Hindi nasiyahan at nakuntento ang mga inimbitahang press at media sa press conference ng bagong TV5 reality show na Boracay Bodies sa sagot ng kontrobersiyal na showbiz newcomer na si Krista Miller.
Sa mala-“Truth or Consequence” na question-and-answer portion ng presscon, tinanong agad si Krista tungkol sa pagkakaugnay niya kay Cesar Montano at sa mga bintang ng asawa ng aktor na si Sunshine Cruz laban sa kanya.
Dahil tila laro nga ang dating ng Q&A, palaro rin ang pagsagot ni Krista.
Naging pabiro ang mga sagot ni Krista dahil na rin sa masayang atmosphere ng presscon.
Kaya nga hindi ito ikinasaya ng mga nagtatanong na press.
Sa huling tanong sa kanya kung ano ang reaksiyon niya sa paghihiwalay ng mag-asawang Sunshine at Cesar dahil sa kanya, sinundan na ng seryosong pakiusap ni People’s Tonight entertainment editor Ian Fariñas na sagutin na ni Krista ang tanong.
Nagseryoso naman si Krista.
“Siyempre, ako, sad ako for them kasi siyempre, naghiwalay sila.
"Pero ako, nandun pa rin ang prayers ko sa kanilang dalawa na maayos sila.
“Basta ako, wala akong ginagawang kasalan.
"Alam ko yun… alam ni God yun. Alam din ng parents ko yun, kasi nandiyan sila palagi, binabantayan nila ako sa lahat ng trabaho ko,” sabi ng 22-year-old model turned actress.
STILL DENIES ROMANTIC RELATIONSHIP. Sa solo interview pagkatapos ng presscon proper ay seryoso na talaga si Krista sa pagsagot ng mga tanong mula sa mga umi-interview sa kanya.
Lahad niya, hindi na lang niya pinapansin ang mga tira sa kanya ng “haters” na nagpo-post sa kanyang Instagram at Twitter accounts.
“Ako, dedma lang ako. Kumbaga, focused talaga ako sa career ko ngayon.
“Kasi kung iniisip mo siya, parang binibigyan mo lang ng problema ang sarili mo, e.”
Katulad ng mga nasabi na ni Krista sa nauna nang interview sa kanya, hindi sila nagkaroon ng romantic relationship ni Cesar Montano.
(CLICK HERE for related story.)
"Working relationship" lang daw ang namagitan sa kanila ni Cesar na siya ring direktor ng pelikulang kasali siya, ang Alfredo Lim: The Untold Story.
Siguro raw ay na-misinterpret ng ilang nakakita ang nangyayari sa kanilang biruan kapag nasa set sila ng pelikula.
“Kasi yung mga biru-biruan lang… ako kasi yung tipo ng tao na nakikisama ako, palabiro ako, kahit kanino…
“Kung nakikipagbiruan ka sa ‘kin, sasakay ako.”
NON-EXISTENT “GIFTS.” Hindi rin daw sila nagkaroon ng pagkakataon ni Sunshine na magkausap at magkaliwanagan tungkol sa isyu nilang tatlo.
“Actually, hindi ko alam na nag-message na pala siya sa akin sa e-mail ko.
"Hindi kasi ako nagtse-check na parang… na may... yun nga, ibalik ko na raw yung iPhone5, mga ganun-ganun, na late ko na nabasa.
“Kumbaga, lumabas na yung mga issue sa Instagram, ngayon ko lang nabasa yung mga message niya sa akin.”
Kaya malabo rin daw na magkaroon sila ng kumprontasyon ni Sunshine—sa Internet man o sa aktuwal na paghaharap.
Pinasinungalingan naman ni Krista ang mga diumano’y regalong natanggap niya mula kay Cesar.
“Nakaka-receive ako ng mga gift sa mga ibang manliligaw ko, sa mga friends ko. Pero wala akong natanggap na gift galing kay Direk Cesar.”
Meron daw siyang natanggap na gift—na gift din naman para sa lahat ng involved sa pelikula—na jewelry box nung Christmas party nila.
Wala raw iPhone5 at iba pang items na kini-claim ni Sunshine na binigay raw sa kanya ni Cesar.
Tanong ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa kanya, ano yung mga lumabas sa Instagram account niya na siyang basehan ng mga panggagalaiti sa kanya ni Sunshine?
“Hindi [totoo] talaga. Nagulat na lang talaga ako na may ganun,” sagot niya.
Kung gayon, ano yung sinasabi ni Sunshine na nadiskubre ng mga anak nila ni Cesar sa Instagram account ni Krista?
“Puwede namang tanungin yung mga bata kung may nakita ba talaga sila, e.
"Kung meron nga silang nakita, for sure, hindi ako yun.
"Hindi ko kasi talaga ugaling mag-send [ng Instagram photos], e,” paniniguro pa ni Krista.
CESAR SAYS SORRY. Sa pagitan naman nila ni Cesar habang nagaganap ang kontrobersiya, humingi raw ng dispensa ang aktor-direktor dahil sa pakakasangot ni Krista sa gulo nilang mag-asawa.
Nagpasabi raw ito sa isang member ng production staff ng pelikula.
Sabi ni Krista, “Dun pinadala yung sorry na parang in time, puwede naman daw akong sumagot.
“Pero yun nga, sumagot din ako sa sarili ko. Hindi po para… huwag magpakontrol.”
WANTS TO TALK TO SUNSHINE. Tutal ay nagpa-interview na siya noon, bakit hindi siya gumawa ng attempt na makipag-usap kay Sunshine upang linisin ang kanyang pangalan sa gulong mag-asawa?
Paliwanag ni Krista, “Mahirap sabayan, e.
"Kumbaga, sabi nga nila, habang umuulan, sumilong ka lang. Huwag mong sasabayan ang ulan.
"Yun yung ano ko sa sarili ko.”
Kung bigyan ng pagkakataon na magkausap sila ngayon, okey lang ba sa kanya?
“Gusto ko, oo. Para at least, kahit papaano, magkaayos kami, magkausap kami. Malinaw namin yung isa’t isa. Yung dapat linawin.
“Siyempre, yung sasabihin ko sa kanya, yung dapat linawin na… kumbaga, ako, hindi ko naman alam ang pakiramdam ng may-asawa, e.
"Kumbaga, kung mabibigyan kami ng pagkakataon magkausap kami, why not?”
Kung magkakasalubong sila sa daan, ano ang gagawin niya?
Sagot niya, “Babatiin ko pa. Ako, sobrang ganun ako.
"Pag may kaaway ako, kunyari, ikaw ang may kasalanan sa akin, ako pa yung mag-a-approach sa iyo.
"Ganun akong tao, e. Hindi ako yung tipong nagtatanim ng sama ng loob.”
Sinabi niya rin na hindi rin daw siya ang tipo ng babaeng naninira ng pamilya.
“Bakit naman ako maninira ng pamilya? Siyempre, ako, may pamilya rin ako. Ayoko yung…
“Ako, only girl pa ‘ko sa aming magkakapatid. Ayoko rin naman yung babalik sa akin kung anuman yung gagawin ko.”
May karelasyon din daw siya kaya malabong maging sila ni Cesar.
“Hindi ko siya boyfriend, pero may karelasyon ako.
"Wala kaming commitment, pero may karelasyon ako.
“Bakit naman ako aano sa iba, di ba?” diin ni Krista.
