyi-G Force, nagda-dancing lesson. Tapos parang nabihasa na rin sa commercial.
“Kung doon siya papunta, hindi ako magtataka,” sabi ni Carmina dahil na rin sa pareho silang nasa showbiz ni Zoren.
Suportado naman daw ng Kapamilya actress ang kanyang mga anak kung sakaling magdesisyon silang pasukin ang mundo ng showbiz.
Basta ang tanging hiling daw niya, “Mag-aral lang siya.
"Yun lang ang kundisyon ko—tapusin lang yung pag-aaral, ‘wag lang papabayaan ang pag-aaral.”